5
Ang Awit nina Debora at Barak
1 Nang araw na iyon, ang awit na ito'y inawit ni Debora at ni Barak na anak ni Abinoam:
2 “Purihin si Yahweh!
Ang mga Israelita'y buong giting na lumaban;
nagkusang-loob ang taong-bayan.
3 “Mga pinuno at mga hari, inyong dinggin,
ako'y aawit kay Yahweh, sa Diyos ng Israel!
4 “Nang sa bundok ng Seir, Yahweh, ikaw ay lumisan,
at nang ang lupain ng Edom ay iyong iniwan,
nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan,
tubig ng mga ulap sa kalangitan.
5 Nayanig ang mga bundok sa harapan ni Yahweh, na nasa Zion,
sa harapan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
6 “Nang panahon ni Shamgar, anak ni Anat,
gayundin naman nang panahon ni Jael,
ang mga manlalakbay ay lumilihis sa daan,
tumigil ang mga tao sa pangangalakal.
7 Noo'y iniwan na ang mga nayon sa Israel,
ngunit nang dumating ka, Debora,
sa Israel ika'y naging isang ina.
8 Pumipili sila ng mga bagong diyus-diyosan,
kaya't ang digmaa'y nasa mga pintuang-bayan.
Sa apatnapung libong Israel na lumaban,
mayroon bang nagdala ng sibat at kalasag man lang?
9 Ang pagmamalasakit ng puso ko'y sa mga pinunong Israelita,
na kusang nag-alay ng sariling buhay nila.
Purihin si Yahweh!
10 “Umawit kayo habang sakay ng mapuputing asno,
habang maiinam na latag ang inuupuan ninyo
at kayong mga naglalakad saanman patungo.
11 Sabay sa himig ng mga pastol sa tabing balon
kung saan sinasaysay ang tagumpay ni Yahweh,
mga tagumpay ng Israel sa kanyang mga nayon.
Sa pintuan ng lunsod pumasok sila roon.
12 “Gumising ka, Debora, at ikaw ay tumayo!
Gumising ka't bumangon, umawit ng isang himig.
Barak, anak ni Abinoam,
kumilos ka't dalhin mong bihag ang mga kalaban.
13 Kumilos na ang mga dakila ng bayan;
alang-alang kay Yahweh malakas man ay lalabanan!
14 Sumalakay sa libis ang hukbo ni Efraim,
kasunod sa paglusob ang lipi ni Benjamin.
Mga pinuno ng Maquir sa digmaa'y dumating,
gayundin ang mga pinuno na sa Zebulun nanggaling.
15 Ang mga pinuno ng Isacar sumama kay Debora,
gayundin kay Barak na tagapanguna,
at hanggang sa libis sumunod sa kanya.
Ngunit ang lipi ni Ruben ay di makapagpasya,
di nila malaman kung sila ay sasama.
16 Bakit ayaw ninyong iwan ang pastulan?
Hindi n'yo ba maiwan ang inyong mga kawan?
Ang lipi nga ni Ruben, sa pagpapasya'y nahirapan.
17 Ang Gilead ay nanatili sa silangan ng Jordan,
ang mga barko'y hindi iniwan ng lipi ni Dan.
Ang lipi ni Asher, sa tabing-dagat nagpaiwan,
sila'y nanatili sa mga daungan.
18 Itinaya ng Zebulun ang kanyang buhay,
gayundin ang Neftali na humarap sa digmaan.
19 “Ang mga hari'y dumating doon sa labanan,
silang mga hari ng lupang Canaan,
sa mga batis ng Megido doon sa Taanac,
ngunit wala silang nasamsam na pilak.
20 Pati mga bituin ay nakipaglaban,
nilabanan si Sisera buhat sa kalangitan.
21 At sa kanilang pagtawid sa ilog ng Kison,
tinangay sila ng agos, nilamon ng mga alon.
Gayunman kaluluwa ko, tumatag ka't magpatuloy!
22 Sa bilis ng takbo ang yabag ay walang humpay,
kabayong matutulin sila ang nakasakay.
23 “Sumpain ang Meroz,” sabi ng anghel ni Yahweh.
“Sumpain nang labis ang naninirahan doon,
sapagkat hindi sila humarap at tumulong sa labanan,
nang digmain ni Yahweh ang mga kalaban.
24 “Higit ngang pinagpala ang babaing si Jael,
ang asawa ng Cineong si Heber,
sa lahat ng babaing nakatira sa mga tolda, higit na pagpapala nakalaan sa kanya.
25 Si Sisera'y humingi ng tubig na inumin, ngunit gatas ang ibinigay ni Jael;
malinamnam na gatas sa sisidlang mamahalin.
26 At habang ang tulos ng tolda'y hawak ng kaliwang kamay,
sa kanan nama'y hawak ang maso ng panday,
ibaon ang tulos sa sentido ni Sisera,
nabasag at nadurog ang ulo niya.
27 Sa paanan ni Jael, si Sisera'y nahandusay,
sa kanyang paana'y bumagsak at namatay.
28 “Itong ina ni Sisera ay naroon sa bintana,
naiinip, hindi mapakali, nagtatanong na may luha,
‘Bakit kaya hanggang ngayon ang anak ko'y wala pa,
kabayo at karwahe niya'y masyadong naaantala?’
29 Mga babaing tagapayo ay tumugon sa kanya;
at sa kanyang tanong ito rin ang sagot niya:
30 ‘Nagtatagal marahil siya sa paghanap ng samsam nila,
para sa isang kawal, isang babae o dalawa,
mamahaling kasuotan para sa kanyang ina,
at magarang damit naman para sa kanya.’
31 “Ganyan nawa malipol ang iyong mga kalaban, O Yahweh,
maging tulad naman ng sumisikat na araw ang iyong mga kaibigan.”
At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon.