9
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag
1 Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa nang ipanganak.
2 Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang?”
3 Sumagot si Jesus, “Ipinanganak siyang bulag, hindi dahil sa nagkasala siya, o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya.
4 Kailangang gawin natin ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin habang may araw pa; darating ang gabi, kung kailan wala nang makakapagtrabaho.
5 Habang ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”
6 Pagkasabi nito, dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid niya ito sa mata ng bulag.
7 Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa imbakan ng tubig sa Siloe at maghilamos ka roon.” (Ang kahulugan ng salitang Siloe ay Sinugo.) Pumunta nga ang bulag, naghilamos doon, at pagbalik niya ay nakakakita na.
8 Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nakaupo at namamalimos?”
9 Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” Sabi naman ng iba, “Hindi! Kamukha lang.” Kaya't nagsalita ang dating bulag, “Ako nga po iyon.”
10 “Paano kang nakakita?” tanong nila.
11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa aking mata. Pagkatapos, sinabi niya sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Pumunta nga ako doon at naghilamos, at nakakita na ako!”
12 “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Hindi ko alam,” sagot niya.
Nagsiyasat ang mga Pariseo tungkol sa Pagpapagaling
13 Dinala ng mga tao sa mga Pariseo ang dating bulag.
14 Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at nang pinagaling niya ang bulag.
15 Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, ako'y naghilamos at ngayo'y nakakakita na ako.”
16 Ang sabi ng ilang Pariseo, “Hindi maaaring mula sa Diyos ang taong iyon, sapagkat hindi niya ipinapangilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makakagawa ng ganitong mga himala ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa.
17 Kaya't tinanong nilang muli ang dating bulag, “At ikaw, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling niya ang iyong mga mata?”
“Isa siyang propeta!” sagot niya.
18 Ayaw maniwala ng mga Judio na siya'y talagang dating bulag na ngayo'y nakakakita na kaya't ipinatawag nila ang kanyang mga magulang.
19 “Anak nga ba ninyo ito? Talaga bang siya'y ipinanganak na bulag? Ano'ng nangyari at nakakakita na siya ngayon?” tanong nila.
20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming anak namin siya at alam din naming siya'y ipinanganak na bulag.
21 Ngunit hindi po namin alam kung ano ang nangyari at nakakakita na siya ngayon, o kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Nasa hustong gulang na siya. Makakapagsalita na siya para sa kanyang sarili.”
22 Ganito ang sinabi ng kanyang mga magulang dahil sa kanilang takot sa mga pinuno ng mga Judio. Sapagkat pinagkaisahan na ng mga Judio na ang sinumang magpahayag na si Jesus ang Cristo ay ititiwalag sa sinagoga.
23 Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y nasa hustong gulang na, siya ang tanungin ninyo.”
24 Muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sa ngalan ng Diyos, magsabi ka ng totoo. Alam naming ang taong iyon ay makasalanan.”
25 Sumagot siya, “Hindi ko po alam kung siya'y makasalanan, o hindi. Isang bagay po ang alam ko; ako'y dating bulag, subalit ngayo'y nakakakita na.”
26 “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinagaling ang iyong mga mata?” tanong nila.
27 Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw naman ninyo akong paniwalaan. Bakit gusto ninyong marinig muli? Nais ba ninyong maging alagad din niya?”
28 At siya'y kanilang nilait, “Ikaw ang alagad niya! Kami'y mga alagad ni Moises.
29 Nalalaman naming nagsalita ang Diyos kay Moises ngunit ang taong iyon, ni hindi namin alam kung saan siya nanggaling!”
30 Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayunma'y pinagaling niya ang aking mga mata.
31 Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinapakinggan niya ang mga sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.
32 Mula pa nang likhain ang mundo ay wala pa tayong nabalitaang nakapagpagaling ng mata ng taong ipinanganak na bulag.
33 Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya'y hindi mula sa Diyos!”
34 Sumagot sila, “Ipinanganak kang lubos na makasalanan at ngayo'y nais mo pa kaming turuan!” At siya'y kanilang itiniwalag.
Mga Bulag sa Espiritu
35 Nabalitaan ni Jesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't nang matagpuan niya ito ay kanyang tinanong, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?”
36 Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako'y sumampalataya sa kanya.”
37 “Siya'y nakita mo na. Siya ang kausap mo ngayon,” wika ni Jesus.
38 “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Jesus.
39 Sinabi ni Jesus, “Naparito ako sa mundong ito upang humatol, at nang sa gayo'y makakita ang mga bulag at mabulag naman ang mga nakakakita.”
40 Narinig ito ng ilang Pariseong naroon at siya'y kanilang tinanong, “Ibig mo bang sabihi'y mga bulag din kami?”
41 Sumagot si Jesus, “Kung kayo nga'y bulag, hindi sana kayo hahatulang maysala. Ngunit dahil sinasabi ninyong nakakakita kayo, nananatili kayong maysala.”