16
Ang Awit ng Papuri ni Judith
1 Pinangunahan ni Judith ang buong bansang Israel sa isang awit ng pasasalamat. Lahat ay ubos-lakas na umawit ng papuri.
2 Ganito ang awit ni Judith:
“Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
tugtugin ang tamburin, gamitin ang pompiyang,
isang bagong awit, siya'y papurihan,
siya ay tawagin nang tayo'y tulungan.
3 Siya'y Panginoon, maging ng digmaan.
Pinapatigil niya ito, kung kinakailangan;
ako'y iniligtas sa mga kalaban,
muling ibinalik sa dating tirahan.
4 Mula sa hilaga, mga kabundukan, bumabâ't lumusob ang mga kaaway;
hukbong libu-libo ang kasamang kawal,
halos ang mga ilog at mga kapatagan,
maging mga bundok, lubos na nakalatan.
5 Tinangkang ang bansa natin ay sunugin,
mga kabataan hangad ay lipulin;
maging mga bata, layon ay durugin,
at ang mga dalaga'y kanilang bihagin.
6 Ngunit humadlang ang Panginoon natin
babae'y ginamit, upang sila ay biguin.
7 Ang bayani nila'y nakitil ang buhay,
ngunit ang pumatay ay di mga kawal;
anak ni Merari, babaing matapang,
kagandahan nito ang siyang luminlang.
8 Dahil nga kay Judith, ang bansang Israel
kanyang natubos sa pagkaalipin.
Hinubad niya ang kasuotang balo,
nagsuot ng kasuotang lino,
nagpahid ng pabango,
naglagay ng mga palamuti.
Sa taglay niyang ganda at kagayakan,
lubos na naakit ang pinunong kaaway.
9 Sandalyas na suot, kay gandang pagmasdan,
lalong nagayuma, mabunying heneral,
ang naging kapalit nito'y kanyang kamatayan.
10 Sa tapang ni Judith, ang taga-Persia ay namangha,
nanginginig ang mga Medo sa kanyang ginawa.
11 Ang bayang Israel, sumigaw sa tuwa,
nahango sa wakas, sa buhay na abâ.
Ang mga kaaway ay pawang nangalat,
dahilan sa takot, sila'y nagsitakas.
12 Kami ay nagbuhat sa lahing alipin,
ngunit ang kaaway, natakot sa amin,
maraming napatay nang aming tugisin,
ang hukbo ng Diyos, ang kasama namin.
13 “Ako ay aawit ng bagong awitin,
ikaw, Panginoong Diyos, aking pupurihin;
ang taglay mong lakas, di kayang lupigin.
14 Bayaang maglingkod ang mga nilalang,
silang sa utos mo'y nagtamo ng buhay,
nang ang ilong nila ay iyong hingahan,
kaya itong madla'y dapat kong igalang.
15 Kapag ika'y lumapit, bundok, karagatan,
pawang manginginig, hindi mapalagay,
maging mga bato'y pawang natutunaw.
Ngunit sa sinumang masunuring tunay,
ika'y nahahabag, lubos na nagmamahal.
16 Panginoon nati'y lalong nagagalak, sa sinumang taong masunuri't tapat,
higit pa sa handog, kahit na anong sarap, na kung sinusunog ay humahalimuyak.
17 Alinmang bansang sa ati'y lumaban,
tiyak na hahantong sa kapahamakan.
Sila'y hahatulan ng Diyos na Panginoon.
Pagsapit ng Araw nitong Paghuhukom;
sila'y tutupukin, uod ay lilitaw,
tatangis sa dusang walang katapusan.”
Pasasalamat
18 Pagkaraan nito, ang mga tao'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba sa Diyos. Nagsipaligo muna sila, saka nag-alay ng mga handog na susunugin, mga kusang-loob na handog at iba pang kaloob.
19 At bilang pag-aalay ng panatang hain sa Diyos, inihandog ni Judith ang lahat ng ari-arian ni Holofernes na ibinigay sa kanya ng mga tao, pati na ang kulambong kinuha niya sa higaan nito.
20 Tumagal ng tatlong buwan ang kanilang pagdiriwang sa Jerusalem, sa harap ng santuwaryo, at si Judith ay nakiisa sa kanila.
Ang Katanyagan ni Judith
21 Nang matapos ang pagdiriwang nagsiuwi na sila. Si Judith nama'y bumalik sa Bethulia at namalagi sa kanyang asyenda. At hanggang sa huling araw ng kanyang buhay, natanyag siya sa buong bansa magmula nang mangyari ang ginawa niyang kabayanihan.
22 Marami ang nanligaw sa kanya subalit hindi na siya nag-asawa pang muli nang mamatay ang asawa niyang si Manases.
23-24 Higit siyang naging tanyag sa paglipas ng panahon at umabot siya ng sandaa't limang taóng gulang. Hindi siya umalis sa tahanan ng kanyang asawa at siya'y namatay sa Bethulia kung saan inilibing siya sa tabi ng puntod ng asawa niyang si Manases. Pitong araw na tinangisan ng Israel ang kanyang pagkamatay. Bago siya namatay, ang mga ari-arian niya'y kanyang ipinamahagi sa mga kamag-anak ni Manases at sa sarili niyang kamag-anakan. Kanya ring pinalaya ang lingkod niyang babae.
25 Habang nabubuhay si Judith at sa loob ng matagal na panahon pagkamatay niya, walang sinumang nagtangka pang gumambalang muli sa mga Israelita.