8
Babala at Pag-asa
1 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng isang malapad na tapyas ng bato at isulat mo sa malalaking letra ang mga sumusunod: ‘Kay Maher-salal-has-baz.’
2 Ikuha mo ako ng dalawang saksing mapagkakatiwalaan: ang paring si Urias at si Zacarias na anak ni Jeberequias.”
3 Sinipingan ko ang aking asawa. Siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh: “Ang ipangalan mo sa kanya'y Maher-salal-has-baz.
4 Sapagkat bago pa siya matutong tumawag ng ‘Tatay’ o ‘Nanay,’ ang kayamanan ng Damasco at ang mga nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.”
5 Sinabi pa sa akin ni Yahweh:
6 “Sapagkat tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na umaagos nang banayad,
at nangangatog sila sa harapan ni Rezin, at ng anak ni Remalias;
7 ipadadala sa kanila ng Panginoon ang hari ng Asiria at ang kanyang mga hukbo,
na lulusob tulad ng malakas na agos ng Ilog Eufrates.
8 Parang baha ito na aagos sa Juda,
tataas ang tubig nang hanggang leeg, at lalaganap ito sa buong lupain mo, O Emmanuel.”
9 Magsama-sama man kayo mga bansa ay mawawasak din kayo!
Makinig kayo, mga bansang nasa malalayong dako.
Maghanda man kayo sa pakikipaglaban ay matatakot din kayo.
10 Magplano man kayo, tiyak na kayo'y mabibigo;
magpulong man kayo, wala ring mangyayari,
sapagkat ang Diyos ay kasama namin.
Binalaan ni Yahweh ang Propeta
11 Sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, binalaan ako ni Yahweh
na huwag kong sundan ang mga landas na dinadaanan ng mga taong ito.
12 Sinabi niya, “Huwag kayong maniwala sa sabwatan na sinasabi ng bansang ito;
huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan.
13 Ngunit si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang dapat ninyong kilalanin bilang Banal.
Siya ang dapat ninyong igalang at dapat katakutan.
14 Sa dalawang kaharian ng Israel,
siya'y magiging isang santuwaryo, isang batong katitisuran;
bitag at patibong para sa mga naninirahan sa Jerusalem.
15 Dahil sa kanya, marami ang babagsak, mabubuwal at masusugatan;
marami rin ang masisilo at mahuhulog sa bitag.”
Babala Laban sa Pagsangguni sa Patay
16 Ingatan mo at pagtibayin ang mensaheng ito para sa aking mga alagad.
17 Maghihintay ako kay Yahweh na tumalikod sa sambahayan ni Jacob;
at sa kanya ako aasa.
18 Ako at ang mga anak na kaloob sa akin ni Yahweh
ay palatandaan at sagisag sa Israel,
mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na naninirahan sa Bundok ng Zion.
19 Kapag may nagsabi sa inyo: “Sumangguni kayo sa mga espiritu ng namatay at sa mga manghuhula.
Hindi ba dapat sumangguni ang mga tao sa kanilang diyos at patay para sa mga buháy?”
20 Ganito ang inyong isasagot, “Nasa inyo ang aral at tagubilin ng Diyos!
Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu,
ipapahamak lang kayo ng mga iyon.”
Panahon ng Kaguluhan
21 Maglalakbay sila sa lupain na pagod na pagod at gutom na gutom,
magwawala sila dahil sa gutom at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang diyos.
Titingala sila sa langit
22 at igagala nila ang kanilang mata sa lupa,
ngunit wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman;
isang nakakatakot na kadiliman kung saan sila itatapon.