14
Ang Matinding Tagtuyot
1 Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jere mias tungkol sa tagtuyot:
2 “Nananangis ang Juda, naghihingalo ang kanyang mga lunsod,
nakahandusay sa lupa ang mga tao dahil sa matinding kalungkutan,
at napapasaklolo ang Jerusalem.
3 Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin upang kumuha ng tubig;
nagpunta naman ang mga ito sa mga balon,
ngunit wala silang nakuhang tubig doon;
kaya nagbalik sila na walang laman ang mga banga.
Dahil sa kahihiyan at kabiguan
ay tinatakpan nila ang kanilang mukha,
4 sapagkat bitak-bitak na ang lupa.
Tuyung-tuyo na ang lupain dahil hindi umuulan,
nanlupaypay ang mga magbubukid,
kaya sila'y nagtalukbong na lang ng mukha.
5 Iniwan na ng inahing usa ang kanyang anak na bagong silang,
sapagkat wala ng sariwang damo sa parang.
6 Umakyat sa mga burol ang mga asnong maiilap,
humihingal na parang mga asong-gubat;
nanlalabo ang kanilang paningin
dahil sa kawalan ng pagkain.
7 Nagsumamo sa akin ang aking bayan:
‘Yahweh, bagaman inuusig kami ng aming mga kasalanan,
gayunman, kami'y tulungan mo gaya ng iyong pangako.
Tunay na maraming beses na kaming tumalikod;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8 Ikaw ang tanging pag-asa ng Israel,
ikaw lamang ang makakapagligtas sa amin sa panahon ng kagipitan.
Bakit para kang dayuhan sa aming bayan,
parang isang manlalakbay na nakikitulog lamang?
9 Bakit para kang isang taong nabigla,
parang kawal na walang tulong na magawâ?
Ngunit ang totoo, O Yahweh, kasama ka namin;
kami ay iyong bayan,
huwag mo kaming pabayaan.’ ”
10 Ang sabi ni Yahweh tungkol sa mga taong ito, “Ginusto nilang lumayo sa akin, at walang nakapigil sa kanila. Kaya naman hindi ako nalulugod sa kanila. Hindi ko malilimot ang masasama nilang gawa, at paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
11 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong hilingin sa akin na tulungan ko ang mga taong ito.
12 Kahit na sila'y mag-ayuno, magsunog ng mga handog at magdala ng handog na pagkaing butil, hindi ko diringgin ang kanilang panalangin at hindi ako malulugod sa kanila. Sa halip, pababayaan ko silang mamatay sa digmaan, sa matinding gutom, at sa sakit.”
13 Ang sabi ko naman, “Panginoong Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang mararanasan sa buong bayan.”
14 Subalit ganito ang sagot ni Yahweh: “Pawang kasinungalingan ang sinasabi ng mga propetang iyan; hindi ko sila sinugo, inutusan, o kinausap man. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi sa inyo ay hindi galing sa akin, kundi pawang kathang-isip lamang nila.
15 Ito ang gagawin ko sa mga propetang hindi ko sinugo ngunit nagpapahayag sa aking pangalan at nagsasabing hindi daranas ng taggutom ang lupain—lilipulin ko sila sa pamamagitan ng digmaan at taggutom.
16 Pati ang mga taong pinagsabihan nila ng mga bagay na ito ay masasawi sa digmaan at sa taggutom. Itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem ang kanilang mga bangkay, at walang maglilibing sa kanila. Ganyan ang mangyayari sa kanilang lahat kasama ang kanilang mga asawa't mga anak. Pagbabayarin ko sila sa kanilang kasamaan.”
17 Inutusan ni Yahweh si Jeremias na ipaalam sa bayan ang kanyang kalungkutan; at sabihin,
“Araw-gabi'y hindi na ako titigil ng pag-iyak;
sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan,
sila'y lubhang nasaktan.
18 Kapag lumabas ako sa kabukiran,
nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan;
kapag ako'y pumunta sa mga bayan,
naroon naman ang mga taong namamatay sa gutom.
Patuloy sa kanilang gawain ang mga propeta at mga pari,
subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.”
Nagmakaawa kay Yahweh ang mga Tao
19 Yahweh, lubusan mo na bang itinakwil ang Juda?
Kinapootan mo na ba ang mga taga-Zion?
Bakit ganito kalubha ang parusa mo sa amin,
parang wala na kaming pag-asang gumaling?
Naghanap kami ng kapayapaan ngunit nabigo kami;
umasa kaming gagaling ngunit sa halip takot ang dumating.
20 Yahweh, kinikilala namin ang aming kasamaan,
at ang pagtataksil ng aming mga magulang;
kaming lahat ay nagkasala sa iyo.
21 Huwag mo kaming itakwil, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong itulot na mapahiya ang Jerusalem,
ang kinalalagyan ng marangal mong trono.
Alalahanin mo ang ating kasunduan; huwag mo sana itong sirain.
22 Hindi makakagawa ng ulan ang mga diyus-diyosan ng alinmang bansa;
hindi makapagpapaambon man lamang ang mga langit.
Nasa iyo, O Yahweh, ang aming pag-asa,
sapagkat ikaw lamang ang makakagawa ng mga bagay na ito.