20
Kinubkob ang Samaria
1 Tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria, ang kanyang hukbo upang salakayin ang Samaria. Kasama sa hukbong ito ang tatlumpu't dalawang haring sakop niya, at ang kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma.
2 Nagpadala siya ng mga sugo kay Ahab, hari ng Israel, at ipinasabi ang ganito: “Ipinag-uutos ni Ben-hadad
3 na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto't pilak; ang inyong mga babae at ang pinakamalalakas na mga anak!”
4 Sumagot ang hari ng Israel, “Masusunod po ang sabi ninyo, mahal kong hari at panginoon. Ako at ang lahat ng sa akin ay ituring mong sa iyo.”
5 Ngunit bumalik kay Ahab ang mga sugo at ganito naman ang sabi: “Ipinapasabi ni Ben-hadad na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto at pilak, pati ang iyong mga asawa at anak.
6 Tandaan mo, bukas sa ganitong oras, darating ang kanyang mga tauhan upang halughugin ang iyong palasyo, at ang mga bahay ng mga tauhan mo. Kukunin nila ang kanilang magustuhan.”
7 Tinipon ng hari ng Israel ang lahat ng matatandang pinuno sa kaharian at sinabi, “Tingnan ninyo! Maliwanag na gusto tayong lipulin ng taong iyan. Pumayag na nga akong ibigay sa kanya ang lahat ng aking ginto't pilak, pati ang aking mga asawa at mga anak.”
8 Sumagot ang matatandang pinuno at ang buong bayan, “Huwag ninyo siyang pansinin. Huwag po kayong papayag.”
9 Kaya't ganito ang sagot ni Ahab sa mga sugo ni Ben-hadad: “Sabihin ninyo sa mahal na hari, lahat ng iniutos ninyo noong una sa inyong alipin ay gagawin ko. Ngunit itong huli ay hindi ko magagawa.”
At umalis ang mga sugo, dala ang ganoong sagot.
10 Nagpasabi muli si Ben-hadad, “Magpapadala ako ng mga tauhang wawasak sa lunsod mong ito, at tatangayin nila ang mga nasira nilang bagay. Parusahan sana ako ng mga diyos kung hindi ko ito gagawin!”
11 Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihin mo kay Haring Ben-hadad na ang tunay na sundalo ay hindi nagyayabang hangga't hindi pa natatapos ang labanan.
12 Nasa kanyang tolda noon si Ben-hadad at nakikipag-inuman sa mga haring kasama niya. Pagkarinig sa sagot na iyon ay sumigaw si Ahab, “Salakayin! Salakayin ang kaaway!” At humanda ang bawat isa sa pakikipaglaban.
Nagtagumpay ang Israel
13 Samantala, dumating noon ang isang propeta at sinabi kay Haring Ahab ng Israel, “Ipinapasabi ni Yahweh na huwag kang matakot sa napakalaking hukbong iyan. Sa araw na ito ay pagtatagumpayin kita laban sa kanila at malalaman mong ako nga si Yahweh.”
14 “Sino ang sasalakay?” tanong ni Ahab.
Sumagot ang propeta, “Ang mga kabataang kawal na nasa ilalim ng mga pinuno ng mga lalawigan.”
“At sino ang mamumuno sa labanan?” tanong uli ni Ahab.
“Kayo!” tugon ng propeta.
15 Tinipon nga ni Ahab ang mga kabataang kawal ng mga pinuno ng mga lalawigan, may 232 lahat-lahat. Pagkatapos, tinipon din niya ang hukbo ng Israel na may pitong libong kalalakihan.
16 Pagdating ng tanghaling-tapat, samantalang si Ben-hadad at ang tatlumpu't dalawang hari na kasama niya'y nag-iinuman sa kanilang tolda,
17 lumusob ang mga Israelita sa pangunguna ng mga kabataang kawal. May nagsabi kay Ben-hadad, “May lumalabas pong mga lalaki mula sa Samaria.”
18 At sumagot siya, “Hulihin sila nang buháy, anuman ang kanilang pakay, kapayapaan man o labanan!”
19 Sumalakay nga mula sa lunsod ang mga kabataang kawal, kasunod ang buong hukbo ng Israel.
20 Sa unang sagupaan ay napatay ng bawat isa ang kanyang kalaban, kaya't nagtakbuhan ang mga taga-Siria. Hinabol naman sila ng mga Israelita, ngunit nakatakas si Ben-hadad kasama ng ilang kawal na nakakabayo.
21 Lumabas naman si Haring Ahab at sumama sa paghabol sa mga taga-Siria. Pinuksa nila ang mga ito, at napakaraming kabayo at karwahe ang kanilang nasamsam.
Panibagong Pagsalakay ng mga Taga-Siria
22 Matapos ang labanang iyon, sinabihan muli ng propeta ang hari ng Israel. Wika niya, “Magdagdag pa kayo ng tauhan at ihanda ninyong mabuti ang inyong hukbo. Planuhin ninyong mabuti ang dapat gawin, sapagkat sa susunod na tagsibol ay muling sasalakay ang hari ng Siria.”
23 Pinayuhan din ng kanyang mga opisyal ang hari ng Siria, at kanilang sinabi, “Mga diyos ng kabundukan ang kanilang diyos, kaya tayo natalo. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan at tiyak na matatalo sila.
24 Ganito po ang inyong gawin: alisin ninyo sa kanilang tungkulin sa hukbo ang mga haring kasama ninyo, at palitan ninyo ng mga pinunong-kawal.
25 Bumuo kayo ng isang hukbong sinlaki ng dati, na may gayunding dami ng kabayo at karwahe. Sa kapatagan natin sila labanan at ngayo'y tiyak na magtatagumpay tayo.” Nakinig ang hari sa kanilang payo at ganoon nga ang ginawa.
Tagumpay sa Afec
26 Pagsapit ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang hukbo ng Siria at nagtungo sa Afec upang lusubin ang Israel.
27 Nagtipun-tipon din naman ang mga Israelita at naghanda upang salubungin ang kalaban. Nagdalawang pangkat sila, at nagtayo ng kampo sa tapat ng mga iyon. Parang dalawang kawan lang ng kambing ang hukbo ng Israel, samantalang halos matakluban ng hukbo ng Siria ang pook na iyon.
28 Lumapit muli sa hari ng Israel ang lingkod ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria na ako ay Diyos ng kabundukan at hindi Diyos ng kapatagan, ipapalupig ko sa iyo ang hukbong iyan sa kabila ng kanilang dami at lakas. Makikita ninyo ngayon na ako nga si Yahweh.’ ”
29 Pitong araw silang nagmanman sa isa't isa. Nagsimula ang labanan sa ikapitong araw, at sa araw na iyon sandaang libong kawal ang napatay sa hukbo ng Siria. Tumakas ang natirang buháy at pumasok sa Lunsod ng Afec.
30 Ngunit gumuho ang pader ng lunsod at 27,000 pa ang natabunan. Nakatakas muli si Ben-hadad at nagtago sa isang silid sa loob ng lunsod.
31 Sa gayong kalagayan, nasabi ng isa niyang tauhan, “Balita po namin ay maawain ang mga hari ng Israel. Magsusuot po kami ng damit-panluksa at magtatali ng lubid sa aming leeg, at haharap sa hari ng Israel. Baka sakaling kaawaan kami at hindi na kayo ipapatay.”
32 At ganoon nga ang ginawa nila. Humarap sila sa hari ng Israel at nagmakaawa. “Hinihiling po ng inyong aliping si Ben-hadad na huwag na ninyo siyang patayin.”
“Buháy pa ba siya? Buháy pa ba ang kapatid kong hari?” tanong ng hari ng Israel.
33 Sinamantala ng mga sugo ang gayong magandang pahiwatig kaya't agad sumagot, “Opo, buháy pa po siya! Buháy pa.”
“Dalhin ninyo siya agad dito,” utos ni Ahab. Pagdating ni Ben-hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe.
34 Sinabi noon ni Ben-hadad, “Isasauli ko sa inyo ang mga lunsod na inagaw ng aking ama sa inyong ama. Maaari kayong magtayo ng pamilihan sa Damasco, tulad ng itinayo ng aking ama sa Samaria.”
Sumagot naman si Ahab, “Sa ganitong kondisyon, pinapalaya ko na kayo.” Nangyari nga ang kasunduan at pinalaya sila ni Ahab.
35 Sa utos ni Yahweh, hiniling ng isang alagad ng mga propeta sa isa niyang kasamahan, “Sugatan mo ako.” Subalit tumanggi ito.
36 Kaya sinabi niya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang utos ni Yahweh, pag-alis mo rito'y papatayin ka ng leon.” Hindi pa nakakalayo ang sinabihan ay nakasalubong at napatay nga siya ng isang leon.
37 Nakakita ng ibang kasamahan ang alagad ng mga propeta at ito naman ang kanyang pinakiusapan. “Sugatan mo ako,” wika niya, at ginawa naman ng pinakiusapan ang hinihiling sa kanya.
38 Nagtuloy ang alagad ng mga propeta at saka naghintay sa daraanan ng hari matapos bendahan ang kanyang mga mata upang hindi siya makilala.
39 Sumigaw siya pagdaan ng hari at ganito ang sinabi: “Kamahalan, nang ako po'y nasa labanan, lumapit po sa akin ang isang kawal at iniwan sa akin ang isang bihag. Ang sabi po niya, ‘Alagaan mo ang bihag na ito. Kapag siya'y nakatakas, buhay mo ang kapalit, o magmumulta ka ng 35 kilong pilak.’
40 Nakalingat po ako at nakatakas ang bihag.”
Sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na rin ang nagbigay ng iyong hatol. Mamamatay ka o magmumulta.”
41 Nang marinig ito, bigla niyang inalis ang bendang nakatakip sa mga mata at nakilala ng hari na siya pala'y isang alagad ng mga propeta.
42 At sinabi niya sa hari, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Sapagkat pinakawalan mo ang isang taong ayon sa utos ko'y dapat mamatay, buhay mo ang kapalit ng kanyang buhay, at bayan mo ang kapalit ng kanyang bayan.’ ”
43 Bumalik sa Samaria ang hari na nababahala at masama ang loob.