18
Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok
1 Sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Magpunta ka sa bahay ng magpapalayok, at may ipahahayag ako sa iyo.”
3 Kaya nagpunta naman ako, at dinatnan ko ang magpapalayok sa kanyang gawaan.
4 Kapag ang ginagawa niyang palayok ay nasira, hinahalo niyang muli ang putik, at hinuhugisan nang panibago.
5 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh,
6 “O Israel, wala ba akong karapatang gawin sa iyo ang ginawa ng magpapalayok sa putik na iyon? Kayo'y nasa mga kamay ko, tulad ng putik sa kamay ng magpapalayok.
7 Kung sinabi ko man sa isang pagkakataon na aking bubunutin, ibabagsak o lilipulin ang alinmang bansa o kaharian,
8 at ang bansang iyon ay tumalikod sa kanyang kasamaan, hindi ko na itutuloy ang aking sinabing gagawin.
9 Sa kabilang dako, kung sinabi ko man na itatayo ko o itatatag ang isang bansa o kaharian,
10 at gumawa pa rin ng kasamaan ang bansang iyon at hindi nakinig sa akin, babaguhin ko ang aking magandang balak.
11 Kaya nga, sabihin mo sa mga naninirahan sa Juda at sa Jerusalem na may binabalak ako laban sa kanila at ako'y naghahanda upang parusahan sila. Sabihin mo sa kanila na tigilan na ang makasalanang pamumuhay at magbago na sila.
12 Ang isasagot nila, ‘Hindi! Lalo pa kaming magmamatigas at magpapakasama hanggang gusto namin.’ ”
Itinakwil ng mga Tao si Yahweh
13 Kaya nga, ito ang sabi ni Yahweh:
“Tanungin mo ang alinmang bansa,
kung may nangyari na bang ganito kahit kailan?
Napakasama ng ginawa ng bayang Israel!
14 Nawawalan ba ng yelo ang mabatong kabundukan ng Lebanon?
Natutuyo ba ang umaagos at malamig na batis doon?
15 Subalit ako'y kinalimutan ng aking bayan;
nagsusunog sila ng kamanyang sa mga diyus-diyosan.
Nadapa sila sa daang dapat nilang lakaran,
at hindi na nila dinaanan ang lumang kalsada;
lumakad sila sa mga daang walang palatandaan.
16 Ang lupaing ito'y ginawa nilang pook ng katatakutan,
at pandidirihan habang panahon.
Masisindak ang bawat dadaan dito dahil sa makikita nila;
mapapailing na lamang sila sa malaking pagtataka.
17 Pangangalatin ko ang aking bayan sa harapan ng kanilang mga kaaway,
gaya ng alikabok na hinihipan ng malakas na hangin.
Tatalikuran ko sila at hindi tutulungan
pagdating ng araw ng kapahamakan.”
Ang Pagtatangka Laban kay Jeremias
18 Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Patayin na natin si Jeremias! May mga pari namang magtuturo sa atin, mga matatalino na magbibigay ng payo, at mga propetang magpapahayag ng mensahe ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag nang pakinggan ang mga sinasabi niya.”
19 Kaya nanalangin si Jeremias, “Yahweh, pakinggan mo ang aking dalangin; nalalaman mo ang binabalak ng aking mga kaaway.
20 Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano't naghanda sila ng hukay upang ako'y patayin? Nalalaman mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot.
21 Kaya ngayon, Yahweh, pabayaan mo nang mamatay sa gutom ang kanilang mga anak. Pabayaan mong mamatay sila sa digmaan. Pabayaan mong maulila sa asawa't mga anak ang mga babae, mamatay sa sakit ang mga kalalakihan, at masawi sa pakikidigma ang kanilang mga kabataang lalaki.
22 Magpadala ka ng masasamang-loob upang nakawan ang kanilang mga tahanan nang walang babala. Pabayaan mo silang magsigawan sa takot. Naghanda sila ng hukay upang mahulog ako at ng mga bitag upang ako'y mahuli.
23 Yahweh, nalalaman mo ang kanilang balak na pagpatay sa akin. Huwag mo silang patawarin sa kanilang kasamaan; huwag mong alisin sa iyong paningin ang kanilang kasalanan. Ibagsak mo silang lahat. Parusahan mo sila habang nag-aalab ang iyong poot.”