24
Nagsalita si Josue sa mga Tao sa Shekem
1 Tinipon ni Josue sa Shekem ang lahat ng lipi ng Israel. Pinapunta niya roon ang matatandang namumuno, mga tagapangasiwa, ang mga hukom at ang mga opisyal ng Israel, at sila'y humarap sa Diyos.
2 Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nanirahan sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Terah na ama ni Abraham at ni Nahor. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan.
3 Tinawag ko si Abraham buhat sa lupaing iyon at dinala ko siya at pinatnubayan sa buong lupain ng Canaan. Pinarami ko ang lahing nagmula sa kanya. Ibinigay ko sa kanya si Isaac,
4 at kay Isaac ay ibinigay ko si Jacob at si Esau. Ibinigay ko kay Esau ang kaburulan ng Seir bilang bahagi niya. Ngunit si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagpunta sa Egipto.
5 Isinugo ko si Moises at si Aaron, at sa pamamagitan ng mga salot ay pinahirapan ko ang mga Egipcio. Pagkatapos ay inilabas ko kayo roon.
6 Inilabas ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sila sa Dagat na Pula. Hinabol sila ng mga Egipciong sakay ng mga karwahe at kabayo hanggang sa may dagat.
7 Ang inyong mga ninuno'y humingi ng tulong sa akin, at naglagay ako ng dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinagsama kong muli ang nahating dagat at sila'y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang.
8 “ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan. Nilabanan nila kayo, ngunit pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain.
9 Nilabanan kayo ng hari ng Moab na si Balac na anak ni Zippor at isinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo.
10 Ngunit hindi ko hinayaang gawin ni Balaam iyon, sa halip pinagpala niya kayo. Sa ganoon, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac.
11 Tumawid kayo ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Hivita, at Jebuseo. Ngunit sila'y ibinigay ko sa inyong kapangyarihan.
12 Parang hinabol ng mga putakti na nagtakbuhan ang dalawang haring Amoreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana.
13 Binigyan ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga lunsod na hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’
14 “Kaya ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't katapatan. Alisin ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran.
15 At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”
16 Sumagot ang bayan, “Hindi namin magagawang talikuran si Yahweh at maglingkod sa ibang diyos!
17 Si Yahweh, na ating Diyos, ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo'y maingatan saanman tayo makarating at mailigtas sa mga kaaway sa mga bansang ating dinaanan.
18 Pagdating natin, pinalayas ni Yahweh sa lupaing ito ang mga Amoreong nanirahan dito. Kaya't kay Yahweh rin kami maglilingkod sapagkat siya ang aming Diyos.”
19 Ngunit sinabi ni Josue sa taong-bayan, “Hindi ninyo kayang maglingkod kay Yahweh sapagkat siya'y isang Diyos na banal at siya'y mapanibughuing Diyos. Hindi niya palalampasin ang inyong mga pagsuway at pagkakasala.
20 Kapag tinalikuran ninyo siya at naglingkod kayo sa mga diyos ng ibang bansa, kapopootan niya kayo at paparusahan. Hindi niya panghihinayangang lipulin kayo sa kabila ng kanyang mga kabutihan sa inyo.”
21 Sumagot ang taong-bayan kay Josue, “Hindi po mangyayari iyan! Kay Yahweh kami maglilingkod.”
22 Sinabi ni Josue, “Kayo na rin ang mga saksi na pinili ninyong paglingkuran si Yahweh.”
Sumagot naman sila, “Opo! Saksi kami.”
23 Sinabing muli ni Josue, “Kung gayon, itapon ninyo ang mga diyus-diyosang iniingatan pa ninyo. Manumpa kayo kay Yahweh, sa Diyos ng Israel.”
24 Sumagot muli ang mga tao, “Maglilingkod kami kay Yahweh na aming Diyos at susundin namin ang kanyang mga utos.”
25 Kaya, nang araw na iyon ay gumawa si Josue ng kasunduan para tuparin ng sambayanan. Binigyan niya sila sa Shekem ng mga batas at tuntunin.
26 Isinulat ni Josue ang mga batas na ito sa Aklat ng Kautusan ng Diyos. Kumuha siya ng isang malaking bato, itinayo sa lilim ng sagradong puno sa Banal na Lugar ni Yahweh.
27 At sinabi niya sa lahat, “Tingnan ninyo ang batong ito. Ito ang ating saksi. Narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ni Yahweh. Ito rin ang magiging saksi laban sa inyo, kapag kayo'y tumalikod sa Diyos.”
28 Pagkatapos, pinaalis na ni Josue ang mga tao, at umuwi sila sa kani-kanilang lupain.
Ang Pagkamatay ni Josue at ni Eleazar
29 Lumipas ang sandaling panahon at ang lingkod ni Yahweh na si Josue, na anak ni Nun, ay namatay sa gulang na 110 taon.
30 Inilibing siya sa kanyang sariling lupain sa Timnat-sera, sa kaburulan ng Efraim, hilaga ng Bundok ng Gaas.
31 Naglingkod kay Yahweh ang sambayanang Israel habang nabubuhay si Josue. Kahit wala na siya, nanatili pa rin silang tapat kay Yahweh habang nabubuhay ang mga pinunong nakasaksi sa lahat ng mga ginawa ni Yahweh para sa Israel.
32 Dinala ng bayang Israel ang mga buto ni Jose nang sila'y umalis sa Egipto. Ibinaon nila ito sa Shekem, sa lupaing binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem, sa halagang sandaang pirasong pilak. Ang lupaing ito ay kasama sa naging bahagi ng mga anak ni Jose.
33 Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayang ibinigay sa anak niyang si Finehas sa kaburulan ng Efraim.