5
Pakikipaglaban sa mga Karatig-bansa
(2 Mcb. 10:14-33; 12:10-45)
Nang mabalitaan ng mga Hentil sa mga karatig-bansa na muling itinayo at itinalaga ang altar at ang Templo, nag-alab ang kanilang galit. Ang napagbuntunan nila ng galit ay ang mga Israelita na kahalubilo nila. Ipinasya nilang lipulin ang mga ito.
Nang ang mga ito'y pinapatay na, sinalakay ni Judas ang mga taga-Edom sapagkat inaabangan ng mga ito ang mga Israelita. Doon sila sa Akrabatene nagsagupa; nalupig ni Judas ang mga Hentil at sinamsam niya ang ari-arian ng mga ito. Naalala niya ang masamang balak ni Baean at ng kanyang mga anak na laging nag-aabang sa daraanan ng mga Israelita upang patayin ang mga ito. Kinulong niya sila sa kanilang mga kuta at sumumpa na lubusan niyang lilipulin sila. Sinunog niya ang kanilang mga kuta at natupok silang lahat. Matapos gawin ito, tumawid si Judas sa ibayo upang lusubin ang mga Ammonita. Doo'y nakaharap niya ang isang malakas na hukbo na pinamumunuan ni Timoteo. Maraming paglalaban nila ang pinanalunan ni Judas, hanggang sa lubusan niyang nalupig ang mga ito. Bago siya nagbalik sa Judea, sinalakay niya at nilupig ang Jazer, pati ang mga karatig-bayan nito.
Bilang ganti, ang lahat ng mga Hentil sa Gilead ay nagtipon at nagkaisang salakayin at lipulin ang mga Israelita na nakatira sa kanilang lupain. Ngunit ang mga ito'y tumakas at nagtago sa mga kuta ng Datema. 10 Mula doo'y sumulat sila kay Judas at ibinalita ang balak ng mga Hentil na sila'y lipulin. 11 Sabi pa nila,
“Sa pangunguna ni Timoteo, sila'y sasalakay sa kutang pinagtataguan namin. Kaya saklolohan agad ninyo kami, 12 sapagkat marami na sa amin ang nasawi. 13 Lahat ng mga kasamahan namin sa Tob ay napatay. May 1,000 lalaki ang pinaslang doon. Ang kanilang mga asawa't anak, at mga ari-arian ay tinangay lahat ng mga kaaway.”
14 Samantalang binabasa ang sulat, may dumating na mga sugo galing sa Galilea na gayon din ang ibinalita; punit-punit ang kanilang mga kasuotan. 15 Sinabi nilang ang mga taga-Tolemaida, Tiro, Sidon at Galilea ay nagsama-sama para puksain sila. 16 Dahil dito, tinawag ni Judas ang lahat ng mamamayan upang pag-usapan ang dapat nilang gawin. 17 Sinabi niya kay Simon, “Pumili ka ng mga tauhan mo at iligtas ang mga nasa Galilea. Kami ni Jonatan ang pupunta sa Gilead.” 18 Ang pangangalaga sa Judea ay ipinagkatiwala sa nalalabi pang mga tauhan sa pangunguna nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias. 19 Bago umalis si Judas, nag-iwan siya ng ganitong utos: “Huwag kayong lulusob sa mga Hentil hanggang hindi kami nakakabalik. Basta't pangangalagaan ninyo ang mga mamamayan.” 20 Tatlong libong tauhan ang kasama ni Simon sa pagsalakay sa Galilea, at 8,000 naman ang kay Judas na pupunta sa Gilead.
21 Sinalakay nga ni Simon ang mga Hentil sa Galilea at pagkatapos ng maraming pagsasagupa ay nagapi niya ang mga ito. 22 Tinugis niya ang mga ito hanggang sa pagpasok ng Tolemaida. Tatlong libo ang kanilang napatay sa mga tumakas, at marami rin silang nasamsam na ari-arian. 23 Ang mga Judio sa Galilea at Arbata, kasama ang buong sambahayan at mga ari-arian ay ibinalik niya sa Judea, at gayon na lamang ang tuwa ng lahat.
24 Si Judas Macabeo at ang kanyang kapatid na si Jonatan ay tumawid naman sa Jordan at tatlong araw na naglakbay sa ilang. 25 May nasalubong silang mga mapayapang Nabateo, at ibinalita nila ang nangyari sa kanilang mga kababayan sa Gilead. 26 Sabi nila, “Ang marami sa mga kasamahan ninyo'y nakulong sa Bozra, Bosor, gayon din sa Alema, Casfo, Maked at Carnaim.” Malalaki ang mga lunsod na ito at napapaderan. 27 Sinabi pa nilang ang iba ay nasa ibang lunsod ng Gilead. Sinabi nilang kinabukasan ay lulusubin ng kaaway ang nasabing mga lugar at lilipulin ang mga Judio roon sa loob lamang ng isang araw.
28 Pagkarinig nito'y hindi na nag-aksaya ng panahon si Judas. Sa halip na tumuloy sa Gilead, bumagtas sila ng ilang at tinungo ang Bozra. Naagaw nila ang lunsod, at pinatay ang lahat ng mga kaaway na lalaki roon. Sinamsam niya ang lahat ng ari-arian at sinunog ang lunsod. 29 Kinagabihan, nagmartsa sila papunta sa kuta ng Datema. 30 Kinaumagahan ay nakita nila ang hindi mabilang na mga taong lumulusob sa kuta. Ang mga ito'y may dalang mga hagdanan at iba't ibang kagamitang panalakay upang makuha ang kuta. 31 Nabatid ni Judas sa narinig niyang umalingawngaw na tunog ng tambuli at sigawang halos umabot sa langit, na nagsimula na ang labanan. 32 Sinabi niya sa kanyang hukbo, “Lumaban tayo, alang-alang sa ating mga angkan.”
33 Pinagtatlong pangkat ni Judas ang kanyang hukbo, at mula sa likura'y sumugod sila na hinihipan ang mga tambuli at pasigaw na nagdarasal. 34 Nakita ng mga kawal ni Timoteo na hukbo pala ni Judas ang kanilang kalaban kaya't sila'y umatras na. Sa labanang ito'y nalupig si Timoteo at humigit-kumulang sa 8,000 kawal nito ang napatay nang araw na iyon.
35 Mula roon, nilusob naman nila ang Alema* at nasakop rin ito. Pinatay nila ang lahat ng lalaki roon, sinamsam ang mga ari-arian, at sinunog ang lunsod. 36 Sunud-sunod nilang sinalakay at nalupig ang Casfo, Maked, Bosor, at iba pang mga lunsod sa Gilead.
37 Pagkatapos, si Timoteo ay nagtipon ng panibagong hukbo at nagkampo sa tapat ng Rafon, sa kabilang ibayo ng ilog. 38 Hindi ito nalingid sa kaalaman ni Judas kaya't nagsugo siya roon ng mga espiya. Ganito ang ulat nila: “Napakalaki ng hukbo nila, sapagkat sumama sa kanila ang mga Hentil sa palibot natin. 39 Bukod doon, umupa pa sila ng mga Arabo. Nagkampo sila sa kabilang ibayo ng ilog at naghahanda na sa paglusob.” Pagkabatid nito, lumabas agad si Judas upang harapin sila.
40 Nakita ni Timoteo si Judas at ang kanyang hukbo na tumatawid sa umaagos na ilog, kaya sinabi niya sa mga pinuno ng kanyang hukbo, “Kung sila ang unang tatawid, tiyak na tayo'y matatalo; hindi natin kaya ang lakas nila. 41 Ngunit kung sila'y matakot at humimpil sa kabila ng ilog, tayo ang tatawid at matatalo natin sila.” 42 Pagdating sa pampang ng ilog, ganito ang iniutos ni Judas sa mga pinuno ng kanyang mga kawal: “Huwag nang magtatayo ng tolda ang sinuman, sapagkat ang lahat ay lalaban.” 43 Pagkasabi nito'y nauna siyang tumawid kasunod ang kanyang hukbo. Sa takot ng mga Hentil, itinapon na nila ang kanilang sandata, tumakas, at nagtago sa napapaderang templo nila sa Carnaim. 44 Ngunit nakuha ng mga Judio ang lunsod na ito at sinunog ang Templo pati ang mga nagtatago roon. Dahil sa pagkasakop sa lunsod na ito, wala nang nangahas lumaban kay Judas.
45 Nang maging payapa na ang lahat, tinipon ni Judas ang lahat ng mga Israelitang nasa Gilead. Iniutos niyang isama ang lahat ng sambahayan pati ang mga ari-arian at dalhin sa Judea. Napakarami nila, 46 at pagsapit sa Efron, hindi sila agad nakalampas. Ang Efron ay malaki at napapaderang lunsod, at wala silang ibang madadaanan kundi sa gitna nito. 47 Ngunit ayaw silang paraanin ng mga tagaroon. Isinara ng mga ito ang mga pintuan ng lunsod at tinambakan ng bato. 48 Nagpadala sa kanila ng sulat si Judas na ganito ang nilalaman: “Wala kaming masamang layunin. Makikiraan lamang kami sa inyong lunsod para umuwi sa amin.” Ngunit hindi pa rin nila binuksan ang mga pintuan.
49 Bunga nito, iniutos ni Judas na bawat isa'y lumusob mula sa kanya-kanyang kinalalagyan. 50 Maghapo't magdamag silang lumaban hanggang sa sumuko ang mga taga-lunsod. 51 Lahat ng lalaki sa lunsod ay pinatay. Sinamsam nila ang lahat ng ari-arian, at sinunog ang lunsod. At sa ibabaw ng mga bangkay dumaan si Judas at ang kanyang mga kasama. 52 Mula roo'y tumawid sila ng Jordan patungo sa kapatagan ng Beth-san. 53 Pinagdadakip niya sa daan ang mga nakatakas na kaaway. Habang naglalakbay, pinalakas ni Judas ang loob ng kanyang mga kasama hanggang sa sila'y sumapit sa Judea. 54 Tuwang-tuwa silang umahon sa Bundok ng Zion upang mag-alay ng handog na susunugin bilang pasasalamat sa pagsapit nila nang ligtas at dahil sa walang napahamak ni isa man sa kanila.
55 Samantalang ang magkapatid na Judas at Jonatan ay nasa Gilead, at ang kapatid nilang si Simon ay sumasalakay sa Tolemaida sa Galilea, 56 nabalitaan nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias ang kanilang kabayanihan. 57 Kaya't sinabi nila, “Gumawa tayo ng paraan para matanyag din tayo. Labanan natin ang mga Hentil sa paligid natin.” 58 Para matupad ang gayong layunin, iniutos nila sa kanilang hukbo na pasukin ang Jamnia. 59 Nalaman ito ni Gorgias, kaya't hinarap niya ang mga ito. 60 Sa labanang ito, natalo sina Jose at Azarias at hinabol sila hanggang sa pagpasok ng Judea. May dalawang libong Israelita ang nasawi sa labanang iyon. 61 Ang pagkatalong ito ay bunga ng hindi nila pakikinig kay Judas at sa mga kapatid niya. Sa hangad na umani ng pansariling karangalan, 62 ngunit hindi nila natamo ang kanilang layunin sapagkat hindi sila kabilang sa mga piling sambahayan na pinagkalooban ng karangalang magligtas sa Israel.
63 Si Judas at ang kanyang mga kapatid ay natanyag at iginagalang ng mga Israelita at maging ng mga Hentil. Kapag nababalitaan ng mga tao ang kanilang kabayanihan, 64 pinagkakaguluhan sila at pinaparangalan.
65 Napagkaisahan ni Judas at ng mga kapatid niya na salakayin ang mga Edomita na nasa timog. Nakuha nila ang Hebron at ang mga bayan nito. Winasak nila ang mga kuta nito at sinunog ang mga tore. 66 Mula roon, sinalakay nila ang mga Filisteo at tinawid ang Marisa. 67 May mga paring lumabas upang makipaglaban sa hangad na matanyag subalit inabot sila ng kasawian. 68 Patuloy si Judas sa kanyang pagsalakay, at ang hinarap naman ay ang Asdod, sa lupain ng mga Filisteo. Nagtagumpay rin siya at winasak ang mga altar roon, at sinunog ang mga diyus-diyosan. Nilimas nila ang mga bayan nito bago sila magbalik sa lupain ng Judea.
* 5:35 Alema: Sa ibang manuskrito'y Maafa. 5:66 Marisa: Sa ibang manuskrito'y Samaria.