10
Nagpunta si Judith sa Himpilan ni Holofernes
1 Matapos manalangin sa Diyos ng Israel, tumayo si Judith
2 at tinawag ang kanyang lingkod na babae saka bumabâ at pumasok sa silid na tinitigilan niya kung Araw ng Pamamahinga at mga kapistahan.
3 Hinubad niya ang damit-panluksa, gayon din ang kanyang kasuotang pambiyuda. Pagkatapos, naligo siya at nagpabango. Sinuklay niya ang kanyang buhok at nilagyan ng mga palamuti. Nagbihis siya ng pinakamagara niyang damit na ginagamit niya kapag may mga tanging kasayahan noong nabubuhay pa ang kanyang asawang si Manases.
4 Nagsuot siya ng sandalyas, pulseras para sa binti at bisig, mga singsing at hikaw, at lahat ng panggayak. Nagpaganda siyang mabuti para maakit ang sinumang lalaking makakakita sa kanya.
5 Pinapagdala niya ang kanyang lingkod ng sisidlang puno ng alak at isang lalagyang may langis. Kumuha siya ng isang bag at pinuno ito ng binusang trigo, tinuyong igos at pinakamasarap na tinapay, at ipinadala sa lingkod.
6 Sila'y lumabas sa pintuan ng Bethulia at doo'y naraanang nakatayo't nagbabantay si Uzias, kasama sina Cabris at Carmis na pinuno ng bayan.
7 Pagkakita nila kay Judith na iba na ang anyo at kagayakan, gayon na lamang ang kanilang paghanga sa kanyang kagandahan. At sinabi nila rito,
8 “Samahan ka nawa ng Diyos ng ating mga ninuno at matupad mong matagumpay ang iyong binabalak upang magwagi ang Israel at matanyag ang Jerusalem.”
Sumamba si Judith sa Diyos.
9 Pagkatapos ay sinabi sa kanila, “Pabuksan na ninyo ang pinto at ako'y lalabas upang gawin ang napag-usapan natin.” Iniutos nga nila sa mga kabataang lalaki na buksan ang pinto
10 at lumabas si Judith, kasama ang kanyang lingkod. Sinundan siya ng tingin ng mga kalalakihan sa bayan habang bumababa ng burol hanggang sa makatawid ng kapatagan at hindi na nila makita.
11 Nang ang dalawang babae ay dumadaan sa kapatagan, nasalubong nila ang isang pangkat ng mga kawal na taga-Asiria na nagpapatrolya.
12 Pinigil nila si Judith at tinanong, “Anong lahi ka? Saan ka nanggaling, at saan ka pupunta?”
Sumagot si Judith, “Ako'y isang Hebreo, ngunit tumakas ako sa aking bayan sapagkat sila'y mahuhulog sa inyong mga kamay at masasawi.
13 Pupunta ako kay Holofernes na inyong pinuno; may dala akong ulat para sa kanya. Maituturo ko sa kanya ang daanan papasok sa lunsod na nasa burol upang masakop niya ang buong bayang iyon nang walang mamamatay ni isa man.”
14 Habang nakikinig kay Judith ang mga lalaki, minamasdan nila ang mukha niya dahil hangang-hanga sila sa taglay niyang kariktan.
15 “Ligtas ka na,” sabi nila, “sapagkat naisipan mong puntahan agad ang aming panginoon. Pumunta ka na sa kanyang tolda. Sasamahan ka ng ilan sa amin upang iharap sa kanya.
16 Huwag kang matatakot sa kanya. Sabihin mo ang iyong sinabi sa amin, at pagpapakitaan ka niya ng kabutihang-loob.”
17 Pinasamahan sa sandaang kawal ang dalawang babae at dinala ang mga ito kay Holofernes.
18 Kumalat sa bawat tolda ang balita tungkol sa pagdating ni Judith, at nagdatingan ang mga lalaki buhat sa lahat ng panig ng kampo. Pinagkalipumpunan nila si Judith na nakatayo sa labas ng tolda ni Holofernes at naghihintay hanggang sa maibalita rito ang tungkol sa kanya.
19 Dahil sa kanyang kagandahan, naisip nilang ang mga Israelita ay kahanga-hangang lahi. Ganito ang usap-usapan nila, “Paano mo hahamakin ang isang bansang may magagandang kababaihan? Huwag nating paligtasin kahit isang lalaki; kung hindi, makukuha nila ang buong sanlibutan sa pamamagitan ng gayuma.”
20 Maya-maya, lumabas ang bantay ni Holofernes at lahat ng katulong niya at dinala si Judith sa loob ng tolda.
21 Nagpapahinga si Holofernes sa kanyang higaang may kulay ubeng kulambo na ginayakan ng ginto, esmeralda, at iba pang bato.
22 Nang sabihin sa kanya na naroon na ang babae, lumabas siya sa kanyang tulugan. Mayroong mga tagadala ng mga ilawang pilak sa unahan niya.
23 Lahat sila'y humanga sa kagandahan ni Judith. Nagpatirapa naman ito sa harapan ni Holofernes, subalit siya'y itinayo ng mga alipin.