Ang Aklat ng
MALAKIAS
Panimula
Nasulat ang Aklat ng Malakias noong ikalimang siglo B.C., matapos maitayong muli ang Templo sa Jerusalem. Ang pangunahing layunin ng propeta ay manawagan sa mga pari at sa bayan upang muling pag-alabin ang kanilang katapatan sa kanilang pakikipagtipan sa Diyos. Kitang-kita ang panghihina at kabulukan sa pamumuhay at pagsamba ng bayan ng Diyos. Dinadaya nila ang Diyos dahil hindi nila ibinibigay sa kanya ang mga dapat nilang ipagkaloob at hindi sila namumuhay ayon sa kanyang turo. Subalit darating si Yahweh upang hatulan at dalisayin ang kanyang bayan. Pauunahin niya ang kanyang sugo upang ihanda ang daan at upang ipahayag ang kanyang tipan.
Nilalaman
Ang mga kasalanan ng Israel 1:1–2:16
Ang paghatol at ang kahabagan ng Diyos 2:17–4:6
1
Iniibig ni Yahweh ang Israel
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh tungkol sa Israel sa pamamagitan ni Propeta Malakias. Sinabi ni Yahweh sa bayan ng Israel:
2 “Inibig ko na kayo noong una pa man, subalit sinasabi naman ninyo, ‘Paano ninyo ipinakita ang inyong pag-ibig sa amin?’ Hindi ba't magkapatid sina Esau at Jacob ngunit minahal ko si Jacob at ang kanyang mga salinlahi,
3 at kinamuhian ko naman si Esau? Winasak ko ang kanyang maburol na kabayanan at pinamugaran iyon ng maiilap na hayop.”
4 Kung sabihin man ng mga Edomita na mga salinlahi ni Esau, “Bagaman winasak ang aming bayan, muli namin itong itatayo.” Ito naman ang isasagot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Itayo man nilang muli iyon ay muli kong wawasakin hanggang sa tawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘bayang kinapopootan ni Yahweh magpakailanman.’ ”
5 Makikita ninyong mangyayari ito at inyong sasabihin, “Dakila at makapangyarihan si Yahweh kahit sa labas ng bansang Israel.”
Pinangaralan ni Yahweh ang mga Pari
6 Pinagsabihan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga paring lumalapastangan sa kanyang pangalan, “Pinaparangalan ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Kung ako ang inyong ama, bakit hindi ninyo ako iginagalang? Kung ako ang inyong Panginoon, bakit hindi ninyo ako pinaparangalan? Nilalapastangan ninyo ako at pagkatapos ay itatanong pa ninyo, ‘Sa anong paraan namin kayo nilalapastangan?’
7 Nag-aalay kayo sa aking altar ng mga walang halagang pagkain. At itinanong pa ninyo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ Hinahamak ninyo ang aking altar
8 sa tuwing maghahandog kayo sa akin ng mga hayop na bulag, pilay, o maysakit. Subukin ninyong maghandog ng ganyan sa inyong gobernador, matuwa kaya siya sa inyo at ibigay ang inyong kahilingan?
9 “Magsumamo man kayo sa Diyos ay hindi niya kayo papakinggan kung ganyan ang ihahandog ninyo sa kanya.
10 Mabuti pa'y isara na ng isa sa inyo ang mga pinto ng Templo at huwag na kayong mag-aksaya ng panahon sa pagsisindi ng walang kabuluhang apoy sa ibabaw ng aking altar! Hindi ako nalulugod sa inyo at hindi ko tatanggapin ang anumang handog ninyo sa akin.
11 Iginagalang ang aking pangalan ng lahat ng mga bansa mula silangan hanggang kanluran. Nagsusunog sila ng insenso at nag-aalay ng malilinis na handog para sa akin. Ako'y pinaparangalan nilang lahat.
12 Ngunit dinudungisan ninyo ang pangalan ko tuwing sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar at tuwing naghahandog kayo doon ng mga pagkaing walang halaga!
13 Sinasabi ninyong nakakapagod na ang lahat ng ito at iniismiran pa ninyo ako. At kung hindi naman nakaw o pilay, maysakit ang dala ninyong hayop na panghandog sa akin. Akala ba ninyo'y tatanggapin ko iyon?
14 Sumpain ang sinumang nandaraya sa paghahandog sa akin ng hayop na may kapintasan, gayong may ipinangako siyang malusog na hayop mula sa kanyang kawan. Ako'y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.”