8
Ang Plano Laban sa Lunsod ng Ai
1 At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob. Tipunin mo ang lahat mong mga kawal at salakayin ninyo ang lunsod ng Ai. Ibibigay ko sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga tauhan, lunsod at mga lupain.
2 Gagawin ninyo sa Ai ang ginawa ninyo sa Jerico. Ngunit maaari ninyong kunin ang kanilang mga alagang hayop at mga ari-arian. Maghanda kayo at salakayin ninyo ang lunsod buhat sa likuran.”
3 Inihanda nga ni Josue ang lahat niyang kawal upang salakayin ang Ai. Pumili siya ng tatlumpung libong magigiting na kawal, at kinagabiha'y pinalabas ng kampo.
4 Ganito ang tagubilin niya sa kanila: “Magtago kayo sa dakong likuran ng lunsod, sa di kalayuan, at humanda kayong sumalakay sa anumang oras.
5 Kami ng mga kasama ko ay sasalakay sa harapan. Kapag hinabol kami ng mga taga-lunsod, aatras kami gaya ng ginawa natin noong nakaraan.
6 Aakalain nilang natakot kami tulad noong una, kaya hahabulin nila kami hanggang sa sila'y mapalayo sa lunsod.
7 Lalabas naman kayo sa inyong pinagtataguan at papasukin ninyo ang lunsod. Ito'y ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
8 Kapag nasakop na ninyo ang lunsod, sunugin ninyo ito, gaya ng sinabi ni Yahweh. Tandaan ninyo ang mga tagubilin kong ito.”
9 Pinalabas nga sila ni Josue, at sila'y nagtago sa dakong likuran ng Ai—sa pagitan nito at ng Bethel. Samantala, nanatili si Josue sa kampo kasama ng ibang tauhan ng Israel.
Ang Pagsakop sa Lunsod ng Ai
10 Kinabukasan, maaga pa'y bumangon na si Josue at tinipon ang buong hukbo. Siya at ang mga pinuno ng Israel ang nanguna patungo sa Ai.
11 Pumunta sila sa gawing bukana ng lunsod at nagtayo ng kampo sa harap niyon, sa gawing hilaga. Isang libis ang nasa pagitan nila at ng lunsod ng Ai.
12 Nagbukod si Josue ng limanlibong mandirigma na pinakubli niya sa kanluran ng lunsod—sa pagitan nito at ng Bethel.
13 Ganito ang hanay ng mga kawal sa simula ng labanan: ang pinakamalaking bahagi ay sa harapan sa dakong hilaga ng lunsod at ang mga nakakubling mandirigma, sa gawing kanluran naman. Sa libis na iyon nagpalipas ng gabi si Josue.
14 Hindi nag-aksaya ng panahon ang hari at ang mga taga-Ai nang makita ang pangkat ni Josue. Lumabas sila ng lunsod at nilusob ang hukbo ng Israel sa Kapatagan ng Jordan, sa dating pinaglabanan nila. Wala silang malay na may sasalakay sa kanilang likuran.
15 Si Josue naman at ang mga kasama niya'y nagkunwaring natatalo at umatras patungo sa ilang.
16 Kaya't hinabol sila ng lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa mapalayo sila sa lunsod.
17 Lahat ng lalaki sa Ai at sa Bethel ay sumama sa paghabol sa mga Israelita at naiwang walang bantay ang lunsod.
18 Noon sinabi ni Yahweh kay Josue, “Ituro mo sa Ai ang iyong sibat. Ito'y ibinibigay ko sa inyo ngayon.” Ganoon nga ang ginawa ni Josue.
19 Pagkataas ng kanyang kamay, naglabasan ang mga tauhan niya sa kanilang pinagtataguan. Pinasok nila ang lunsod at sinunog iyon.
20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nilang abot sa langit ang usok na nagmumula sa lunsod. Hindi naman sila makasulong o makaurong; bigla silang hinarap ng mga Israelitang hinahabol nilang patungo sa ilang.
21 Sapagkat nang makita ni Josue at ng mga Israelita na ang mga kasama nilang nakakubli'y pumasok na sa lunsod at ito'y nasusunog na, bumalik sila at pinagpapatay ang mga taga-Ai.
22 Dumagsa rin buhat sa lunsod ang mga Israelitang pumasok doon, kaya't ganap na napalibutan ang mga taga-Ai. Namatay silang lahat, at walang nakaligtas o nakatakas ni isa man.
23 Ang hari lang ang binihag nilang buháy at dinala kay Josue.
24 Napatay nga ng mga Israelita ang lahat ng humabol sa kanila. Pagkatapos, bumalik sila sa lunsod at nilipol din ang lahat ng naiwan doon.
25 Nang araw na iyon ay pinuksa nila ang lahat ng tao sa Ai, at may labindalawang libo ang namatay.
26 Patuloy na itinuro ni Josue sa Ai ang kanyang sibat hanggang sa mapatay ang lahat ng tagaroon.
27 Walang kinuha ang mga Israelita mula sa lunsod kundi ang mga baka at mga ari-arian, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Josue.
28 Sinunog ni Josue ang Ai at iniwang wasak tulad ng makikita hanggang sa ngayon.
29 Ipinabitay niya ang hari sa isang punongkahoy, at pinabayaan doon ang bangkay hanggang sumapit ang dilim. Paglubog ng araw, ipinababa niya ang bangkay at ipinatapon sa may pintuan ng lunsod. Pinatabunan niya iyon ng malalaking bato na makikita pa roon magpahanggang ngayon.
Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal
30 Nagtayo si Josue ng isang altar sa Bundok ng Ebal para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
31 Mga batong hindi tinapyas ng paet ang ginamit niya sa altar ayon sa bilin ni Moises at nasasaad sa Kautusan. Sa ibabaw ng altar na iyon ay nag-alay sila kay Yahweh ng mga handog na sinusunog at mga handog na pinagsasaluhan.
32 Sa lugar na iyon, sa harapan ng buong Israel, iniukit ni Josue sa mga bato ng altar ang kopya ng Kautusang isinulat ni Moises.
33 Lahat ng Israelita, kasama ang mga matatanda, ang mga pinuno, at ang mga hukom, at pati ang mga dayuhang kasama nila, ay tumayo sa magkabilang panig ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, paharap sa mga paring Levita na may dala niyon. Ang kalahati ng bayan ay tumayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim, at ang kalahati'y sa tapat ng Bundok ng Ebal. Ganito ang utos ni Moises na gagawin nila pagsapit ng panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas.
34 Sa sandaling iyo'y binasa ni Josue ang Kautusan, ang mga pagpapala at ang mga sumpa, ayon sa nasusulat sa aklat ng Kautusan.
35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga Kautusan sa lahat ng taong naroon, pati sa mga babae at mga bata, at sa mga dayuhang kasama nila.