47
Ang Pahayag ni Yahweh tungkol sa mga Filisteo
1 Ito ang pahayag na tinanggap ni Jeremias kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza:
2 “Tumataas ang tubig sa hilaga,
at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain;
magpapasaklolo ang mga tao,
maghihiyawan sa matinding takot.
3 Maririnig ang ingay ng yabag ng mga kabayo,
ang paghagibis ng mga karwahe!
Hindi na maaalala ng mga magulang ang kanilang mga anak;
manghihina ang kanilang mga kamay,
4 sapagkat dumating na ang araw ng pagkawasak ng mga Filisteo.
Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak;
sapagkat lilipulin ni Yahweh ang mga Filisteo,
ang nalabi sa baybayin ng Caftor.
5 Parang kinalbo ang Gaza;
pinatahimik ang Ashkelon.
Hanggang kailan magluluksa ang mga Filisteo?
6 Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh?
Lumigpit ka na sa kaluban, at doon manahimik!
7 Paano naman itong mapapahinga?
Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh
laban sa Ashkelon at sa kapatagang malapit sa dagat;
doon nakatakda ang gawain nito.”