6
Sinisi ni Job ang mga Kaibigan
Ang sagot ni Job:
“Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana,
at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya.
Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot?
Mayroon bang lasa ang puti ng itlog?
Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana,
sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka.
 
“Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.
 
14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
16-17 Kung taglamig, ang ilog ay pawang yelo,
pagsapit ng tag-araw, nawawalang lahat ito;
ang ilog ay natutuyo, walang laman kahit ano.
18 Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay,
at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay.
19 Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba,
20 ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
22 Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong?
Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol?
23 Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo?
Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako?
 
24 “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan,
ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan.
25 Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan,
ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan.
26 Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan,
bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan?
27 Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan,
pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan.
28 Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan,
29 Lumalabis na ang mali ninyong paratang,
tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran.
30 Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama,
at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama.