18
Ang Pagdakip kay Jesus
(Mt. 26:47-56; Mc. 14:43-50; Lu. 22:47-53)
1 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon.
2 Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad.
3 Isinama roon ni Judas ang ilang mga bantay sa Templo at isang pangkat ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, mga sulo at mga sandata.
4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?”
5 “Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.
At sinabi niya, “Ako iyon.”
Si Judas na nagkanulo sa kanya ay kaharap nila noon.
6 Nang sabihin ni Jesus na “Ako iyon,” napaurong sila at bumagsak sa lupa.
7 Muli niyang itinanong, “Sino ba ang hinahanap ninyo?”
“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.
8 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako iyon. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito.”
9 Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, “Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”
10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Pinakapunong Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Ang pangalan ng alipin ay Malco.
11 Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Sa palagay mo ba'y hindi ko iinuman ang kopa ng pagdurusa na ibinigay sa akin ng Ama?”
12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay na Judio at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan.
Si Jesus sa Harapan ni Anas
13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon.
14 Si Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na makabubuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.
Ikinaila ni Pedro si Jesus
(Mt. 26:69-70; Mc. 14:66-68; Lu. 22:55-57)
15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari.
16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang utusang babae na nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro.
17 Si Pedro'y tinanong ng babae, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?”
“Hindi,” sagot ni Pedro.
18 Maginaw noon, kaya't nagsiga ng uling ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro, tumayo roon at nagpainit din.
Tinanong si Jesus sa Harapan ng Pinakapunong Pari
(Mt. 26:59-66; Mc. 14:55-64; Lu. 22:66-71)
19 Tinanong si Jesus ng Pinakapunong Pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo.
20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim.
21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.”
22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga bantay na naroroon. “Ganyan ba ang pagsagot sa pinakapunong pari?” tanong niya.
23 Sumagot si Jesus, “Kung may sinabi akong masama, patunayan mo! Ngunit kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”
24 Matapos ito, si Jesus na nakagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari.
Muling Ikinaila ni Pedro si Jesus
(Mt. 26:71-75; Mc. 14:69-72; Lu. 22:58-62)
25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay nakatayo at nagpapainit pa rin sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?”
Ipinagkaila ito ni Pedro. “Hindi!” sagot niya.
26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama ni Jesus sa halamanan?”
27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at agad na tumilaok ang manok.
Dinala si Jesus kay Pilato
(Mt. 27:1-2, 11-14; Mc. 15:1-5; Lu. 23:1-5)
28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo ng gobernador mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa.
29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?”
30 Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.”
31 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kayo na ang bahala sa kanya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.”
Subalit sumagot ang mga Judio, “Hindi ipinapahintulot sa aming humatol ng kamatayan kaninuman.”
32 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.
33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya.
34 Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”
35 Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”
36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”
37 “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
38 “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus
(Mt. 27:15-31; Mc. 15:6-20; Lu. 23:13-25)
Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya.
39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”
40 “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan.