3
Ang mga Unang Pagtatagumpay ni Judas
(2 Mcb. 8:1-7)
Pagkamatay ni Matatias, ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay ang anak niyang si Judas na tinatawag ding Macabeo. Lahat ng kanyang kasama ay nagkaisa sa pagkapili sa kanya. Dahil dito, masigla silang nakikipaglaban alang-alang sa Israel.
 
Ipinakilala niyang may dangal ang kanyang bayan.
Tulad niya'y higante sa kanyang kasuotang bakal.
Suot niya ay pandigma sa kanyang pakikilaban,
sa tabak na kanyang hawak, hukbo niya'y pinangunahan.
Mabangis na leon ang kanyang nakakawangis, siya'y parang batang leon sa kanyang paninibasib.
Masasamang tao'y kanyang hinahanap at tinutugis;
parusa niya ay sunugin ang sa baya'y nang-aapi.
Masasamang tao sa kanya'y pawang may takot,
ang mga masasama, sa kanya'y di makakilos.
Ang kaligtasang hatid niya sa lahat ay nakaabot, at lumaganap itong tunay sa lahat ng mga pook.
Mga hari'y nagngingitngit dahil sa kanyang paglaban,
ngunit sambahayan ni Jacob sa tagumpay niya ay nasiyahan.
Alaala niyang dakila'y pinupuri kailanman; lagi siyang ikinararangal at hindi malilimutan.
Sa mga lunsod ng Juda
kalaba'y kanyang pinuksa,
Israel ay hinango niya at sa dusa'y pinalaya.*
Sa lahat ng lugar ang pangalan niya'y dakila,
ang mga pinagbabantaang patayin ay kanyang kinakalinga.
 
10 Sa ganitong kalagayan, bumuo si Apolonio ng isang malakas na hukbo. Tinipon niya ang mga Hentil, at mula sa Samaria, lumabas sila upang salakayin ang Israel. 11 Nang malaman ito ni Judas, nilusob niya at pinatay si Apolonio; nagapi niya ang hukbo nito. Marami ang napatay sa kanyang mga kaaway at ang mga walang sugat ay tumakas. 12 Marami silang nasamsam sa kaaway. Pati na ang espada ni Apolonio ay nakuha rin, at mula noon, ito na ang ginamit ni Judas Macabeo sa pakikipagdigma hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
13 Nabalitaan ni Seron, isa ring puno ng hukbo ng Siria na si Judas ay marami nang tapat na kawal. 14 Kaya't sinabi niya, “Pasisikatin ko ang aking pangalan at ang kaharian. Lulupigin ko si Judas at ang mga tauhan nitong sumusuway sa hari.” 15 Isang malakas na pangkat ng mga pagano ang sumanib upang tulungan siyang gumanti sa mga Israelita. 16 Nang sila'y umaahon na sa Beth-horon, lumabas si Judas kasama ang ilang tauhan. 17 Nang makita ng mga tauhan ni Judas na napakalaki ng hukbong kanilang haharapin, sinabi nila, “Anong magagawa natin sa dami ng ating kalaban? Iilan na tayo'y mahina pa ang ating katawan sapagkat hindi pa tayo kumakain sa araw na ito.”
18 “Huwag kayong mag-alala,” tugon ni Judas. “Madaling talunin ng iilan ang marami. Ang pagliligtas ng Diyos ay hindi nababatay sa dami. 19 Ang tagumpay sa labanan ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo, kundi sa lakas na nanggagaling sa langit. 20 Iba ang layunin nila ng paglaban. Ang taglay nila'y dahas at pagmamataas sa hangad na lipulin ang ating mga asawa't anak. 21 Ang ipagtatanggol naman nati'y ang ating buhay at ang ating kautusan. 22 Huwag kayong matakot. Tutulungan tayo ng Diyos sa paglupig sa kanila.”
23 At nilusob nila si Seron at ang hukbo nito. Nalito ang mga ito at nagsitakas. 24 Hinabol sila nina Judas pababa sa Beth-horon hanggang sa kapatagan. Walong daan ang napatay sa mga kaaway; ang iba'y tumakas patungo sa lupain ng mga Filisteo. 25 Bunga ng tagumpay na ito, si Judas at ang kanyang mga kapatid ay kinatakutan ng mga Hentil mula noon. 26 Nakaabot sa kaalaman ng hari ang pangyayaring ito at wala nang bukambibig ang mga Hentil kundi ang kahusayan ni Judas sa pakikipaglaban.
Si Lisias Bilang Gobernador
27 Nang malaman ni Haring Antioco ang nangyari, nag-alab ang kanyang galit. Tinipon niya ang lahat ng kanyang hukbong sandatahan. 28 Pinabuksan niya ang kanyang kabang-yaman at binigyan ng santaong sweldo ang bawat kawal. Pinahanda niya ang hukbo sa biglaang pangangailangan. 29 Hindi nagtagal at naubos ang laman ng kabang-yaman, sapagkat mahina ang pasok ng salapi dahil sa kaguluhang idinulot ng kanyang pagpapawalang-halaga sa mga dating batas. 30 Nag-alala ang hari na kakapusin siya ng panustos sa kanyang mga gugulin at karangyaang hindi ginagawa ng mga haring nauna sa kanya. 31 Labis niya itong ikinabahala, kaya nagpasya siyang pumunta sa Persia upang maningil ng buwis sa paniwalang doon siya makakakuha ng halagang kailangan niya.
32 Bago siya umalis, tinawag niya si Lisias, isang taong kilala at nagmula sa maharlikang angkan. Ginawa niya itong gobernador upang mamahala sa lupain mula Ilog Eufrates hanggang sa hangganan ng Egipto. 33 Kay Lisias din niya ipinagkatiwala ang anak niyang si Antioco. 34 Matapos pagbilinan, iniwan ng hari ang mga elepante at ang kalahati ng hukbo upang magamit ni Lisias sa kanyang pangangailangan. Tungkol naman sa mga taga-Judea at Jerusalem, 35 ang utos ng hari ay salakayin ito upang wasakin nang lubusan, 36 pagkatapos ay patirahan at ipamahagi sa mga dayuhan ang kanilang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. 37 Noong taóng 147, umalis ang hari sa Antioquia, ang punong-lunsod, dala ang kalahati ng hukbo. Tumawid sila sa Ilog Eufrates at nagpunta sa mga lalawigan sa hilaga.
Ang mga Pagtatagumpay ni Judas
(2 Mcb. 8:8-29, 34-36)
38 Samantala, si Lisias ay pumili ng kanyang makakatulong. Kinuha niya si Tolomeo na anak ni Dorimenes at ang dalawa sa mga kaibigan ng hari, sina Nicanor at Gorgias. 39 Sila ang pinamahala sa 40,000 sundalo at 7,000 na hukbong nakakabayo upang lusubin at wasakin ang Juda bilang pagsunod sa utos ng hari. 40 Nang handa na ang lahat, lumakad ang hukbo at pagdating sa kapatagan ay humimpil muna sa malapit sa Emaus. 41 Ang kahusayan ng hukbong ito'y nabalitaan ng mga mangangalakal doon, at hindi pa ma'y pumunta na sila sa himpilan. May dala silang mga tanikala at malaking halaga ng pilak at ginto upang bilhin ang mga Israelita bilang mga alipin. Isang pangkat ng mga taga-Siria at Filistia ang sumama sa kanila.
42 Nabalitaan ni Judas at ng kanyang mga kapatid ang utos ng hari na sila'y dapat nang lipulin at lubos na wasakin ang bansa. Kaya't sa harap ng malaking hukbo ng mga kaaway na nakahimpil na sa kanilang paligid, alam nilang mapanganib na ang kanilang katayuan. 43 Nagkaisa silang ipagsanggalang ang bansa at ang Templo. 44 Humanda ang lahat para makipaglaban at bago lumusob, sila'y sama-samang nanalangin upang hingin ang patnubay at tulong ng Diyos.
45 Ang Jerusalem ay ulila,
wala na ang mamamayan.
Ang Templo ay winasak, mga banyaga ang bantay.
Mga nananahan dito ngayon ay pawang dayuhan;
ang Israel ay mapanglaw,
nawala na pati ang mga tugtugan.
46 Doon sila nagtipon sa Mizpa, malapit sa Jerusalem, para manalangin, sapagkat iyon ay dating pook dalanginan ng Israel. 47 Nang araw na iyon, nagsuot sila ng damit-panluksa at maghapong nag-ayuno. Binuhusan nila ng abo ang kanilang ulo, at winasak ang kanilang kasuotan. 48 Iniladlad nila ang balumbon ng kautusan ng Diyos upang malaman kung ano ang dapat nilang gawin, katulad ng ginagawang pagtawag ng mga Hentil sa kanilang mga diyus-diyosan. 49 Dala nila sa kanilang pagsamba ang mga kasuotang sagrado ng mga pari, ang mga unang ani, at ang ikasampung bahagi. Pagkatapos, tinawag nila ang mga katatapos lamang mamanatang Nazareo. 50 At silang lahat ay nanalangin, “Ano po ang aming gagawin sa mga lalaking ito at saan namin sila dadalhin? 51 Hindi po nila iginalang ang inyong Templo, at ang inyong mga pari ay nagluluksa sa tinamong kahihiyan. 52 Masdan po ninyo ang mga Hentil; pinaligiran at sinasalakay po nila kami para wasakin! Batid ninyo ang kanilang balak gawin sa amin. 53 Paano namin maipagtatanggol ang aming mga sarili kung hindi po ninyo kami tutulungan?” 54 Pagkatapos, hinipan nila ang mga trumpeta at sila'y nagsigawan.
55 Nagtakda si Judas ng mangunguna sa bawat pangkat na sanlibo, sandaan, limampu, at sampu. 56 Ayon+ sa Kautusan, pinauwi niya ang mga bagong kasal, mga bago pa lamang nagtayo ng bahay o nagtanim ng ubasan, o kaya'y natatakot, at hindi na pinasama sa labanan. 57 Nang magawâ ito, ang kanilang hukbo ay lumabas at humanay sa timog ng Emaus. 58 Ito ang utos ni Judas: “Magpakalalaki kayo, at humanda sa paglaban. Bukas ng umaga, lulusubin natin ang mga Hentil na gustong pumuksa sa atin at magwasak ng ating Templo. 59 Mabuti pa ang tayo'y mamatay kaysa makitang wasak ang bansa at nilapastangan ang ating Templo. 60 Kung ano ang kalooban ng Diyos, iyon ang mangyayari!”
* 3:8 Israel…pinalaya: o kaya'y Israel ay iniligtas niya sa poot ng Diyos. 3:41 Taga-Siria: Sa ibang manuskrito'y taga-Idumea. + 3:56 Deut. 20:5-8; Huk. 7:3.