20
Pag-aalinlangan sa Kapangyarihan ni Jesus
(Mt. 21:23-27; Mc. 11:27-33)
Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nangangaral ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”
Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”
Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!”
Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.”
Ang Talinghaga ng Ubasan at sa mga Magsasaka
(Mt. 21:33-46; Mc. 12:1-12)
Pagkatapos, isinalaysay+ ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. 10 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa mga magsasaka ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang bahagi. Ngunit binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinauwing walang dala. 11 Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. 12 Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. 13 Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa'y papuntahin ko ang minamahal kong anak. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ 14 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, nag-usap-usap sila at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 Siya'y inihagis nila sa labas ng ubasan at pinatay.
“Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. 16 “Pupunta siya roon at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ipapaupa niya sa iba ang ubasan.”
Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong mangyari!” 17 Tiningnan+ sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng nasusulat na ito,
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan’?
18 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.”
Tungkol sa Pagbabayad ng Buwis
(Mt. 22:15-22; Mc. 12:13-17)
19 Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang tinutukoy niya sa talinghaga, ngunit natakot sila sa mga tao. 20 Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring tapat na naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon ay mapasailalim siya sa karapatan at kapangyarihan ng gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. 22 Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”
23 Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, 24 “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakaukit dito?”
“Sa Emperador po,” tugon nila.
25 Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
26 Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkamangha sa kanyang sagot.
Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay
(Mt. 22:23-33; Mc. 12:18-27)
27 Ilang+ Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong walang muling pagkabuhay ng mga patay. 28 Sabi+ nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang batas na ito, ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki'y dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 29 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito. At silang lahat ay namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan, namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?”
34 Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga lalaki't babaing karapat-dapat na mapasama sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y napabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging+ si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa salaysay tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ 38 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y nabubuhay ang lahat.”
39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!” 40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.
Katanungan tungkol sa “Anak ni David”
(Mt. 22:41-46; Mc. 12:35-37)
41 Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga tao na ang Cristo ay anak ni David? 42 Si++ David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
43 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.” ’
44 Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga tao na siya'y anak ni David?”
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan
(Mt. 23:1-36; Mc. 12:38-40)
45 Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong batiin sa mga pamilihan. Mahilig silang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga upuang pandangal sa mga handaan. 47 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda, at ginagamit ang kanilang mahahabang dasal bilang pakitang-tao. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusa sa kanila.”
+ 20:9 Isa. 5:1. + 20:17 Awit 118:22. + 20:27 Gw. 23:8. + 20:28 Deut. 25:5. + 20:37 Exo. 3:6. + 20:42 Awit 110:1. + 20:42 Lu. 12:11-12.