4
Si Onias ay Nanawagan sa Hari
Si Simon, na nabanggit na noong una na siyang nagsumbong sa hari tungkol sa labis-labis na kayamanan sa templo, ay gumawa na naman ng pagmamalabis. Pinaratangan niyang si Onias ang nagbanta kay Heliodoro at siya ring pinagmulan ng sinapit nitong kapahamakan. Pinagbintangan niya ng paghihimagsik si Onias, na kilalang mapagkawanggawa sa lunsod, tagapagtanggol ng mga kababayan at matapat sa pagtupad ng mga utos ng Diyos. Naging malubha ang alitan, at ang mga tauhan ni Simon ay pumapatay na. Ang paglakas ng panig ng mga sumasalungat ay nadama na ni Onias, sapagkat kasabwat na rin ni Simon pati si Apolonio na anak ni Menesteo, ang gobernador ng Celesiria at Fenicia. Kaya't nagpunta siya sa hari, hindi upang paratangan ang mga kababayan niya kundi upang makiusap para sa kapakinabangan ng lipunan at ng bawat mamamayan. Naisip niyang gawin ito sapagkat kung hindi mamamagitan ang hari, tiyak niyang hindi magkakaroon ng kapayapaan sa bansa at hindi titigil si Simon sa kanyang pag-abuso.
Ang Maling Pangunguna ni Jason
Sa+ kasamaang palad, namatay si Haring Seleuco, at si Antioco na tinatawag ding Epifanes ang siyang humalili dito. Inagaw naman ni Jason ang pagiging Pinakapunong Pari mula sa kanyang kapatid na si Onias sa pamamagitan ng masamang paraan. Lumapit* ito sa bagong hari at nangakong magbibigay dito ng halagang 12,600 kilong pilak at hahanap pa siya ng ibang pagkukunan para madagdagan pa ng 2,800 kilo. Hindi lamang ito, nangako pa rin si Jason ng karagdagang 11,250 libra, kung bibigyan siya ng pahintulot na magtayo ng isang palaruan at bumuo ng samahan ng mga kabataang manlalaro; nais din niyang gawing mamamayan ng Antioquia ang mga taga-Jerusalem.
10 Sumang-ayon ang hari. Kaya't pag-upo ni Jason bilang Pinakapunong Pari, agad niyang sinimulang akitin ang kanyang mga kababayan na umayon sa pamumuhay Griego. 11 Pinawalang-saysay+ niya ang mga tanging karapatang ipinagkaloob ng hari sa mga Judio noong panahon ni Juan, ama ni Eupolemo. Si Eupolemo ang sugong nagtagumpay na makuha ang kasunduan ng pagkakaibigan ng mga Judio at ng mga taga-Roma. Pinalitan ni Jason ang umiiral na batas at ang inihalili'y mga kaugaliang salungat sa Kautusan. 12 Ipinagawa niya agad ang palaruan at doon niya ito ipinatayo sa paanan ng tanggulang tinatawag na Acropolis. Pinagsuot niya ang mga piniling kabataang Judio ng sumbrerong Griego na gamit sa paglalaro. 13 Mula noon, ang pamumuhay Griego at mga kaugaliang dayuhan na ang kinahumalingan ng marami. Ito'y bunga ng labis na kasamaan ng mapagpanggap na paring si Jason. 14 Wala nang paring naghangad na maglingkod sa altar. Ang templo at ang paghahandog ay pinabayaan na rin at ang kinahumalingan ay ang pagsasanay para sa palakasan upang makasali sa mga paligsahang hindi ayon sa Kautusan ng Diyos. 15 Ang mga bagay na pinarangalan ng kanilang mga ninuno ay itinakwil nila, at ang pinahalagahan ay ang mga bagay na itinuturing na dakila ng mga Griego. 16 Subalit hindi ito nakabuti sa kanila, sapagkat naging kaaway nila ang mga taong nais nilang tularan sa kilos at pag-uugali. Binusabos sila ng mga ito. 17 Tunay ngang ang paglapastangan at paglabag sa Kautusan ng Diyos ay nagbubunga nang di mabuti. Patutunayan ito ng sumusunod na mga pangyayari.
Ang Jerusalem sa Pamamahala ng Siria
18 Sa lunsod ng Tiro ay may idinaraos na paligsahang pampalakasan. Ginaganap ito tuwing ikalimang taon at pinanonood ito ng hari. 19 Samantalang idinaraos ito, ang tusong si Jason ay nagpadala ng mga sugo bilang kinatawan ng samahan ng mga Judiong naging mamamayan ng Antioquia. Nagdala sila ng 22,500 librang pilak para gugulin sa paghahandog sa diyus-diyosang si Hercules. Naisipan ng mga sugo na hindi tamang gastusin ang ganito kalaking halaga para sa paghahandog, 20 kaya't sa ibang bagay nila ito iniukol. Sa halip na ihandog kay Hercules, ang salapi ay ginugol nila sa pagpapagawa ng mga sasakyang-dagat na pandigma.
21 Nang si Apolonio na anak ni Menesteo ay ipadala sa Egipto bilang kinatawan sa idaraos na pasinaya sa pagluklok ni Filometor bilang hari, nalaman ni Antioco na ang bagong hari ay laban sa kanyang mga patakaran. Nabahala siya, kaya't nagpunta siya sa Joppa at mula roo'y nagtuloy sa Jerusalem. 22 Malugod siyang tinanggap ni Jason at ng buong lunsod na pawang may dalang sulo sa kanilang pagdiriwang. Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, isinama niya ang kanyang hukbo at pinasok nila ang Fenicia.
Pinalitan ni Menelao si Jason Bilang Pinakapunong Pari
23 Lumipas ang tatlong taon at ipinatawag ni Jason si Menelao na kapatid ni Simon. Inutusan niya itong magdala ng salapi sa hari at tuloy sumangguni dito tungkol sa ilang mahahalagang bagay. 24 Pagdating sa palasyo'y ipinakilala siya sa hari, at pinapaniwala niya ito sa taglay niyang kakayahan at kapangyarihan. Inalok niya ang hari ng napakalaking halaga—10,500 kilong pilak ang kahigitan sa ibinigay ni Jason—kaya't naagaw niya rito ang pagka-Pinakapunong Pari. 25 Bumalik siya sa Jerusalem taglay ang tungkuling ito na pinagtibay ng hari, ngunit wala naman siyang kakayahan; ang taglay niya'y kabagsikan at pagiging asal-hayop. 26 Kaya't si Jason, na nagtaksil sa sariling kapatid ay pinagtaksilan din ng ibang tao. Sa takot niya, nagtago siya sa lupain ng mga Ammonita.
27 Nagpatuloy si Menelao sa pagiging Pinakapunong Pari ngunit sinira niya ang kanyang pangako sa hari na babayaran niya ito. 28 Si Sostrat na namamahala sa kuta at tagapaningil ng buwis ang naatasang maningil kay Menelao, ngunit kahit anong paniningil ni Sostrat ay walang nangyari. Dahil sa pagkukulang na ito, silang dalawa'y ipinatawag ng hari. 29 Agad lumakad si Menelao at iniwan sa kanyang kapatid na si Lisimaco ang pansamantalang tungkulin ng Pinakapunong Pari. Si Sostrat nama'y lumakad din at iniwan naman ang pamamahala sa kuta kay Crates na pinuno ng mga upahang kawal sa Cyprus.
Pinaslang si Onias
30 Ang mga lunsod ng Tarso at Mallo ay ibinigay ng hari sa kanyang kinakasamang si Antioquis. Sa galit ng mga mamamayan, sila ay naghimagsik. 31 Nang malaman ito ng hari, hindi siya nag-aksaya ng panahon. Iniwan niya ang pamamahala ng kaharian kay Andronico, isa sa kanyang punong katiwala at nagmamadaling nagpunta sa nagkakagulong mga lunsod upang payapain ang mga tao. 32 Ang pagkakataong ito'y sinamantala naman ni Menelao. Ninakaw niya ang ilang mga kagamitang ginto sa templo at ipinagmagandang-loob kay Andronico. Bago niya ginawa ito'y may mga ibang kagamitan siyang naipagbili na sa Tiro at mga karatig-lunsod. 33 Nang malaman ito ni Onias, nagtago siya sa Dafne, malapit sa Antioquia at doo'y ibinunyag niya sa madla ang ginawang pagsasamantala ni Menelao. 34 Sa+ galit naman ni Menelao, lihim nitong kinausap si Andronico at inudyukang patayin si Onias. Pinuntahan nga ni Andronico si Onias at hinimok siyang lumabas na sa kanyang pinagtataguan. Sa simula'y naghinala si Onias, subalit sa pamamagitan ng mga sinumpaang pangako'y napasang-ayon ding lumabas si Onias; at siya'y walang awang pinatay ni Andronico.
Pinarusahan si Andronico
35 Sa nangyaring ito'y nagalit at nagluksa hindi lamang ang mga Judio kundi pati ang ibang mga bansa dahil sa walang katarungang pagpatay kay Onias. 36 Nang dumating ang hari buhat sa Cilicia, pinuntahan agad siya ng mga Judiong taga-Antioquia at nagharap sila ng demanda tungkol sa nangyari. Sumama rin ang mga Griego na nagalit din sa nangyaring pagpatay kay Onias. 37 Gayon na lamang ang kalungkutan ni Antioco. Nahabag siya at tumangis lalo na nang magunita ang napakagandang pag-uugali ni Onias. 38 Sa galit ni Antioco, pinunit niya ang kanyang maharlikang kasuotan hanggang sa siya'y mahubaran. Sa ganitong ayos, si Andronico ay ipinarada sa lunsod hanggang sa dakong pinagpatayan niya kay Onias. Pagdating doon, pinatay rin siya at sa gayo'y tinanggap niya ang kaukulang parusang niloob ng Panginoon.
Pinatay si Lisimaco
39 Si Lisimaco naman ay nakikipagsabwatan kay Menelao sa maraming pagnanakaw sa lunsod. Nabalitaan ng mga tao na marami nang kasangkapang ginto ang nawawala sa templo, kaya agad silang nagtipun-tipon at pinuntahan si Lisimaco. 40 Sa galit nila'y hindi naiwasang di magkagulo kaya't nagkaroon ng dahilan si Lisimaco para harapin sila. Kumuha siya ng tatlong libong tauhan at nilusob ang mga tao sa pangunguna ng malupit at tumatanda nang si Aurano. 41 Lumaban ang mga tao. Anumang mahagip—bato, kahoy o dakut-dakot na abo mula sa altar—ay ipinupukol nila sa nalilitong si Lisimaco at sa kanyang mga tauhan. 42 Marami ang nasaktan, at may ilan pa sa mga tauhan ni Lisimaco ang napatay. Sa takot ng iba'y tumakas na sila. Ang magnanakaw ng mga banal na kagamitan na si Lisimaco ay napatay malapit sa kabang-yaman.
Nilitis si Menelao
43 Dahil sa nangyaring ito, si Menelao ay isinakdal ng mga mamamayan. 44 Kaya't nang dumating sa Tiro ang hari, nagsugo roon ang Senado ng mga Judio ng tatlong kinatawan upang magharap sa hari ng sakdal laban kay Menelao. 45 Nakita ni Menelao na wala siyang panalo, kaya't sinuhulan niya ng malaking halaga si Tolomeo na anak ni Dorimenes para himuking pumanig sa kanya ang hari. 46 Ang hari ay ipinasyal ni Tolomeo sa liwasan para sumagap ng sariwang hangin. Nahimok nga niyang magbago ng isip ang hari. 47 Dahil dito, si Menelao ay pinatawad ng hari sa halip na parusahan. Ang pinarusahan pa ng kamatayan ay ang tatlong walang kasalanang sugo, na kung ang malulupit na Escita ang lumitis sa kanila ay tiyak na makakalaya. 48 Iyon ang sinapit ng mga nagmamalasakit sa lunsod, sa kapakanan ng mga mamamayan, at alang-alang sa dangal ng mga sagradong kagamitan. 49 Ilan sa mga taga-Tiro ang nagalit sa pangyayaring ito; binigyan nila ng isang maringal na libing ang mga sugo. 50 Dahil sa mga gahaman sa kapangyarihan, si Menelao ay nanatili sa tungkulin. Naging masama siyang higit kaysa dati, at naging utak ng kapahamakan ng mga kababayan niya.
+ 4:7 1 Mcb. 1:10. * 4:8 Lumapit: o kaya'y Lumiham. + 4:11 1 Mcb. 8:17. 4:18 ikalimang taon: o kaya'y ikaapat na taon. + 4:34 Dan. 9:26. 4:48 ng mga mamamayan: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na at ng mga karatig-nayon.