14
Ang Paghahari ni Amazias sa Juda
(2 Cro. 25:1-24)
1 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas sa Israel, nagsimula namang maghari sa Juda si Amazias na anak ni Joas.
2 Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem.
3 Naging kalugud-lugod din siya sa paningin ni Yahweh kahit hindi siya naging katulad ng ninuno niyang si David. Tulad ng kanyang amang si Jehoas,
4 hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso doon.
5 Nang matatag na ang kanyang paghahari sa Juda, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari.
6 Ngunit hindi niya idinamay ang mga anak ng mga ito. Sinunod niya ang nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang nagkasala lamang ang siyang dapat patayin.”
7 Si Amazias ay nakapatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin at nasakop niya ang Sela. Tinawag niya itong Jokteel na siya pa ring pangalan nito hanggang ngayon.
8 Pagkatapos, si Amazias ay nagpadala ng sugo kay Haring Jehoas ng Israel, anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito sa isang labanan, “Pumarito ka't harapin mo ako.”
9 Ganito naman ang sagot na ipinadala ni Jehoas sa hari ng Juda, “May isang maliit na puno sa Lebanon na nagpasabi sa isang malaking puno ng sedar sa Lebanon, ‘Ibigay mo ang anak mong babae para maging asawa ng anak ko.’ Dumating ang isang mabangis na hayop sa Lebanon at tinapakan ang maliit na puno.
10 Nang matalo mo ang Edom ay naging palalo ka na. Masiyahan ka na sana sa kasikatan mo at manatili ka na lang sa bahay mo. Bakit naghahanap ka pa ng gulo na ikapapahamak mo at ng buong Juda?”
11 Ngunit hindi pinansin ni Haring Amazias ang sinabi ni Haring Jehoas. Kaya sumalakay ang hukbo ni Jehoas sa Beth-semes na sakop ng Juda.
12 Natalo ng Israel ang Juda at ang mga tauhan nito'y nagkanya-kanyang takas pauwi.
13 Binihag ni Haring Jehoas si Amazias at sinalakay ang Jerusalem. Iginuho niya ang pader nito mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuang Sulok; ito'y may habang halos 180 metro.
14 Sinamsam niya ang mga pilak at ginto at ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag nang magbalik siya sa Samaria.
15 Ang iba pang ginawa ni Jehoas pati ang kagitingan sa kanyang pakikidigma kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
16 Siya'y namatay at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jeroboam.
Ang Kamatayan ni Haring Amazias ng Juda
(2 Cro. 25:25-28)
17 Si Haring Amazias ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon mula nang mamatay si Haring Jehoas ng Israel.
18 Ang iba pang ginawa ni Amazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
19 Mayroong pangkat sa Jerusalem na nagkaisang patayin si Amazias kaya tumakas siya sa Laquis. Ngunit siya'y sinundan nila roon at pinatay.
20 Iniuwi sa Jerusalem ang kanyang bangkay sakay ng kabayo at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno.
21 Pagkatapos, kinuha ng mga taga-Juda si Azarias na labing-anim na taon pa lamang noon, at ginawang hari bilang kapalit ng kanyang amang si Amazias.
22 Muli niyang ipinatayo ang Elat at ibinalik niya ito sa Juda nang mamatay si Haring Amazias.
Ang Paghahari ni Jeroboam sa Israel
23 Nang ikalabing limang taon ng paghahari ni Amazias sa Juda, naging hari ng Israel sa Samaria si Jeroboam. Apatnapu't isang taon siyang naghari.
24 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh; wala rin siyang pinag-iba sa mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala.
25 Bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng lingkod niyang si propeta Jonas na anak ni Amitai ng Gat-hefer, nabawi ni Jeroboam ang dating sakop ng Israel mula sa may pasukan ng Hamat sa hilaga hanggang sa Dagat ng Araba sa timog.
26 Nakita ni Yahweh ang matinding kahirapang dinaranas ng Israel. Halos wala nang ligtas sa kanila, maging malaya o alipin at wala namang ibang maaaring asahan.
27 Ayaw naman ni Yahweh na lubusang mawala sa daigdig ang Israel, kaya iniligtas niya ito sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas.
28 Ang iba pang ginawa ni Jeroboam, ang kanyang mga pakikidigma pati ang pagbawi niya sa Damasco at Hamat para sa Israel ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
29 Nang mamatay si Jeroboam, inilibing siya sa Samaria sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Ang anak niyang si Zacarias ang humalili sa kanya bilang hari.