5
Ang Pagtutuli at ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Gilgal
1 Nabalitaan ng mga haring Amoreo na nasa kanluran ng Jordan at ng mga haring Cananeo na nasa baybayin ng Dagat Mediteraneo na pinatuyo ni Yahweh ang Ilog Jordan nang tumawid ang bayang Israel. Dahil dito'y natakot silang lahat, at nasiraan sila ng loob sa pagdating ng mga Israelita.
2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Kumuha ka ng batong matalim, gawin mong panghiwa, at tuliin mo ang mga kalalakihan ng Israel.”
3 Gayon nga ang ginawa ni Josue, tinuli niya ang mga lalaki sa isang lugar na tinatawag na Burol ng Pagtutuli.
4 Ginawa niya ito sapagkat namatay na ang lahat ng mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma sa panahon ng paglalakbay noong sila'y umalis sa Egipto.
5 Ang mga iyon ay pawang tuli na, ngunit ang mga isinilang sa panahon ng paglalakbay sa ilang ay hindi pa.
6 Apatnapung taon nang naglakbay sa ilang ang bayang Israel hanggang sa namatay lahat ang mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma nang sila'y umalis sa Egipto. Sinuway nila si Yahweh, kaya sinabi niya sa kanila na hindi nila makikita ang mayaman at masaganang lupain na ipinangako niya sa kanilang mga ninuno.
7 Ang kanilang mga anak na lalaki na humalili sa kanila ang tinuli ni Josue, sapagkat ang mga ito'y hindi tinuli nang panahon ng paglalakbay.
8 Matapos tuliin ang lahat ng kalalakihan, nanatili sa kampo ang buong bayan hanggang sa gumaling ang mga sugat.
9 At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal magpahanggang ngayon.
10 Samantalang ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan.
11 Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing iyon: sinangag na trigo at tinapay na walang pampaalsa.
12 Hindi na muling umulan pa ng manna nang makakain na sila ng mga inani nila sa lupain ng Canaan. Kaya't mula nang taóng iyon, pagkaing inaani na sa Canaan ang kanilang kinakain.
Si Josue at ang Pinuno ng Hukbo ni Yahweh
13 Minsa'y napadako si Josue malapit sa Jerico, nang biglang nagpakita sa kanya ang isang lalaking may hawak na tabak. Nilapitan ito ni Josue at tinanong, “Ikaw ba'y isang kakampi, o isang kaaway?”
14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ni Yahweh.”
Nagpatirapa si Josue at sumamba. Sinabi niya, “Ano po ang ipinag-uutos ni Yahweh sa kanyang alipin?”
15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ni Yahweh, “Alisin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat lupang banal ang iyong tinutuntungan.” At ginawa nga ni Josue ang iniutos sa kanya.