Ang Unang Aklat ng
MGA HARI
Panimula
Sa Unang Aklat ng Mga Hari ipinagpapatuloy ang kasaysayan ng kaharian ng Israel na sinimulan sa mga aklat ni Samuel.
Ang aklat na ito'y isang maingat na paglalahad at makatarungang paghatol sa mga kaganapan sa buhay ng Israel bilang isang kaharian. Ito ay may dalawang pangunahing bahagi: Ang unang bahagi ay naisulat bago o pagkatapos na mamatay si Josias (609 B.C.), at ang pangalawa naman ay noong kapanahunan ng Pagkabihag.
Ito ay may tatlong pangunahing pangyayari: 1) Ang pagiging hari ni Solomon sa Israel at Juda, at ang kamatayan ng kanyang amang si David, 2) ang paghahari at ang mga nagawa ni Solomon, lalung-lalo na ang pagpapatayo niya ng Templo para kay Yahweh, at 3) ang pagkakahati ng kaharian sa dalawa, ang Kaharian ng Israel (Hilagang Kaharian) at ang Kaharian ng Juda (Katimugang Kaharian), gayundin ang mga kuwento patungkol sa mga naging hari ng dalawang kaharian hanggang sa panahon ng pagkabihag.
Binibigyang-diin sa aklat na ito ang kahalagahan ng pagsunod sa alituntunin ng Kasunduan ni Yahweh sa mga Israelita. Ang bawat hari ay hinahatulan ayon sa kanilang katapatan sa Kasunduan, kung saan si Haring David ang pamantayan. Ipinapakita rito na ang pambansang tagumpay ay nakasalalay sa pagsunod sa pambansang Diyos na si Yahweh, tulad ng itinatakda sa aklat ng Deuteronomio. Kapansin-pansin na ang malalaking kasalanan ng Israel ay ang pagsamba sa mga sagradong lugar sa labas ng Jerusalem at ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Bawat hari sa Kaharian ng Israel ay nabigong makaabot sa pamantayan, kaya't bumagsak ang kahariang ito dahil sa paghatol ng Diyos na isinagawa ng mga taga-Asiria.
Nakalahad rin sa aklat na ito ang panahon ng pagkabihag nila sa Babilonia (550 B.C.). Nang panahong iyon, ang Kaharian ng Juda ay bumagsak na rin sa kamay ng mga kaaway kaya't ito'y hindi maaaring ituring na mas mabuti kaysa Kaharian ng Israel. Muli, ang malawakang pagtalikod kay Yahweh ay nagdulot sa kanila ng hatol at kaparusahan ng Diyos, at sa pagkakataong ito ay sa kamay ng mga taga-Babilonia. Sa bahaging ito, tahasang ipinababatid sa mga orihinal na mambabasa na ang pangkalahatang kasalanan ng bansa at kahangalan ng mga lider ay siyang dahilan ng pambansang pagkawasak, kahit na sa kamay ng mga mapaniil na mananakop.
Si Elias ang siyang pangunahing propeta sa aklat na ito.
Nilalaman
Ang wakas ng paghahari ni David 1:1–2:11
Si Solomon ay naging hari 2:12-46
Ang paghahari ni Solomon 3:1–11:43
a. Ang mga unang taon 3:1–4:34
b. Ang templo ay itinayo 5:1–8:66
c. Ang mga huling taon 9:1–11:43
Ang nahating kaharian 12:1–22:53
a. Ang paghihimagsik ng mga lipi sa hilaga 12:1–14:20
b. Ang mga hari ng Juda at ng Israel 14:21–16:34
c. Si Propeta Elias 17:1–19:21
d. Si Haring Ahab ng Israel 20:1–22:40
e. Si Jehoshafat ng Juda at si Ahazias ng Israel 22:41-53
1
Si David nang Matanda na
1 Matandang-matanda na noon si Haring David. Kahit kumutan ng makapal ay giniginaw pa rin siya.
2 Kaya't sinabi ng kanyang mga lingkod, “Kung ipapahintulot po ninyo, Kamahalan, ihahanap namin kayo ng isang dalaga na dito titira at mag-aalaga sa inyo. Matutulog siya sa tabi ninyo upang mabigyan kayo ng init.”
3 At naghanap nga sila sa buong Israel ng isang magandang dalaga, at natagpuan nila si Abisag na taga-Sunem. Siya'y kanilang dinala sa hari.
4 Tumira siya sa piling ng hari at inalagaan ito. Bagama't siya'y napakaganda, hindi siya ginalaw ng hari.
Binalak ni Adonias na Maging Hari
5 Samantala, ipinamamalita ni Adonias na anak ni Haguit na siya ang susunod na hari. May inihanda na siyang mga karwahe, mga mangangabayo at limampung alalay na kawal.
6 Ni minsa'y hindi siya pinagsabihan o sinaway ng hari sa mga ginagawa niya. Si Adonias ay nakababatang kapatid ni Absalom, at napakakisig ding tulad nito.
7 Kinausap na niya si Joab na anak ni Zeruias at ang paring si Abiatar, at sumang-ayon ang mga ito na siya'y tutulungan.
8 Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaias na anak ni Joiada, gayundin sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.
9 Naghandog si Adonias ng maraming tupa, baka at pinatabang toro sa Bato ng Zohelete na malapit sa En-rogel. Inanyayahan niya roon ang kanyang mga kapatid, ang mga anak ng hari, at ang mga opisyal ng hari mula sa lipi ni Juda.
10 Ngunit hindi niya inanyayahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang mga bantay ng hari at ang kapatid niyang si Solomon.
11 Kaya kinausap ni Natan si Batsheba na ina ni Solomon. Sabi niya, “Hindi ba ninyo alam na ipinahayag na ni Adonias na siya na ang hari at ito ay lingid sa kaalaman ni Haring David?
12 Kung gusto ninyong iligtas ang sarili ninyong buhay at pati ang buhay ng inyong anak na si Solomon, ito ang maipapayo ko:
13 pumunta agad kayo sa hari at sabihin sa kanya, “Hindi ba't ipinangako ninyo sa akin na si Solomon ang maghahari na kahalili ninyo? Bakit si Adonias ngayon ang naging hari?
14 At samantalang kausap ninyo ang hari, papasok ako at patutunayan ko ang inyong sinabi.”
15 Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya.
16 Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari.
17 Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo.
18 Subalit naghahari na ngayon si Adonias nang hindi ninyo nalalaman.
19 Nagpatay po siya ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya sa pagdiriwang na iyon ang mga anak ng hari, ang paring si Abiatar at si Joab, ang pinakamataas na pinuno ng inyong hukbo. Ngunit hindi niya inanyayahan ang inyong lingkod na si Solomon.
20 Kaya po, mahal na hari, hinihintay ng buong bayang Israel na sabihin ninyo kung sino talaga ang hahalili sa inyo bilang hari.
21 At kung hindi, pagkamatay po ninyo'y manganganib ang buhay ko at ng anak kong si Solomon.”
22 Samantalang magkausap ang hari at si Batsheba, dumating naman ang propetang si Natan.
23 May nagsabi sa hari na ito'y naghihintay, kaya't ito'y kanyang ipinatawag.
Lumapit ang propeta, nagpatirapa sa harapan ng hari,
24 at ang sabi, “Mahal na hari, ipinahayag na po ba ninyo na si Adonias ang papalit sa inyo?
25 Ngayon po'y nasa labas siya ng lunsod at nagpapatay ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya ang mga anak ng hari, si Joab na pinakamataas na pinuno ng hukbo at ang paring si Abiatar. Naroon po sila't nagkakainan at nag-iinuman, at ang isinisigaw ay ‘Mabuhay si Haring Adonias!’
26 Ngunit ako pong inyong lingkod, at ang paring si Zadok, si Benaias na anak ni Joiada, at ang anak ninyong si Solomon ay hindi niya inanyayahan.
27 Ito po ba'y utos ng mahal na hari? Bakit po walang nagsabi sa inyong lingkod kung sino ang susunod sa inyo bilang hari?”
28 Kaya't nagsalita si Haring David, “Tawagin ninyo si Batsheba.” Paglapit ni Batsheba
29 ay sinabi ng hari, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway!
30 Nanumpa ako noon sa pangalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako.”
31 Nagpatirapa si Batsheba sa harapan ng hari bilang paggalang. “Mabuhay ang Haring David magpakailanman,” sabi niya.
32 Pagkatapos, sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias.” Kaya't humarap sa hari ang mga tinawag.
33 Sila naman ang inutusan ng hari, “Isama ninyo ang aking mga opisyal, pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking sariling mola at samahan ninyo siya patungo sa Gihon.
34 Bubuhusan siya roon ng langis bilang hari ng Israel ng paring si Zadok at ng propetang si Natan. Pagkatapos ay hipan ninyo ang trumpeta at isigaw ninyo, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’
35 Sundan ninyo siya pabalik dito at paupuin sa aking trono, sapagkat siya ang papalit sa akin bilang hari. Siya ang aking pinili na magiging hari sa Israel at sa Juda.”
36 Sumagot si Benaias, “Matutupad po! At pagtibayin nawa ito ni Yahweh, ang Diyos ng mahal na hari.
37 At kung paanong pinagpala ni Yahweh ang mahal kong hari, nawa'y pagpalain din niya si Solomon. Nawa'y maging mas dakila ang kanyang paghahari kaysa paghahari ng mahal kong haring si David.”
38 Lumakad nga ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias at ang mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at sinamahan siya patungong Gihon.
39 Kinuha ng paring si Zadok sa tolda ang sungay na lalagyan ng langis, at binuhusan ng langis si Solomon bilang hari. Hinipan nila ang trumpeta at nagsigawan ang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!”
40 Inihatid siya ng mga tao pabalik sa lunsod. Habang daa'y nagsisigawan sila sa tuwa at nagtutugtugan ng mga plauta, at halos mayanig ang lupa sa lakas ng ingay.
41 Tapos nang kumain noon ang mga panauhin ni Adonias, at ang ingay ay narinig nilang lahat. Narinig din ni Joab ang tunog ng trumpeta, kaya naitanong niya, “Ano iyon? Bakit maingay sa lunsod?”
42 Nagsasalita pa siya nang dumating si Jonatan, anak ng paring si Abiatar. “Halika rito,” tawag ni Adonias. “Narito ang isang mabuting tao at tiyak na mabuti rin ang dala niyang balita.”
43 Sumagot si Jonatan, “Hindi po! Ipinahayag na po ni Haring David na si Solomon na ang hari.
44 Pinasama ng hari kay Solomon ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Joiada at ang mga Kereteo at Peleteo at pinasakay nila ito sa mola ng hari.
45 Binuhusan na siya ng langis bilang hari ng paring si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Siya ay inihatid nila sa lunsod at nagsisigawan sa tuwa ang mga tao. Iyon po ang ingay na naririnig ninyo.
46 At ngayon po, nakaupo na si Solomon sa trono.
47 Pati ang matataas na opisyal ng hari ay pumunta na po kay Haring David at siya'y binati. Sabi po nila, ‘Loobin nawa ng inyong Diyos na ang pangalan ni Solomon ay maging higit na dakila kaysa inyong pangalan. At ang paghahari niya'y maging higit na dakila kaysa inyong paghahari.’ Yumuko ang hari sa kanyang pagkakahiga,
48 at ganito ang sinabi: ‘Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, sapagkat minarapat niyang makita ko sa araw na ito ang isa sa aking mga anak na nakaupo sa aking trono.’ ”
49 Nang marinig ito, natakot ang lahat ng panauhin ni Adonias at nagkanya-kanyang takas.
50 Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya't tumakbo siya sa altar ng Toldang Tipanan at kumapit sa mga sungay nito.
51 May nagsabi kay Solomon, “Takot na takot po sa inyong Kamahalan si Adonias. Nakakapit siya sa mga sungay ng altar at ipinapasabi na hindi siya aalis doon kung hindi muna kayo mangangako na hindi ninyo siya papatayin.”
Sumagot si Solomon,
52 “Kung mapapatunayan niyang siya'y tapat, hindi siya mamamatay, wala ni isang hibla ng kanyang buhok ang malalaglag sa lupa. Ngunit kung hindi, siya'y mamamatay.”
53 Kaya't pinapuntahan siya ni Haring Solomon at ipinakuha sa altar. Paglapit ni Adonias, nagpatirapa ito sa harapan ni Haring Solomon. Sinabi naman sa kanya ni Solomon, “Umuwi ka na sa inyo.”