21
Ikinuha ng mga Asawa ang mga Benjaminita
Ang kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa Mizpa at nangako kay Yahweh. Ang sabi nila, “Hindi namin pahihintulutan ang aming mga anak na babae na mapangasawa ng mga Benjaminita.”
Pagkaraan niyon, pumunta sila sa Bethel, at malungkot na humarap kay Yahweh. Hanggang gabi silang nakaupo roon, at buong kapaitang nanangis. Sinabi nila, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit kailangan pang mawala ang isa sa mga lipi ng Israel?”
Kinaumagahan, ang mga Israelita'y nagtayo roon ng isang altar at naghain ng mga handog para sa kapayapaan at nagsunog ng buong handog. Nagtanungan sila kung aling lipi ng Israel ang hindi nakiisa sa pagtitipon sa Mizpa, sapagkat mahigpit nilang ipinangako na papatayin ang sinumang hindi humarap doon kay Yahweh. Labis nilang ikinalungkot ang nangyari sa mga kapatid nilang Benjaminita. Ang sabi nila, “Ang Israel ay nabawasan ng isang lipi. Saan natin ikukuha ng mapapangasawa ang mga natitira pang Benjaminita sapagkat tayo'y sumumpang hindi natin papayagang mapangasawa nila ang ating mga anak?”
Sinabi nila, “Ang lipi ng Israel ay may isang angkang hindi humarap kay Yahweh sa Mizpa.” Nalaman nilang hindi pumunta roon ang mga taga-Jabes-gilead sapagkat isa mang taga-Jabes-gilead ay walang sumagot nang isa-isang tawagin ang mga tao. 10 Kaya ang kapulungang iyon ay pumili ng 12,000 matatapang na kawal, pinapunta sa Jabes-gilead, at inutusang patayin ang lahat ng tagaroon, 11 bata't matanda, lalaki't babae, liban sa mga dalaga. 12 Nakakita sila ng apatnaraang dalagang hindi pa nasisipingan at ang mga ito'y iniuwi nila sa Shilo, sakop ng Canaan.
13 Pagkatapos, ang mga Israelita ay nagpadala ng sugo sa mga Benjaminitang nagtatago sa Bundok ng Rimon. Ipinasabi nila, “Maaari na kayong umuwi sapagkat tapos na ang ating digmaan.” 14 Nag-uwian naman ang mga ito at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes-gilead, ngunit ang mga ito'y kulang sa kanila.
15 Ikinalungkot nga ng mga Israelita ang nangyari sa mga Benjaminita sapagkat nagkalamat ang pagkakaisa ng mga lipi ng Israel. 16 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng kapulungan. Ang sabi nila, “Walang natirang babaing Benjaminita. Ano ang gagawin natin para magkaasawa ang wala pang asawa? 17 Hindi natin dapat pabayaang malipol ang alinman sa lipi ng Israel. Kailangang gumawa tayo ng paraan para hindi mawala ang lipi ni Benjamin. 18 Hindi naman natin maibibigay sa kanila ang ating mga anak sapagkat isinumpa nating hindi papayagan na mapangasawa nila ang ating mga anak.” 19 Noon nila naalalang malapit na ang taunan nilang pista para kay Yahweh na ginaganap nila sa Shilo, sa hilaga ng Bethel, gawing timog ng Lebona, sa gawing silangan ng daan sa pagitan ng Bethel at Shekem.
20 Sinabi nila sa mga Benjaminita, “Magtago kayo sa ubasan 21 at hintayin ninyo ang mga dalagang taga-Shilo. Pagdaan nila roon upang magsayaw sa pista, mang-agaw na kayo ng inyong mapapangasawa at iuwi ninyo. 22 Kapag nagreklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid, sasabihin na lang namin sa kanila na bayaan na kayo sapagkat kulang sa inyo ang mga dalagang nakuha namin sa Jabes. Iyon naman ay hindi masasabing pagsira nila sa pangako sapagkat kinuha ninyo nang wala silang pahintulot.” 23 Ganoon nga ang ginawa ng mga Benjaminita; bawat isa sa kanila'y pumili ng isa sa mga nagsasayaw, at tinangay. Umuwi sila sa kanilang lupain, itinayo ang kanilang mga lunsod at muling nanirahan doon. 24 Samantala, ang ibang mga Israelita ay umuwi na sa kanya-kanyang lipi, pamilya at ari-arian.
25 Nang+ panahong iyon ay wala pang hari sa Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan.
+ 21:25 Huk. 17:6.