28
Si Jeremias at si Propeta Hananias
1 Nang taon ding iyon, ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekias sa Juda, si Jeremias ay kinausap sa Templo ni Hananias, anak ni Propeta Azur ng Gibeon. Sa harap ng mga pari at ng mga tao, sinabi ni Hananias:
2 “Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia.
3 Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia.
4 Ibabalik ko rin dito si Jeconias, ang anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, at ang lahat ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng hari ng Babilonia.”
5 Nagsalita naman si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga taong naroon sa patyo ng Templo,
6 “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ni Yahweh! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo at maibalik nga sana rito ang lahat ng kagamitan ng Templo mula sa Babilonia at lahat ng mga dinalang-bihag!
7 Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat.
8 Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at sa mga kilalang kaharian.
9 Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na magkakaroon ng kapayapaan, saka lamang natin malalamang si Yahweh nga ang nagsugo sa kanya.”
10 Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali ito.
11 Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon: “Sinasabi ni Yahweh na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa lahat ng bansa, at ito'y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis na si Propeta Jeremias.
12 Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Hananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ni Yahweh si Jeremias:
13 “Pumunta ka kay Hananias at sabihin mo: Nabali mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ito ng bakal.
14 Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila'y maglingkod kay Haring Nebucadnezar, at ito'y siguradong magaganap sapagkat maging hayop sa parang ay ipinasakop ko sa kanya.”
15 At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Hananias, hindi ka sinugo ni Yahweh, at pinapaniwala mo ang mga taong ito sa isang kasinungalingan.
16 Kaya ang sabi ni Yahweh: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban kay Yahweh!’ ”
17 At noong ikapitong buwan ng taóng iyon, si Propeta Hananias ay namatay nga.