5
Ang Pagtawag ni Jesus sa Unang Apat na Alagad
(Mt. 4:18-22; Mc. 1:16-20)
Minsan,+ habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”
Sumagot+ si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Ganoon+ nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.”
Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”
11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin
(Mt. 8:1-4; Mc. 1:40-45)
12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”*
13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais ko. Gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan+ siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri sa kanya. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.”
15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.
Pinagaling ang Isang Paralitiko
(Mt. 9:1-8; Mc. 2:1-12)
17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo doon. Sila'y galing sa bawat bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.”
21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?”
22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!”
Ang Pagtawag kay Levi
(Mt. 9:9-13; Mc. 2:13-17)
27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.
29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't+ nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”
Katanungan tungkol sa Pag-aayuno
(Mt. 9:14-17; Mc. 2:18-22)
33 May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Subalit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom.”
34 Sumagot si Jesus, “Hinahayaan ba ninyong hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Di ba hindi? 35 Darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.”
36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. 39 Kapag nakainom ka na ng lumang alak, hindi mo na gugustuhing uminom ng bagong alak. Ang sasabihin mo, ‘Mas masarap ang lumang alak.’ ”
+ 5:1 Mt. 13:1-2; Mc. 3:9-10; 4:1. + 5:5 Jn. 21:3. + 5:6 Jn. 21:6. * 5:12 MALINIS: Sa panahong iyon, itinuturing na marumi ang taong may sakit na ketong. + 5:14 Lev. 14:1-32. + 5:30 Lu. 15:1-2.