3
Ang mga Katiwalian ng mga Pinuno sa Israel
1 At sinabi ko, “Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel! Katarungan ang dapat ninyong pairalin.
2 Ngunit ayaw ninyo ng mabuti at ang nais ninyo'y kasamaan. Binabalatan ninyo nang buháy ang aking bayan at unti-unting hinihimay ang kanilang mga laman.
3 Kinakain ninyo ang kanilang laman, binabakbak ang kanilang balat, binabali ang mga buto, at tinatadtad na parang karneng iluluto.
4 Darating ang araw na kayo'y dadaing kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo tutugunin. Hindi niya kayo papakinggan dahil sa inyong mga kasamaang ginawa.”
5 Ganito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga bulaang propeta na naging dahilan ng pagkaligaw ng bayang Israel: “Nangangako sila ng kapayapaan sa mga nagsusuhol sa kanila, ngunit pinagbabantaan nilang didigmain ang ayaw magsuhol sa kanila.”
6 “Sasapit ang gabi ngunit hindi kayo magkakaroon ng pangitain; lalaganap ang dilim subalit hindi kayo tatanggap ng pahayag mula sa Diyos. Lulubog na ang araw para sa mga propeta; malagim ang kahihinatnan nila.
7 Mapapahiya ang mga manghuhula, pagtatawanan ang kanilang mga pahayag, sapagkat hindi na sila sinasagot ng Diyos.
8 “Subalit ako'y puspos ng kapangyarihan, ng espiritu ni Yahweh, ng katarungan at kapangyarihan upang ipahayag sa mga Israelita ang kanilang mga kasalanan.
9 Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel. Nasusuklam kayo sa katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran!
10 Itinayo ninyo ang Zion sa pamamagitan ng pagpatay; itinatag ninyo ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan.
11 Ang kanyang mga pinuno'y nagpapasuhol muna bago humatol, nagpapaupa ang mga pari para magturo, at ang mga propeta nama'y nanghuhula dahil sa salapi. Gayunman, umaasa sila kay Yahweh at sinasabi, ‘Nasa kalagitnaan natin si Yahweh kaya walang kasamaang darating sa atin.’ ”
12 Kaya't dahil sa inyo, ang Zion ay bubungkalin tulad ng isang bukirin, magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem, at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.