Ang Unang Sulat ni
JUAN
Panimula
Ang Unang Sulat ni Juan ay may dalawang pangunahing layunin. Una, hikayatin ang mga mambabasa na mamuhay nang may pakikipag-isa sa Diyos at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ikalawa, bigyan sila ng babala na huwag silang sumunod sa maling turo, na masama ang daigdig at si Jesus na Anak ng Diyos ay hindi talagang tao. Sinasabi ng mga gurong ito na dapat maging malaya ang tao sa anumang kaugnayan sa daigdig na ito para maligtas. Itinuturo rin nila na ang kaligtasan ay walang kaugnayan sa moralidad o sa pag-ibig sa kapwa.
Bilang pagsalungat sa turong ito, malinaw na sinasabi ng sumulat na si Jesu-Cristo ay tunay na tao. Binigyang-diin niya na kailangang mag-ibigan ang lahat ng nananalig kay Jesus at umiibig sa Diyos.
Nilalaman
Panimula 1:1-4
Liwanag at kadiliman 1:5–2:29
Mga anak ng Diyos at mga anak ng diyablo 3:1-24
Katotohanan at kamalian 4:1-6
Ang tungkulin ng pag-ibig 4:7-21
Pananampalatayang nagtatagumpay 5:1-21
1
Ang Salitang Nagbibigay-buhay
1 Sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salitang nagbibigay-buhay. Siya ay aming narinig at nakita, napagmasdan at nahawakan.
2 Nahayag ang buhay na ito, nakita namin siya, at pinapatotohanan namin at ipinapangaral sa inyo ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin.
3 Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.
4 Isinusulat namin ito upang malubos ang aming kagalakan.
Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman sa kanya.
6 Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan.
7 Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, gaya niya na nasa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak.
8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan.
9 Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.
10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.