49
Ang Hatol ni Yahweh sa Ammon
1 Tungkol naman sa mga Ammonita, ganito ang sinasabi ni Yahweh: “Wala bang mga anak na lalaki si Israel? Wala ba siyang tagapagmana? Kung gayo'y bakit inagawan ng mga sumasamba kay Milcom si Gad, at nanirahan sila sa mga lunsod nito?
2 Kaya nga, darating ang panahon na maririnig ng mga taga-Rabba ang sigaw ng digmaan. Ang lunsod na ito'y iiwang wasak at susunugin ang mga nayon. At mababalik sa Israel ang lupaing inagaw sa kanya. Ito ang sabi ni Yahweh.
3 Tumangis kayo, mga taga-Hesbon, sapagkat wasak na ang Ai! Umiyak kayo, mga kababaihan ng Rabba! Magsuot kayo ng damit-panluksa at manangis kayo. Magpabalik-balik kayo na hinahampas ang sarili! Sapagkat ang diyus-diyosan ninyong si Milcom ay dadalhing-bihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
4 Huwag ninyong ipagyabang ang inyong mga lakas, kayong walang pananalig. Nagtiwala kayo sa inyong mga kayamanan. Ang sabi ninyo, ‘Walang maaaring lumaban sa amin!’
5 Padadalhan ko kayo ng katatakutan; kayo'y itataboy ng lahat ng nasa palibot ninyo. Bawat isa'y tutugisin, at walang magtitipon sa mga pugante.
6 “Subalit pagkaraan nito, ibabalik kong muli ang kayamanan ng mga Ammonita,” ang sabi ni Yahweh.
Ang Hatol ni Yahweh sa Edom
7 Tungkol sa Edom, ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Wala na bang masumpungang marunong sa Teman? Hindi na ba nagpapayo ang mga tagapayo doon? Napawi na ba ang kanilang karunungan?
8 Mga taga-Dedan, tumakas kayo at magtago! Ipararanas ko sa inyo ang kapahamakang inabot ni Esau nang siya'y aking parusahan.
9 Kung namimitas ng mga ubas, tiyak na may naiiwan. Kung sumasalakay sa gabi ang mga magnanakaw, kinukuha lamang nila ang magustuhan.
10 Subalit inubos ko ang kayamanan ni Esau, inilantad ko ang kanyang mga taguan, kaya wala na siyang mapagtataguan kahit saan. Nilipol na ang kanyang mga anak, mga kapatid, gayon din ang kanyang mga kapitbahay.
11 Ako ang kakalinga sa inyong mga anak na naulila sa ama. Ang inyong mga babaing balo ay makakaasa sa akin.”
12 Sapagkat sabi ni Yahweh, “Kahit ang hindi nararapat parusahan ay paiinumin din sa baso ng kaparusahan. Kayo lamang ba ang hindi paparusahan? Hindi! Dapat din kayong uminom!
13 Isinumpa ko sa aking sarili, na ang Bozra ay magiging katatakutan, isang disyerto, tampulan ng paghamak at gagamitin sa pagsumpa. Ang lahat ng nayon sa palibot nito ay mananatiling wasak habang panahon. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
14 Narinig ko ang pahayag na ito ni Yahweh. Pinapunta niya sa mga bansa ang isang sugo upang sabihin, “Magsama-sama kayo at salakayin siya. Humanda kayong makipagdigma!
15 Ikaw ay gagawin niyang mahinang bansa, tampulan ng paghamak ng lahat.
16 Dinaya kayo ng inyong kapalaluan at kataasan. Walang natatakot sa inyo, tulad ng akala ninyo, kayo na nakatira sa mga guwang ng kabatuhan, at nagkukuta sa mataas na kaburulan. Ngunit gumawa man kayo ng inyong pugad sa dakong mataas, gaya ng agila, kayo'y aking ibababa. Ito ang salita ni Yahweh.”
17 Sinabi pa ni Yahweh: “Ang Edom ay magiging malagim na tanawin; mangingilabot at masisindak ang lahat ng magdaraan doon.
18 Siya'y ibinagsak, gaya ng Sodoma at Gomorra, at mga kalapit na bansa. Walang sinumang maninirahan doon.
19 Masdan ninyo, tulad ng leong nanggagaling sa kagubatan ng Jordan at patungo sa luntiang pastulan, hahabulin ko ang mga taga-Edom at sila'y magtatakbuhan. Pamamahalaan sila ng sinumang pinunong aking pipiliin. Sino ang katulad ko? Sino ang aking kapantay? Sinong pinuno ang makakalaban sa akin?
20 Kaya pakinggan ninyo ang buong layunin ni Yahweh laban sa Edom at lahat ng kanyang balak laban sa taga-Teman: Pati ang maliliit na bata ay kukunin, at masisindak ang lahat.
21 Sa tindi ng pagbagsak ng Edom ay mayayanig ang daigdig; tatangis ang lupa at maririnig hanggang sa Dagat na Pula.
22 Ang kaaway ay lulusob sa Bozra, parang isang agila na biglang mandaragit. Sa araw na iyon, matatakot ang mga kawal ng Edom, tulad ng pagkatakot ng isang babaing malapit nang manganak.”
Ang Hatol sa Damasco
23 Tungkol sa Damasco, ito naman ang sabi ni Yahweh: “Nagugulo ang Hamat at ang Arpad, sapagkat nakarinig sila ng masamang balita. Hindi sila mapalagay dahil sa pag-aalala, sila'y tila nag-aalimpuyong dagat.
24 Natakot ang Damasco at tumakas; sinaklot siya ng pangamba, gaya ng pagdaramdam ng isang babaing manganganak.
25 Napakalungkot ngayon ng bayang dati'y puspos ng galak at awitan, ang dating masayang bayan.
26 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang lansangan ang mga binata, at magiging malamig na bangkay ang lahat ng kanyang mandirigma sa araw na iyon.
27 Tutupukin ko ang pader ng Damasco, maging ang mga palasyo ni Haring Ben-hadad.”
Ang Hatol sa Lipi ni Kedar at sa Lunsod ng Hazor
28 Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na nasakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ganito ang sabi ni Yahweh: “Magbangon kayo, salakayin ninyo ang Kedar! Lipulin ninyo ang mga naninirahan sa silanganan!
29 Kunin ninyo ang kanilang mga tolda at mga kawan, ang mga kurtina, ang mga kasangkapang naroon at ang mga kamelyo. Sabihin ninyo sa mga tao, ‘Nakakapangilabot sa lahat ng dako!’
30 “Kayong mga taga-Hazor, tumakas kayo at lumayo! Magtago kayo sa mga liblib na lugar, sapagkat may balak laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia; may nabuo na siyang layunin laban sa inyo,” sabi ni Yahweh.
31 “Bumangon kayo, at salakayin ang isang bansang namumuhay na payapa at sagana, na walang kandado ang mga pintuang-bayan at nag-iisang namumuhay.
32 “Sasamsamin ang kanilang mga kamelyo at mga baka. Pangangalatin ko sa disyerto ang mga nagpaputol ng buhok. Darating ang kapahamakan sa lahat ng panig,” sabi ni Yahweh.
33 “Magiging tirahan ng mga asong-gubat ang Hazor at ito'y mananatiling tiwangwang. Wala nang taong maninirahan doon, o makikipamayan sa kanila.”
Ang Hatol sa Elam
34 Tinanggap ni Propeta Jeremias ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Elam, nang magpasimulang maghari si Zedekias sa Juda.
35 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Babaliin ko ang pana ng Elam, ang pangunahing sandatang sagisag ng kanilang lakas;
36 paiihipin ko ang hangin mula sa lahat ng panig ng kalangitan at pangangalatin ko sila sa lahat ng dako.
37 Masisindak ang mga taga-Elam sa harap ng kanilang kalaban; padadalhan ko sila ng kapahamakan dahil sa matinding galit ko. Ipadadala ko sa kanila ang tabak hanggang malipol silang lahat;
38 at itatayo ko sa Elam ang aking trono. Lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno.
39 Ngunit darating din ang panahon na ibabalik ko ang kayamanan ng Elam. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”