15
Hiningi ni Haring Antioco VII ang Tulong ni Simon
1 Mula sa kapuluang Griego ay sumulat si Antioco na anak ni Haring Demetrio sa buong bansa at kay Simon, ang Pinakapunong Pari at gobernador ng mga Judio. Ganito ang isinasaad ng sulat:
2 “Mula kay Haring Antioco, pagbati sa bansang Judio at kay Simon na Pinakapunong Pari at gobernador.
3 Alam ninyo na ang kaharian ng aking mga ninuno ay inagaw ng mga taksil. Ipinasya kong kunin itong muli at ibalik sa dating kadakilaan. Naghanda na ako ng isang malaking hukbo at mga barkong pandigma.
4 Binabalak kong lusubin ang lupain at salakayin ang nagwasak sa maraming lunsod at sa bansa.
5 “Kaya ngayon, pinapagtibay ko ang ginawa ng mga naunang hari na pag-aalis ng lahat ng buwis at pagbabayad.
6 Binibigyan ko kayo ng karapatang gumawa ng sarili ninyong salapi na gagamitin sa inyong bansa.
7 Hindi magbabayad ng buwis ang Jerusalem at ang Templo. Lahat ng sandatang inyong ginawa at mga tanggulang ipinatayo at nilagyan ng mga bantay ay mananatiling inyo.
8 Bukod dito, lahat ng pagkakautang sa kabang-yaman ng palasyo, o magiging utang sa hinaharap, ay pinatatawad ko ngayon.
9 Sa sandaling manumbalik sa akin ang aking kaharian, ibibigay ko sa iyo, sa iyong bansa, at sa Templo, ang malaking pagpaparangal upang makilala ng buong mundo ang inyong kadakilaan.”
10 Nang taóng 174, nilusob nga ni Antioco ang lupain ng kanyang mga ninuno. Pumanig sa kanya ang karamihan sa mga kawal, kaya iilan ang natira kay Trifo.
11 Nang habulin ni Antioco, si Trifo ay tumakas patungo sa lunsod ng Dor sa baybay-dagat,
12 sapagkat nakita niya na wala na siyang pag-asang makaligtas pa dahil iniwan siya ng kanyang mga tauhan.
13 Pinahanda ni Antioco ang 120,000 sanay na kawal at walong libong mangangabayo at nilusob ang Dor.
14 Ang mga sasakyang-pandagat niya ay sumalakay din, at napaligiran niya nang husto ang lunsod kaya walang sinumang makapasok o makalabas doon.
Tinulungan ng Roma ang mga Judio
15 Samantala, nakarating na sa Jerusalem mula sa Roma si Numenio at ang mga kasama nito, dala ang sumusunod na liham para sa iba't ibang hari at bansa:
16 “Pagbati mula kay Lucio, konsul ng Roma, para kay Haring Tolomeo.
17 Ilang kinatawan ng aming mga kaibigan at kapanalig na Judio ang naparito upang sariwain ang dating kasunduan ng pakikipagkaibigan. Sila'y isinugo ng Pinakapunong Paring si Simon at ng bansang Judio,
18 at nagdala sila ng handog na gintong kalasag na may bigat na kalahating tonelada.
19 Kaya ipinasya naming sulatan ang iba't ibang hari at mga bansa at sabihin sa kanilang huwag sasaktan ang mga Judio, ang kanilang mga lunsod, o ang kanilang bansa, sa anumang kaparaanan. Huwag nilang didigmain ang mga Judio o tulungan ang mga sumasalakay sa kanila.
20 Tinatanggap namin ang kalasag at ipinangangako sa kanila ang aming pangangalaga.
21 Kaya nga, kung may mga taksil na tatakas mula sa Judea at magtatago sa inyong lupain, ibigay ninyo siya kay Simon, ang Pinakapunong Pari, upang maparusahan ayon sa batas ng mga Judio.”
22 Ang sulat na ito ay ipinadala ni Lucio sa mga Haring sina Demetrio, Atalo, Ariarte, at Arsaces,
23 at sa mga bansang Samsames, Esparta, Delos, Mindos, Sicyon, Caria, Samos, Pamfilia, Licia, Halicarnaso, Rodes, Faselis, Cos, Side, Arado, Gortina, Nido, Cyprus, at Cirene.
24 Pinadalhan din niya ng isang kopya si Simon, ang Pinakapunong Pari.
Nakipagkalas si Haring Antioco VII kay Simon
25 Sa pangalawang pagkakataon, nilusob ni Haring Antioco ang Dor at hindi tinigilan ang pagsalakay rito. Nagpagawa siya ng mga platapormang panlusob at dahil sa kanyang paghadlang sa daanan, hindi makapasok o makalabas ang mga tauhan ni Trifo.
26 Nagpadala si Simon ng pilak, ginto, at maraming kagamitan at dalawang libong piling kawal para tulungan si Antioco.
27 Subalit hindi ito tinanggap ni Antioco, bagkus pinawalang-bisa ang lahat ng naunang kasunduan nila ni Simon, kaya siya'y naging kaaway nito.
28 Pagkatapos, isinugo ni Antioco ang pinagkakatiwalaan niyang pinuno na si Atenobio para makipag-usap kay Simon. Sinabi nito kay Simon, “Ang nasasakop mong Joppa, Gezer, at kuta ng Jerusalem ay mga lunsod ng aking kaharian.
29 Winasak mo ang mga lupaing iyon at dinalhan ng kaguluhan ang bansa. Maraming lupain sa aking kaharian ang iyong sinakop.
30 Ngayon, ibalik mo sa akin ang mga lunsod na nasakop mo, at ibigay mo rin sa akin ang buwis na kinuha mo sa mga lugar na iyong sinakop, na di kabilang sa lupain ng Judea.
31 Kung ayaw mong gawin ito, bayaran mo ako ng 17,500 kilong pilak, at karagdagang 17,500 kilong pilak bilang kabayaran para sa nawala sa aking lupain at mga buwis. Kung ayaw mo pa ring gawin ito, didigmain namin kayo.”
32 Nang dumating sa Jerusalem si Atenobio at makita ang magarang palasyo ni Simon, ang kasangkapang ginto at pilak sa bulwagang pinagdarausan ng mga malaking salu-salo, at ang nakahanay na malaking kayamanan, siya'y manghang-mangha. Ibinigay niya kay Simon ang sulat ng hari,
33 at sumagot si Simon, “Wala kaming inaagaw na lupain mula sa ibang bansa o kinukuhang anuman sa ibang tao. Ang totoo'y amin lamang binawi ang ari-ariang minana namin sa aming mga ninuno, mga lupaing inagaw ng aming mga kaaway.
34 Ngayon pa lamang namin nagagamit ang pagkakataong ito para mapanumbalik ang pamana ng aming mga magulang.
35 Para sa Joppa at Gezer na inyong inaangkin, bibigyan namin kayo ng 3,500 kilong pilak, bagaman ang mga tao sa mga lunsod na iyon ang gumawa ng napakalaking kapinsalaan sa aming bansa.”
Hindi umimik si Atenobio,
36 ngunit nagbalik siya sa hari na nagngingitngit. Nang sabihin niya sa hari ang tugon ni Simon at ibinalita rin dito ang magarang palasyo ni Simon at lahat ng kanyang nakita, lubos na nagalit ang hari.
Nagtagumpay si Juan Laban kay Cendebeo
37 Samantala, si Trifo ay sumakay naman sa isang sasakyang-pandagat at tumakas patungong Ortosia.
38 Itinalaga ni Haring Antioco si Cendebeo bilang tagapamahala ng mga lupain sa baybay-dagat, at binigyan ng mga sundalo at hukbong nakakabayo,
39 saka inutusang lumusob sa Judea. Iniutos din niya rito na muling itayo ang Lunsod ng Kidron at patibayin ang mga pintuan nito, para sa pakikipaglaban sa mga Judio. Ang hari nama'y nagpatuloy ng pagtugis kay Trifo.
40 Dumating sa Jamnia si Cendebeo at ginulo ang mga Judio sa pamamagitan ng paglusob sa Judea, pagbihag sa mga tao, at pagpatay sa marami.
41 Muli niyang itinayo ang Kidron at naglagay roon ng mga bantay na kawal at mangangabayo, para ipagpatuloy ang pagsalakay sa Judea, gaya ng utos ng hari.