11
Ang Sagot ni Zofar kay Job
1 Sumagot naman si Zofar na isang Naamita,
2 “Palalampasin na lang ba ang napakarami mong sinabi?
Tama ba ang isang tao kapag ito ay maraming salita?
3 Akala mo ba'y di masasagot ang mga sinabi mo,
at sa iyong pangungutya, kami'y di na makapagsasalita?
4 Ipinipilit mong tama ang iyong paniniwala,
at sa harap ng Diyos ika'y malinis na lubos.
5 Magsalita sana ang Diyos upang ika'y masagot.
6 Upang masabi sa iyo ang mga lihim ng karunungan,
sapagkat napakalalim ng kanyang kaalaman,
parusa nga niya sa iyo'y mas maliit kaysa iyong kasalanan.
7 “Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos?
Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot?
8 Higit itong mataas kaysa kalangitan,
at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay.
9 Malawak pa iyon kaysa sanlibutan,
higit na malaki kaysa karagatan.
10 Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman,
mayroon bang sa kanya'y makakahadlang?
11 Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan,
kitang-kita niya ang kanilang kasamaan.
12 Ang hangal ay maaaring tumalino
kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo.
13 “Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo.
14 Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan.
15 At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob, walang kinatatakutan.
16 Mga pagdurusa mo ay malilimutan,
para lamang itong bahang nagdaan.
17 Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw,
ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway.
18 Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa;
iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga.
19 Wala kang kaaway na katatakutan;
maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong.
20 Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama,
walang kaligtasan kahit saan sila magpunta,
at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa.”