Ang Ikalawang Aklat ng
MACABEO
Panimula
Ang Ikalawang Aklat ng Macabeo ay buod ng limang aklat ng kasaysayang sinulat ni Jason na taga-Cirene. Iniuulat dito ang mga pangyayari sa kasaysayan ng mga Judio mula sa panahon ng pinakapunong pari na si Onias III (bandang 180 B.C.) hanggang sa kamatayan ni Nicanor (161 B.C.). Mayroon ding mga bahaging kasama ng mga pangyayaring inilalarawan sa mga unang kabanata ng Unang Macabeo. Binibigyang-diin dito ang katapatan sa kautusan at ang gantimpala na ibinibigay ng Diyos sa mga martir ng pananampalataya.
Nilalaman
Mga liham sa mga Judiong nasa Egipto at Pambungad 1:1–2:32
Pagpupunyagi upang maging Pinakapunong Pari 3:1–4:50
Si Haring Antioco at ang pag-uusig sa mga Judio 5:1–7:42
Mga tagumpay ni Judas 8:1–15:39
1
Ang Liham sa mga Judiong Nasa Egipto
Ang+ mga Judio sa Jerusalem at Judea ay bumabati sa kanilang mga kababayan sa Egipto,
“Hangad namin ang inyong lubos na kapayapaan!
“Pagpalain nawa kayo ng Diyos at alalahanin nawa niya ang kanyang tipan sa matatapat niyang lingkod na sina Abraham, Isaac at Jacob. Bigyan nawa niya kayong lahat ng pusong masigasig sa pagsamba sa kanya at sa pagsunod nang buong puso at pagsang-ayon sa kanyang kalooban. Tulungan nawa niya kayo na maunawaan ang kanyang mga utos, at pagkalooban nawa niya kayo ng kapayapaan. Dinggin nawa ng Diyos ang inyong mga dalangin at patawarin ang inyong mga pagkakasala. Nawa'y huwag niya kayong hiwalayan sa panahon ng kahirapan. Dito+ sa Juda, kayo'y aming idinadalangin ngayon.
“Noong taóng 169, nang si Demetrio II ang naghahari sa Siria, sumulat kami sa inyo sapagkat noon ay dumating sa amin ang kahirapan at pag-uusig. Naranasan namin ang lahat ng ito mula nang si Jason at ang kanyang mga kapanalig ay maghimagsik laban sa Lupaing Banal at sa kaharian. Sinunog nila ang mga pintuan ng Templo at pinatay ang mga taong wala namang kasalanan. Ngunit kami ay tumawag sa Panginoon at dininig naman niya ang aming panalangin, kaya't kami ay nag-alay ng handog na hayop at harina, nagsindi ng mga ilawan, at naghain ng tinapay sa altar. Ngayon ay ipinapaalala namin sa inyo na ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda sa ikasiyam na buwan. Isinulat ito ngayong taóng 188.”
Ang Sulat kay Aristobulo
10 “Ang mga taga-Jerusalem at taga-Judea, ang Senado, at si Judas, ay bumabati kay Aristobulo na tagapayo ni Haring Tolomeo at mula sa angkan ng mga hinirang na pari. Binabati rin namin ang mga Judio sa Egipto. Nawa'y patuloy na maging masagana ang inyong buhay.
11 “Nagpapasalamat kami sa Diyos sa pagliligtas niya sa amin sa panganib at pamamatnubay sa aming pakikidigma laban sa hari. 12 Siya ang nagpalayas sa mga nangahas lumusob sa banal na lunsod. 13 Nang+ dumating sa Persia si Haring Antioco, kasama ang isang hukbong parang hindi matatalo, sila'y pinatay at pinagputul-putol sa Templo ng diyosang si Nanea. Ito'y isinagawa ng mga tusong pari ng diyosa. 14 Si Antioco ay pumunta sa Templo kasama ang mga tagapayo niya at nagkunwang pakakasal sa diyosa upang makamkam ang kayamanan doon bilang regalo sa kanilang pag-iisang-dibdib. 15 Nang mailabas ng mga pari ang mga kayamanan, pumunta sa templo si Antioco at ang mga kaibigan niya para kunin ang mga iyon; ngunit nang nasa loob na sila, isinara ng mga pari ang mga pinto. 16 At isang lihim na lagusan sa kisame ang kanilang binuksan at mula roo'y binato nila ang mga panauhin hanggang sa mamatay. Pinagputul-putol nila ang mga bangkay at inihagis ang mga ulo sa labas. 17 Purihin ang ating Diyos na naglalapat ng parusa sa mga lapastangan.
Tinanggap ang Handog ni Nehemias
18 “Sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan, ipagdiriwang namin ang pagdalisay sa Templo, kaya naisip naming balitaan kayo, upang ipagdiwang naman ninyo ang Pista ng mga Tolda at inyong maalala ang paglitaw ng apoy na tumupok sa inialay na handog ni Nehemias matapos na muli niyang itayo ang Templo at ang altar. 19 Nangyari ito noong panahong bihagin sa Persia ang ating mga ninuno. Ang mga tapat na pari noong panahong iyon ay kumuha ng apoy sa altar at itinago ito sa isang tuyong balon nang walang nakakaalam. 20 Lumipas ang mga taon, at niloob ng Diyos na si Nehemias ay mapag-utusan ng hari ng Persia na hanapin ang nawawalang apoy na iyon. Mga salinlahi ng mga paring nagtago ng apoy ang isinugo ni Nehemias para hanapin ang nasabing apoy. Ibinalita nila sa aming wala nang apoy sa balon kundi putik lamang. Iniutos ni Nehemias sa mga pari na kumuha ng putik na iyon 21 at ibuhos sa handog sa altar at sa kahoy na kinapapatungan nito. 22 Ginawa nga nila ito, at paglitaw ng araw na noo'y natatakpan ng ulap, isang malaking siga ang sumiklab sa ibabaw ng altar. Namangha ang lahat sa kanilang nasaksihan. 23 Habang natutupok ang handog, pinangunahan sila ni Jonatan sa pananalangin at tumugon naman si Nehemias at ang mga tao.
Ang Panalangin ni Nehemias
24 “Ganito ang panalangin ni Nehemias:
‘Panginoon naming Diyos, ikaw ang lumikha ng lahat ng bagay; kahanga-hanga ka, makapangyarihan, makatarungan at mahabagin. Ikaw lamang ang hari. Ikaw lamang ang mahabagin, 25 makatarungan at makapangyarihan. Ikaw ang walang hanggang tagapagligtas ng Israel. Ikaw ang humirang at nagpala sa aming mga ninuno. 26 Tanggapin mo ang handog naming ito para sa Israel. Ingatan mo at pabanalin ang iyong bansang pinili. 27 Tipunin mo po ang nagkawatak-watak na mga Judio, na inalipin ng mga Hentil. Kahabagan mo po ang mga kinamumuhian at inaapi, upang malaman ng mga Hentil na ikaw ang aming Diyos. 28 Parusahan mo ang labis na nagpapahirap sa amin at nagmamalaki pa sa pag-api sa amin. 29 At gaya ng ipinangako mo sa pamamagitan ni Moises, itatag mo ang iyong bansa sa iyong lupang banal.’
Nabalitaan ng Hari ng Persia ang tungkol sa Apoy
30 “Pagkatapos manalangin, ang mga pari ay nag-awitan. 31 Natupok nga ang handog, ngunit may natira pang putik na buhat sa balon, kaya't iniutos ni Nehemias na ibuhos ito sa malalaking bato. 32 Pagkabuhos, isang malaking ningas ang sumiklab, ngunit mas maliwanag pa rin ang ningning ng liwanag buhat sa altar.
33 “Nabalitaan ito ng mga tao at umabot din sa kaalaman ng hari ng Persia. 34 Ang dakong pinagkunan ng putik na ginamit ni Nehemias at ng mga kasamahan niya para sunugin ang handog ay pinabakuran ng hari ng Persia, at ipinahayag niyang banal ang pook na iyon. 35 Malaking salapi ang kinikita ng dakong iyon, at sinumang naisin ng hari ay hinahatian niya sa kinikita. 36 Neftar ang itinawag nina Nehemias sa putik na iyon, na ang kahulugan ay ‘paglilinis,’ ngunit tinatawag itong nafta* ng karamihan.
+ 1:1 Heb. 11:35-36. + 1:6 Deut. 32:36. + 1:13 1 Mcb. 6:1-4; 2 Mcb. 9:1-10. * 1:36 NAFTA: Ito ay krudo na madaling matuyo.