Ang Unang Aklat ng
MACABEO
Panimula
Ang Unang Aklat ng Macabeo ay isang paglalarawan ng mga pangyayari sa bansang Judio mula noong panahon ni Haring Antioco Epifanes (175 B.C.) hanggang sa pasimula ng panunungkulan ni Juan Hircano (134 B.C.).
Ang pangunahing paksa ng aklat ay ang mga pagsisikap ng angkang Macabeo o Hasmoneo, ayon sa paniniwalang sila'y pinili ng Diyos para magligtas sa Israel. Binibigyan din ng pansin ang paksang panrelihiyon: ang Diyos ay nasa likod ng mga pangyayaring nagaganap sa kasaysayan, at pinapagtatagumpay niya ang mga tapat sa kanya bilang gantimpala.
Nilalaman
Ang pag-uusig at paghihimagsik ni Matatias 1:1–2:70
Ang pangunguna ni Judas Macabeo 3:1–9:22
Ang pangunguna ni Jonatan 9:23–12:53
Ang pangunguna ni Simon 13:1–16:24
1
1 Si Alejandro ay anak ni Haring Felipe ng Macedonia, at nagbuhat sa lupain ng Macedonia. Siya ay nakipagdigma laban kay Dario na hari ng Persia at ng Media, at siya ay nagtagumpay. Naparagdag ang Persia at Media sa imperyo ng Grecia.
2 Marami pa siyang kahariang sinalakay at nasakop. Ipinapapatay niya ang mga hari ng mga bansang nasasakop niya.
3 Ang malaking bahagi ng daigdig ay nalupig niya at sinamsam ang kayamanan ng maraming bansa. Nang masakop niya ang daigdig, siya ay naging palalo.
4 Pinamahalaan niya ang mga bansa at ang kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng isang napakalakas na hukbo. Lahat ng bansang sakop niya ay pinapagbayad niya ng buwis.
5 Pagkatapos ng lahat ng ito, nagkasakit siya nang malubha. Nang malapit na siyang mamatay,
6 tinawag niya ang mga kababata niya na ngayo'y matataas na pinuno ng hukbo. Pinaghati-hati niya sa kanila ang buong kaharian samantalang siya'y buháy pa.
7 At matapos ang labindalawang taong paghahari, siya ay namatay.
8 Nang siya'y mamatay, hinati nga ng kanyang mga opisyal ang kaharian ayon sa kanilang pook na pinananahanan.
9 Bawat isa'y ginawang hari ang kanyang sarili sa kanyang nasasakupan. Naghari ng mahabang panahon ang kanilang mga salinlahi at katakut-takot na pahirap ang ginawa nila sa daigdig.
Si Antioco Epifanes at ang mga Taksil na Judio
(2 Mcb. 4:7-17)
10 Sa lahi ng mga ito'y may lumitaw na masamang hari. Ito'y si Antioco Epifanes, na anak ni Haring Antioco III ng Siria. Siya'y isa lamang bihag sa Roma bago siya naging hari ng Siria. Nagsimula siyang maghari nang taóng 137.
11 Noong kapanahunan ni Antioco Epifanes, may lumitaw sa Israel na masasamang Judio na ayaw sumunod sa Kautusan, at inaakit pa ang mga mamamayan na makipagkasundo sa mga Hentil sa palibot nila. “Makipagkasundo na tayo sa kanila; wala naman tayong napapala sa hindi pakikipagkasundo kundi pawang kapahamakan,” pang-aakit nila.
12 Ang ganitong panukala ay nagustuhan ng marami
13 at ang ilan sa kanila'y agad nagpunta sa hari upang humingi ng pahintulot na sumunod sa mga tuntunin ng mga bansang dayuhan. Pumayag naman ang hari.
14 Nagtayo sila ng isang malaking palaruan sa Jerusalem, tulad ng nasa mga lunsod ng mga Griego.
15 Gumawa sila ng paraan upang maalis ang bakas ng kanilang pagiging tuli, at pati ang banal na kasunduan ay kanilang tinalikuran. Nakiisa sila sa mga Hentil at ginawa nila ang lahat ng uri ng masasamang gawain.
Nilusob ni Antioco ang Egipto
16 Nang matatag na ang kanyang kaharian, hinangad ni Antioco na sakupin din ang Egipto.
17 Naghanda siya ng isang malakas na hukbo na binubuo ng mga karwahe, elepante, kabayo at mga sasakyang pandagat. Matapos mabuo ito, lumusob siya.
18 Nakasagupa niya si Haring Tolomeo ng Egipto, at nang makita ni Tolomeo ang hukbo ni Antioco, umatras ito at tumakas. Marami sa mga tauhan nito ang nasugatan at napatay.
19 Dahil dito, lahat ng napapaderang lunsod ng Egipto ay nasakop ni Antioco at ang buong bansa ay nawasak.
20 Ang Egipto ay nasakop ni Antioco nang taóng 143. Pagbalik niya, ang hinarap naman ay ang Israel at Jerusalem. Isa ring malakas na hukbo ang ginamit niya sa paglusob dito.
21 Nagtagumpay rin siya at pagdating sa Jerusalem ay buong kayabangang pinasok ang Templo. Kinuha niya ang gintong altar at ang ilawan, at ang lahat ng kagamitan dito.
22 Kinuha rin niya ang hapag na pinaghahandugan ng tinapay para sa Panginoon, ang mga kopang pinaglalagyan ng handog na inumin, ang mga mangkok at ang gintong sunugan ng insenso. Inalis niya ang kurtina, ang mga korona at lahat ng palamuting ginto sa harap ng Templo, at walang itinirang anumang mahalaga.
23 Kinuha niya ang lahat ng mamahaling kasangkapan, lahat ng ginto at pilak; pati ang mga nakatagong kayamanan ay tinangay rin.
24 Lahat ng ito ay iniuwi niya sa kanyang bayan. Marami siyang ipinapatay at ito ay ipinagmalaki pa niya.
25 Bawat isa sa Israel ay nagdalamhati;
26 ang mga pinuno doon ay nagsitangis.
Nawalan na ng sigla ang mga binata't dalaga;
ganda ng kababaihan ay kumupas na.
27 Ang lalaking ikakasal, panaghoy ang inaawit,
ang dalaga nama'y tumatangis sa kanyang silid.
28 Ang buong bayan ay nayanig, at ang Israel ay nanliit.
Dahil sa kahihiyang kanilang sinapit.
29 Pagkalipas ng dalawang taon, ang hari ay nagsugo ng isang mataas na pinunong tagalikom ng buwis sa mga bayan ng Judea. Dumating ito sa Jerusalem na may kasamang isang malaking hukbo.
30 Sa pamamagitan ng panlilinlang, napapaniwala niya ang mga tao na ang dala niya'y kapayapaan. Ngunit nang makuha na niya ang kanilang tiwala, bigla niyang sinalakay ang lunsod, at marami ang napatay sa Israel.
31 Sinamsam niya ang ari-arian ng mga tao at tinupok ang lunsod. Winasak niya ang mga bahay at mga pader nito.
32 Binihag niya ang mga babae at mga bata. Inagaw din niya ang kanilang mga kawan.
33 Ang lunsod ni David ay ipinagawa nilang tanggulan—pinataas ang mga tore at pader nito at lalong pinatibay.
34 Ginawa nilang pinuno roon ang masasamang tao, ang mga nagtaksil na Judio. Ito ang lalong nagpalakas sa kanilang kalagayan.
35 Ginawa rin itong imbakan ng mga sandata't pagkain, at ng mga kagamitang nasamsam nila sa Jerusalem. Ang tanggulan ay kinatakutan ng lahat sa bayan.
36 Mula roo'y nagmamasid sila sa mga dumaraan, kaya't sa Templo sila'y kinatatakutan,
at sa Israel ay malaking kapinsalaan.
37 At sa Templong dalanginan, ang mga sumasamba'y pinapaslang kahit walang kasalanan,
at ang dambana'y nilapastangan nitong mga makasalanan.
38 Mga mamamayan nitong lunsod ay tumakas dahil sa takot,
at mga dayuhan ang dito'y nanirahan nang lubos;
at ang lunsod ng Jerusalem ay naging dayuhan,
sa mga anak niyang sa kanya'y nang-iwan.
39 Dakong Kabanal-banalan parang disyerto sa panglaw,
naparam ang kapistahan, naging lungkot at kahihiyan.
Ang Araw ng Pamamahinga ay hindi na iginagalang,
ang dating karangalan, ngayo'y naging kahihiyan.
40 Kung ano ang dating ganda, siya ngayong pagkaaba;
kung ano ang dating galak, ngayo'y luksang alaala.
Ipinagbawal ang Relihiyon
41 Ang hari ay nagpalabas ng isang kautusan para sa buong imperyo. Iniutos niyang maging iisa ang tuntunin sa bansa,
42 kaya't ipinagbawal niya ang dating kautusan at ang relihiyon. Lahat ng Hentil ay sumang-ayon
43 at marami ring Israelita ang sumunod sa relihiyon ng hari. Naghandog din sila sa mga diyus-diyosan at nilabag ang Araw ng Pamamahinga.
44 Kaugnay nito, nagpahatid ang hari ng liham sa Jerusalem at sa mga bayan ng Judea. Dito'y iniutos niyang ang dapat sundin ay ang kaugalian ng mga banyaga sa lupain.
45 Ipinagbawal niya ang paghahain ng mga handog na susunugin at handog na pagkain sa Templo. Iniutos niyang huwag nang pahalagahan ang Araw ng Pamamahinga at ang mga takdang kapistahan.
46 Iniutos din niyang huwag nang igagalang ang Templo at ang mga pari.
47 Sa halip, mga baboy at iba pang maruruming hayop ang kanilang ihahandog, at dapat ang itatayo nila'y mga templo at mga altar ng pagano.
48 Ipinagbawal din niya ang pagtutuli sa mga batang lalaki. Dapat nilang gawing kasuklam-suklam ang kanilang sarili.
49 Sa ganitong paraan, malilimutan nila ang utos ng Diyos at ang dati nilang kaugalian.
50 Binantaan pa niyang ang sinumang lumabag sa utos ng hari ay papatayin.
51 Ganon nga ang sulat na ipinadala ng hari sa lahat ng kanyang nasasakupan. Naglagay siya ng mga espiya, at iniutos na hali-haliling maghandog ang lahat ng lunsod ng Judea.
52 Marami nga ang lumimot sa kautusan at nakiisa sa paggawa ng kasamaan sa lupain.
53 Ang mga tapat na Israelita ay nagtago sa lahat ng pook na maaari nilang mapuntahan.
54 Nang taóng 145, ikalabing limang araw ng ikasiyam na buwan, si Haring Antioco ay nagpagawa ng rebultong tinatawag na “Kalapastanganang Walang Kapantay” sa altar na pinagsusunugan ng mga handog. Nagpatayo rin siya ng mga altar ng pagano sa lahat ng lunsod sa palibot ng Judea.
55 Kahit sa mga harap ng bahay at mga lansangan, ang mga tao ay pinagsusunog ng insenso.
56 Lahat ng makitang mga balumbon ng Kautusan ng Diyos ay sinira at sinunog,
57 at ang sinumang mahuling nagtataglay ng balumbon ng tipan o sumusunod sa Kautusan ay ipinapapatay.
58 Ganito nila pinahihirapan ang mga Israelita na nahuhuli sa mga lunsod sa bawat buwan.
59 Tuwing sasapit ang ikadalawampu't limang araw ng bawat buwan, naghahandog sila sa altar na itinayo sa dating pinaghahandugan ng mga Israelita.
60 Ang mga ina ng mga batang tinuli ay pinapatay ayon sa utos ng hari.
61 Ang mga batang tinuli ay tinatalian at isinasabit sa leeg ng kanilang mga ina. Pati mga kamag-anak ng mga batang ito at ang gumanap ng pagtutuli ay pinapatay rin.
62 Sa kabila ng lahat ng ito, marami pa ring mga Israelita ang nanatiling tapat at hindi kumain ng anumang pagkaing marumi.
63 Matamis pa sa kanila ang mamatay kaysa maging marumi dahil sa pagkain ng mga hindi ipinahihintulot ng kautusan o kaya'y sumuway sa banal na kasunduan. Marami nga ang namatay sa kanila.
64 Katakut-takot na hirap ang dinanas ng buong Israel.