7
Nilupig ni Gideon ang mga Midianita
Si Gideon ay tinatawag ding Jerubaal. Isang araw, maagang bumangon si Gideon at ang kanyang mga tauhan at nagkampo sila sa may Bukal ng Harod. Samantala, ang mga Midianita ay nagkampo sa hilagang kapatagan, sa may Burol ng More.
Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Sobrang dami ng mga tauhan mo para pagtagumpayin ko kayo laban sa mga Midianita. Baka akalain nilang sarili nila ang nakatalo sa mga Midianita at hindi dahil sa tulong ko. Kaya,+ sabihin mo sa taong-bayan na ang lahat ng natatakot ay maaari nang umuwi.” Nang sabihin ito ni Gideon, umuwi ang 22,000 ngunit 10,000 pa ang naiwan.
Sinabi muli ni Yahweh kay Gideon, “Napakarami pa ring natira. Isama mo sila sa tabi ng batis at bibigyan ko sila roon ng pagsubok. Doon ko sasabihin kung sino ang dapat mong isama at kung sino ang hindi.” Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Pagdating nila sa batis, sinabi ni Yahweh, “Ibukod mo ang lahat ng umiinom na parang aso. Ibukod mo rin ang mga nakaluhod habang umiinom.” Ang sumalok ng tubig sa pamamagitan ng kamay upang uminom ay tatlong daan at ang iba'y lumuhod upang uminom. Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Ang tatlong daang sumalok sa pag-inom ang isasama mo upang pagtagumpayin ko kayo at gapiin ang mga Midianita. Ang iba nama'y pauwiin mo na.” Kaya't pinauwi na ni Gideon ang lahat ng mga Israelita maliban sa tatlong daan. Iniwan sa mga ito ang lahat ng banga at ang mga trumpeta. Ang kampo ng mga Midianita ay nasa libis sa gawing ibaba nila.
Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Lusubin na ninyo ang kampo ng mga Midianita sapagkat ibinigay ko na sila sa inyong kamay! 10 Kung nag-aalinlangan ka pa hanggang ngayon, pumunta ka sa kampo kasama ang tagapaglingkod mong si Pura. 11 Tiyak na lalakas ang loob mo kapag narinig mo ang kanilang usapan.” Kaya't si Gideon at si Pura ay palihim na nagpunta sa may kampo ng mga Midianita. 12 Ang mga Midianita, pati ang mga Amalekita at mga tribo sa paligid ay naglipana sa kapatagan na parang mga balang sa dami. Ang kanilang mga kamelyo naman ay sindami ng buhangin sa dagat.
13 Nang malapit na sina Gideon, may narinig silang nag-uusap. Ang sabi ng isa, “Napanaginipan kong may isang tinapay na sebadang gumulong sa ating kampo. Nagulungan daw ang tolda at ito'y bumagsak.”
14 Sagot naman ng isa, “Iyon ay walang iba kundi ang tabak ng Israelitang si Gideon na anak ni Joas. Ang Midian at ang buong hukbo ay ibinigay na ng Diyos sa kanyang kamay.”
15 Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, lumuhod siya at nagpuri sa Diyos. Pagkatapos, nagbalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “Bumangon na kayo! Ibinigay na ni Yahweh sa inyong mga kamay ang mga Midianita!”
16 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang tatlong daang tauhan. Bawat isa'y binigyan niya ng trumpeta at banga na may sulo sa loob. 17 Sinabi niya sa kanila, “Kapag malapit na ako sa kanilang kampo, tumingin kayo sa akin at gawin ninyo ang gagawin ko. 18 Kapag narinig ninyong hinihipan ko at ng aking pangkat ang aming mga trumpeta, hipan na rin ninyo ang inyong trumpeta sa palibot ng kampo, at sumigaw kayo ng, ‘Para kay Yahweh at para kay Gideon!’ ”
19 Maghahating-gabi na. Halos kapapalit pa lamang ng pangkat ng tanod nang sina Gideon ay makalapit sa kampo ng mga Midianita. Hinipan nila ang kanilang mga trumpeta sabay basag sa mga dala nilang banga. 20 Ganoon din ang ginawa ng dalawang pangkat. Hawak ng kanilang kaliwang kamay ang sulo at nasa kanan naman ang trumpeta habang sumisigaw ng, “Tabak ni Yahweh at ni Gideon!” 21 Bawat isa'y hindi umaalis sa kanyang kinatatayuan sa paligid ng kampo, samantalang nagsisigawan at nagkakanya-kanyang takbuhan ang mga nasa kampo. 22 At habang walang tigil sa pag-ihip ng trumpeta ang tatlong daang Israelita, pinaglaban-laban ni Yahweh ang mga nasa kampo. Kanya-kanya silang takbo tungo sa Cerera hanggang Beth-sita at Abel-mehola, malapit sa Tabata.
23 Ipinatawag ni Gideon ang kalalakihang mula sa mga lipi nina Neftali, Asher at Manases, at ipinahabol sa mga ito ang mga Midianita. 24 Si Gideon ay nagpadala ng mga sugo sa lipi ni Efraim na nakatira sa mga kaburulan. Sinabi niya, “Bumabâ kayo at tugisin ninyo ang mga Midianita. Pabantayan ninyo ang Ilog Jordan at ang mga batis hanggang sa Beth-bara, upang hindi sila makatawid.” Kaya't lahat ng kalalakihan sa lipi ng Efraim ay nagtipon, at ganoon nga ang kanilang ginawa. 25 Sa paghabol nila sa mga Midianita, nabihag nila ang dalawang pinunong sina Oreb at Zeeb. Pinatay nila si Oreb sa Bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Pagkatapos, dinala nila ang ulo ng dalawang ito kay Gideon sa ibayo ng Jordan.
+ 7:3 Deut. 20:8.