4
Tinulungan ni Eliseo ang Isang Biyuda
Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.”
“Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?”
“Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya.
Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak.
Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.”
“Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis.
Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.”
Si Eliseo at ang Sunamita
Minsan, si Eliseo'y pumunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na iyon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito. 10 Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilawan.”
11 Isang araw, bumalik nga roon si Eliseo at doon siya nagpahinga sa silid na inihanda para sa kanya. 12 Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae. 13 Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.”
“Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae.
14 Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?”
Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.”
15 “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan. 16 Sinabi+ sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.”
Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.”
17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.
18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid. 19 Bigla na lamang dumaing ang bata na masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng ama sa isang katulong, “Iuwi mo na siya sa kanyang ina.” 20 Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling-tapat, namatay ang bata. 21 Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas.
22 Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, “Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.”
23 “Anong gagawin mo roon?” tanong ng asawa. “Hindi ngayon Araw ng Pamamahinga at hindi rin Kapistahan ng Bagong Buwan.”
“Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,” sagot ng babae. 24 Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, “Sige, pabilisin mo ang asno at huwag mong pababagalin hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.” 25 At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo.
Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. 26 Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.”
Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” 27 Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.
Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”
28 Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”
29 Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”
30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,* at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.
31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”
32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan+ niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.
Ang Kababalaghang Ginawa ni Eliseo para sa mga Propeta
38 Kasalukuyang taggutom sa Gilgal nang magbalik doon si Eliseo. Isang araw, samantalang nakaupo sa paligid niya ang pangkat ng mga propeta, sinabi niya sa kanyang katulong, “Isalang mo ang malaking palayok at ipagluto mo ang mga propetang ito.” 39 Tumayo ang isa sa mga naroon at lumabas ng bukid upang manguha ng gulay. Nakakita siya ng isang ligaw na baging na parang upo at maraming bunga. Kumuha siya ng makakaya niyang dalhin. Pagbabalik niya'y pinagputul-putol ang mga iyon at inilagay sa palayok na nakasalang.
40 Pagkaluto, inihain niya ito ngunit nang tikman nila'y napasigaw sila, “Lingkod ng Diyos, lason po ito!” Hindi nila ito makain.
41 Sinabi ni Eliseo, “Magdala kayo rito ng kaunting harina.” Inabutan nga siya at ito'y ibinuhos sa palayok saka sinabi, “Ihain ninyo ngayon.” Nang kainin nila, wala namang masamang nangyari sa kanila.
42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, “Ihain ninyo iyan sa mga tao.”
43 Sumagot ang kanyang katulong, “Hindi po ito magkakasya sa sandaang katao.”
Iniutos niya muli, “Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ni Yahweh: Mabubusog sila at may matitira pa.” 44 At inihain nga nila iyon. Kumain ang lahat at nabusog, at marami pang natira, tulad ng sabi ni Yahweh.
+ 4:16 Gen. 18:4. * 4:30 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay. + 4:34 1 Ha. 17:21.