30
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
“Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan,
na mga anak ng mga taong di ko pinayagan
na sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan.
Mga bisig nila ay hindi ko inasahan,
walang gawaing kanilang nakayanan.
Sa gitna ng gutom at kasalatan,
kanilang kinakain mga tuyong ugat sa ilang.
Nangunguha sila ng usbong ng halaman sa dawagan,
at ugat ng mga tambo ang panlaman nila sa tiyan.
Ang mga taong ito'y itinakwil ng lipunan,
at ang turing sa kanila'y mistulang mga tulisan.
Mga kuweba't mga kanal ang kanilang tinitirhan,
ang iba nama'y sa lungga, at ang iba'y sa batuhan.
Ungol nila'y naririnig mula roon sa dawagan,
sila'y nagyayakap-yakap sa gitna ng katinikan.
Sila'y parang mga yagit na walang kabuluhan
pagkat mula sa lupain, sila'y ipinagtatabuyan.
 
“Ngayo'y ako naman ang kanilang pinagtatawanan,
siyang laging binibiro at pinag-uusapan.
10 Kinukutya nila ako at kanilang iniiwasan,
at di nag-aatubiling ako'y kanilang duraan.
11 Pagkat inalis ng Diyos ang lakas ko at kakayahan,
kaya naman ako'y kanilang nilalapastangan.
12 Sinalakay nila ako nang walang pakundangan,
hinahabol nila ako upang tapusin nang tuluyan.
13 Pilit akong sinusukol upang ako'y pahirapan,
sa ginagawa nila'y wala man lang humadlang.
14 Isang pader na may bitak ang katulad ng aking buhay,
sinalakay nila ako at tinapak-tapakan.
15 Ang buo kong pagkatao ay nilukuban ng takot,
dangal ko'y naglaho parang bulang pumutok,
at ang aking kasaganaan, parang ulap na sumabog.
 
16 ‘Halos mapatid na ang aking hininga,
hindi na maibsan ang hirap kong dala.
17 Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit,
ginhawa'y di madama kahit isang saglit.
18 Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan,
at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan.
19 Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagis
lumubog sa putik, parang isang yagit.
 
20 “Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing,
aking panalangin, hindi mo man lang pinansin.
21 Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan,
at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan?
22 Bakit hinayaang ang buhay kong angkin,
bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin?
23 Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan,
na huling hantungan ng bawat nilalang.
24 Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan,
wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang?
25 Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan,
at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan?
26 Tuwa at liwanag ang aking inaasahan;
subalit ang dumating ay hirap at kadiliman.
27 Kahirapan at sakit ang kayakap ko sa buhay,
at siyang nakakasama sa bawat araw.
28 Ang landas ko ay madilim at walang kapanatagan;
ako'y nagmamakaawa sa lahat kong kababayan.
29 Ang tinig ko'y walang sigla at namamalat,
parang boses ng uwak at ng asong gubat.
30 Ang balat ko'y nangingitim at natutuklap, sagad hanggang buto itong aking lagnat.
31 Ang dati kong naririnig ay masasayang tugtugan,
ngayo'y tunog ng pagluluksa at pag-iiyakan.