26
Binantaang Patayin si Jeremias
Nang+ pasimula ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula kay Yahweh: “Tumayo ka sa bulwagan ng templo at sabihin mo sa lahat ng tao mula sa mga lunsod ng Juda na naroon upang sumamba kay Yahweh ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang maglilihim ng anuman. Baka sakaling sila'y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, baka magbago ang aking isip at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko dahil sa kanilang masasamang gawa.
“Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang aking mga utos na inihanda ko para sa inyo, at hindi ninyo papakinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo, ang+ templong ito'y itutulad ko sa Shilo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lunsod na ito sa panlalait.’ ”
Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga pari, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ni Yahweh. Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila at nagsigawan ng, “Dapat kang mamatay! Bakit nagpahayag ka sa pangalan ni Yahweh na matutulad sa Shilo ang Templong ito, mawawasak ang lunsod, at walang matitirang sinuman?” At siya'y pinaligiran ng mga tao.
10 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno sa Juda, sila'y madaling nagtungo sa Templo mula sa palasyo at naupo sa kanilang mga upuan sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. 11 Pagkatapos ay sinabi ng mga pari at ng mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, “Dapat lang na mamatay ang taong ito sapagkat nagpahayag siya laban sa lunsod, gaya ng narinig ninyo.”
12 Sinabi naman ni Jeremias sa mga pinuno at mga taong naroon, “Sinugo ako ni Yahweh upang magpahayag laban sa Templong ito at laban sa lunsod, gaya ng narinig na ninyo. 13 Kaya nga, magbago kayo ng inyong pamumuhay at mga gawain, at sundin ninyo ang utos ni Yahweh na inyong Diyos. Sa gayon, magbabago siya ng isip at hindi na itutuloy ang parusang inilalaan laban sa inyo. 14 Ako ay nasa ilalim ng kapangyarihan ninyo; maaari ninyong gawin ang anumang iniisip ninyong matuwid at makatarungan. 15 Ngunit ito ang inyong tandaan: Kapag ako'y pinatay ninyo, pumatay kayo ng taong walang kasalanan; at ito'y magiging sumpa sa inyo at sa lunsod na ito, pati sa lahat ng naninirahan dito, sapagkat alam ninyong sinugo ako ni Yahweh upang sabihin sa inyo ang mga bagay na ito.”
16 Nang makapagsalita si Jeremias, sinabi ng mga pinuno at lahat ng tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito sapagkat ipinahayag niya sa atin ang ipinapasabi ni Yahweh.” 17 Tumayo ang ilang matatanda sa lupain at sinabi sa mga taong naroon, 18 “Si+ Mikas na taga-Moreset ay nagpahayag noong panahon ni Haring Hezekias ng Juda; sinabi niya sa lahat ng naninirahan sa Juda ang pahayag na ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
‘Ang Zion ay bubungkaling tulad ng isang bukirin,
magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem,
at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.’
19 Pinatay ba ni Haring Hezekias at ng lahat ng taga-Juda si Mikas? Hindi! Sa halip, natakot ang hari at nagmakaawa kay Yahweh. Nagbago naman ang isip ni Yahweh at hindi na itinuloy ang parusang ipapataw sa kanila. Ngunit tayo mismo ang naghahatid ng malaking kapahamakan sa ating sarili.”
20 May isa pang lalaking nagpahayag sa pangalan ni Yahweh; siya si Urias, anak ni Semaya na taga-Lunsod ng Jearim. Nagpahayag siya laban sa lunsod na ito at sa lupaing ito, kagaya rin ng sinabi ni Jeremias. 21 Nang ito'y marinig ni Haring Jehoiakim at ng kanyang mga kawal at mga pinuno, binalak ng haring ipapatay siya. Ngunit nang malaman ni Urias ang gagawin sa kanya, tumakas siya patungong Egipto dahil sa malaking takot. 22 Kaya sinugo ni Haring Jehoiakim sa Egipto si Elnatan na anak ni Acbor at ilan pang kasama nito. 23 Kinuha nila sa Egipto si Urias, dinala sa harapan ni Haring Jehoiakim at pinatay sa pamamagitan ng tabak saka inihagis ang kanyang bangkay sa libingan ng mga karaniwang tao.
24 Subalit si Jeremias ay binantayan ni Ahikam, anak ni Safan, kaya hindi siya napatay ng mga tao.
+ 26:1 2 Ha. 23:3624:6; 2 Cro. 36:5-7. + 26:6 Jos. 18:1; Awit 78:60; Jer. 7:12-14. + 26:18 Mik. 3:12.