8
Bumalik ang Babaing Taga-Sunem
Sinabi+ ni Eliseo sa ina ng bata na kanyang muling binuhay, “Umalis kayo rito at mangibang-bayan sapagkat sinabi ni Yahweh na magkakaroon ng taggutom dito sa loob ng pitong taon.” Sumunod naman ang babae sa sinabi ng propeta. Umalis sila ng kanyang pamilya at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.
Pagkalipas ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at nakiusap sa hari na ibalik sa kanya ang kanyang bahay at lupa.
Kausap noon ng hari si Gehazi, ang lingkod ng propetang si Eliseo. Sinabi ng hari, “Isalaysay mo sa akin ang mga himalang ginawa ni Eliseo.”
Nang isinasalaysay na ni Gehazi ang tungkol sa pagbuhay sa patay, dumating ang ina ng batang binuhay ni Eliseo. Pumunta nga siya roon upang humingi ng tulong tungkol sa kanilang bahay at lupa. Nang makita ni Gehazi ang babae, sinabi niya sa hari, “Mahal na hari, ito po ang ina ng batang binuhay ni Eliseo.” Ang babae'y tinanong ng hari kung totoo ang sinasabi ni Gehazi, at sinabi niyang totoo nga.
Kaya, ang hari ay humirang ng isang tao at inutusan ng ganito: “Gawan mo ng paraang maibalik sa babae ang lahat niyang ari-arian pati ang ani ng kanyang bukid mula nang umalis siya hanggang sa araw na ito.”
Ang Paghahari ni Hazael sa Siria
Si Eliseo ay pumunta sa Damasco at noon ay may sakit si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo, inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Eliseo, ang propeta ng Diyos, upang itanong kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi. Lumakad si Hazael upang makipagkita kay Eliseo. Karga ng apatnapung kamelyo, dala niya ang iba't ibang magagandang regalo na produkto ng Damasco. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang alamin kay Yahweh kung gagaling pa ang hari o hindi.”
10 Ang sagot ni Eliseo, “Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinaalam sa akin ni Yahweh na mamamatay siya.” 11 At tinitigan niyang mabuti si Hazael* hanggang sa ito'y mapahiya. Napaiyak si Eliseo. 12 Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.”
13 “Paano+ ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael.
Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.” 14 At bumalik na si Hazael kay Ben-hadad.
Tinanong siya nito, “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?”
Sumagot siya, “Gagaling daw po kayo,” sagot ni Hazael. 15 Ngunit kinabukasan, binasa ni Hazael ang isang kumot at ibinalot sa mukha ng hari hanggang sa ito'y mamatay.
At si Hazael ang sumunod na hari ng Siria.
Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda
(2 Cro. 21:1-20)
16 Nang si Joram na anak ni Ahab ay limang taon nang naghahari sa Israel, si Jehoram na anak ni haring Jehoshafat ay nagsimula namang maghari sa Juda. 17 Tatlumpu't dalawang taon siya nang maging hari, at walong taóng naghari sa Jerusalem. 18 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang yapak ng mga naging hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab na kanyang biyenan. 19 Gayunman,+ hindi pa rin ibinagsak ni Yahweh ang Juda alang-alang sa lingkod niyang si David at sa pangako niya rito na maghahari ang kanyang mga susunod na salinlahi sa habang panahon.
20 Sa+ panahon ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 21 Pumunta siya sa Zair, dala ang lahat niyang karwahe. Ngunit napaligiran sila ng mga Edomita kaya kinagabihan, nagpilit silang lumusot. Ang mga tauhan niya ay nagsitakas pauwi sa kani-kanilang bahay. 22 Mula noon, hindi na sakop ng Juda ang Edom.§ Hindi nagtagal, naghimagsik din ang Libna.
23 Ang iba pang ginawa ni Jehoram* ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 24 Namatay siya at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya bilang hari ay ang anak niyang si Ahazias.
Ang Paghahari ni Ahazias sa Juda
(2 Cro. 22:1-6)
25 Si Ahazias na anak ni Haring Jehoram ay naging hari ng Juda noong ikalabindalawang taon ng paghahari sa Israel ni Joram na anak ni Ahab. 26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taon noon at isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Atalia na apo ni Omri na naging hari din ng Israel. 27 Sinundan din niya ang yapak ng sambahayan ni Ahab na lolo ng kanyang asawa, nagkasala rin siya kay Yahweh.
28 Tinulungan niya si Joram nang salakayin nito sa Ramot-gilead si Haring Hazael ng Siria. Noon ay nasugatan nang malubha si Joram, 29 at umuwi siya upang magpagamot sa Jezreel. Nang mabalitaan ito ni Ahazias na anak ni Haring Jehoram ng Juda, dinalaw niya ito.
+ 8:1 2 Ha. 4:8-37. * 8:11 At tinitigan…Hazael: o kaya'y At tinitigan ni Hazael si Elias. + 8:13 1 Ha. 19:15. 8:16 sa Israel: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na at si Jehoshafat bilang hari ng Juda. + 8:19 1 Ha. 11:36. + 8:20 Gen. 27:40. 8:20 Jehoram: Sa ibang manuskrito'y Joram. § 8:22 Mula noon…Edom: o kaya'y Mula noon naghimagsik ang Edom laban sa Juda. * 8:23 Jehoram: Sa ibang manuskrito'y Joram.