8
Ang Pagtatalaga sa mga Pari
(Exo. 29:1-37)
Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Dalhin mo ang kanilang kasuotan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa at tipunin mo roon ang buong bayan.”
Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh. Nang ang buong kapulungan ay nagkatipon na, sinabi ni Moises sa sambayanan na ang gagawin nila'y utos ni Yahweh.
Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila'y pinaliguan ayon sa rituwal. Pagkatapos, isinuot niya kay Aaron ang mahabang panloob na kasuotan at ang damit bago ang efod, at inilagay sa kanyang baywang ang pamigkis. Isinuot din niya sa kanya ang efod, at pinagkabit ito sa pamamagitan ng isa pang pamigkis sa kanyang baywang. Pagkatapos, ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim. Sinuotan ng turbante at sa noo nila ay ikinabit ang palamuting ginto na may tanda ng kabanalan, ayon sa iniutos ni Yahweh.
10 Pagkatapos nito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang tanda na ang mga ito'y nakalaan lamang kay Yahweh. 11 Gayundin ang ginawa niya sa altar at sa mga kagamitang naroon, pati na ang palangganang hugasan at ang patungan nito; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito. 12 Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh. 13 Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh.
14 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang torong handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ihahandog. 15 Pinatay niya ito, kumuha ng kaunting dugo at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay pinahiran ang mga sungay ng altar upang ito'y gawing malinis. Ang natirang dugo ay ibinuhos sa paanan ng altar bilang pagtatalaga at pagtubos. 16 Kinuha ni Moises ang taba ng laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati ang taba nito at kanyang sinunog sa altar. 17 Ang balat, laman at dumi nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
18 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang lalaking tupa na iaalay bilang handog na susunugin. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito bago niya ito pinatay. 19 Ibinuhos ni Moises ang dugo nito sa palibot ng altar. 20 Kinatay niya ang tupa at sinunog ang ulo't mga pira-pirasong laman pati taba nito. 21 Hinugasan niya ang laman-loob at mga hita nito, at sinunog lahat sa altar bilang handog na susunugin, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh. Ang usok nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh.
22 Pagkatapos, kinuha niya ang isa pang lalaking tupa na handog naman para sa pagtatalaga. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito. 23 Pinatay ni Moises ang hayop at ang kaunting dugo nito'y ipinahid niya sa lambi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa nito. 24 Tinawag ni Moises ang mga anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo ang lambi ng mga kanang tainga at ang hinlalaki ng mga kanang kamay at paa ng mga ito. Ibinuhos niya ang natirang dugo sa mga gilid ng altar. 25 Pagkatapos kinuha niya ang taba ng buntot, ang tabang bumabalot sa laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati taba nito at ang kanang hita ng tupa. 26 Sa basket na nasa altar ay dumampot siya ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, isang tinapay na manipis, at ipinatong ang mga ito sa taba at kanang hita ng pinatay na tupa. Ang mga tinapay na ito'y walang pampaalsa. 27 Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inialay nila ito bilang natatanging handog kay Yahweh. 28 Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa altar, saka sinunog bilang handog para sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh. 29 Kinuha ni Moises ang parteng dibdib ng tupa at inialay bilang natatanging handog kay Yahweh; ito ang kanyang bahagi sa tupang handog na pantalaga gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan.
31 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at kainin kasama ang tinapay na nasa basket na ginagamit sa mga handog sa pagtatalaga, gaya ng ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Ang matira ay inyong susunugin. 33 Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hangga't hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ito ang iniutos ni Yahweh para sa araw na ito upang kayo'y matubos sa inyong kasalanan. 35 Sa loob ng pitong araw, araw-gabi kayong magbabantay sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ito ang utos ni Yahweh. Kailangang sundin ninyo ito upang hindi kayo mamatay.” 36 Sinunod nina Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.