10
Nalupig ang mga Amoreo
1 Nabalitaan ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, na sinakop at tinupok ni Josue ang lunsod ng Ai. Nabalitaan din niya ang ginawa ni Josue sa hari at mga mamamayan ng Ai, at ang ginawa niya sa hari ng Jerico at sa mga tagaroon. Nalaman din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkasundo at naninirahang kasama ng mga Israelita.
2 Labis itong ikinabahala ng mga taga-Jerusalem, sapagkat ang Gibeon ay kasinlaki ng mga lunsod na may sariling hari, higit na malaki kaysa Ai, at magigiting ang mga mandirigma nito.
3 Kaya nagpadala ng mensahe si Adonizedec kay Hoham, hari ng Hebron; kay Piream, hari ng Jarmut; kay Jafia, hari ng Laquis; at kay Debir, hari ng Eglon.
4 Ganito ang kanyang ipinasabi: “Kailangan namin ang inyong tulong. Kailangang salakayin natin ang Gibeon sapagkat ang mga tagaroon ay nakipagkasundo kay Josue at sa mga Israelita.”
5 Nagkaisa nga ang limang haring Amoreo; ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon, at pinaligiran nila at sinalakay ang Gibeon.
Tinulungan ni Josue ang mga Taga-Gilgal
6 Nagpasabi naman kay Josue sa kampo ng Gilgal ang mga taga-Gibeon, “Huwag po ninyong pabayaan itong inyong mga abang alipin! Pumarito po kayong madali upang kami'y saklolohan. Iligtas ninyo kami! Pinagtutulung-tulungan po kami ng lahat ng mga haring Amoreong naninirahan sa kaburulan.”
7 Kaya nga't dumating si Josue buhat sa Gilgal, kasama ang kanyang buong hukbo pati ang magigiting niyang mandirigma.
8 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko na sila sa iyong mga kamay. Wala ni isa man sa kanilang makakatalo sa inyo.”
9 Magdamag na naglakbay si Josue at ang kanyang hukbo buhat sa Gilgal at bigla nilang sinalakay ang mga Amoreo.
10 Niloob ni Yahweh na magulo ang mga ito dahil sa takot nang makita ang hukbo ng Israel. Nilipol sila ng mga Israelita sa Gibeon; hinabol sila sa paglusong ng Beth-horon hanggang sa Azeka at sa Makeda.
11 Samantalang tumatakas sila sa paghabol ng mga Israelita, pinaulanan sila ni Yahweh ng malalaking tipak ng yelo buhat sa langit; umabot ito hanggang sa Azeka at napakaraming namatay. Mas marami pa ang namatay sa pagbagsak ng yelo kaysa tabak ng mga Israelita.
Tumigil ang Araw at ang Buwan
12 Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan:
“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon,
at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.”
13 Tumigil nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon.
14 Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel.
Pinuksa ang mga Amoreo
15 Pagkatapos nito, si Josue at ang mga tauhan niya ay bumalik sa Gilgal.
16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa yungib ng Makeda.
17 Ngunit may nakaalam na doon sila nagtago, at ito'y ipinasabi kay Josue.
18 Kaya't iniutos ni Josue, “Takpan ninyo ng malalaking bato ang bunganga ng yungib at inyong pabantayan iyon.
19 Ngunit huwag kayong titigil doon. Habulin ninyo ang kaaway, unahan sila at harangin upang huwag makapasok sa kani-kanilang lunsod. Inilagay na sila ni Yahweh sa inyong kapangyarihan.”
20 At sila nga'y pinuksa ni Josue at ng kanyang mga kawal kahit may ilang nakatakbo at nakapasok sa mga napapaderang lunsod.
21 At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue.
Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita.
22 Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.”
23 Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon.
24 Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila.
25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.”
26 Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy.
27 Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon.
Sinakop ni Josue ang Buong Bayan ng mga Amoreo
28 Nang araw ding iyon, nasakop ni Josue ang Makeda at pinatay ang hari roon. Nilipol din niya ang buong bayan at wala siyang itinirang buháy isa man. Ginawa niya sa hari ng Makeda ang ginawa niya sa hari ng Jerico.
29 Buhat sa Makeda, sinalakay naman ni Josue at ng mga Israelita ang Libna.
30 Ibinigay rin ni Yahweh sa kanilang kapangyarihan ang hari at ang lahat ng mamamayan doon. Pinatay nilang lahat ang mga tagaroon, at walang itinira isa man. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.
31 Pagkatapos nito, kinubkob naman at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Laquis.
32 Sa ikalawang araw ng labanan, muli silang pinagtagumpay ni Yahweh. Nilipol din nila ang lahat ng tagaroon tulad ng ginawa nila sa Libna.
33 Si Horam, na hari ng Gezer, ay sumaklolo sa mga taga-Laquis. Ngunit tinalo rin sila ni Josue at walang itinirang buháy sa kanyang mga tauhan.
34 Buhat sa Laquis, kinubkob at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Eglon.
35 Sa araw ring iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng tagaroon, tulad ng ginawa nila sa Laquis.
36 Pagkatapos nito, si Josue at ang buong hukbo ng Israel ay umakyat sa mga bulubundukin at sinalakay nila ang Hebron.
37 Nasakop nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon, buhat sa hari hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan. Gayundin ang ginawa nila sa mga karatig-bayan ng Hebron. Sinunog nila ang lunsod at walang iniwang buháy, gaya nang ginawa nila sa Eglon.
38 Hinarap naman ni Josue at ng buong hukbo ng Israel ang Debir.
39 Sinakop nila ang lunsod at ang mga karatig-bayan nito. Pinatay nila ang hari at nilipol ang lahat ng mamamayan. Ginawa rin nila sa Debir ang ginawa nila sa Hebron, sa Libna, at sa kanilang mga hari.
40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kaburulan sa silangan, ang mga nasa paanan ng mga bundok sa kanluran, pati ang mga lupain sa katimugan. Natalo nila ang mga hari sa mga lugar na ito at nilipol ang lahat ng naninirahan doon, at walang itinirang buháy ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
41 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain buhat sa Kades-barnea hanggang sa Gaza, pati ang nasasakupan ng Goshen hanggang sa Gibeon sa dakong hilaga.
42 Sinakop niya ang lahat ng mga lupain at mga kahariang ito sa loob lamang ng isang tuluy-tuloy na pananalakay sapagkat si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay kasama ng mga Israelita sa kanilang pakikipaglaban.
43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang buong hukbo ng Israel sa kampo ng Gilgal.