16
Hiningan ng Tanda si Jesus
(Mc. 8:11-13; Lu. 12:54-56)
1 Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at Saduseo. Upang siya'y subukin, humingi sila sa kanya ng isang himala mula sa langit.
2 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, [“Kapag dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon dahil maaliwalas ang langit.’
3 At kapag umaga nama'y sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon dahil madilim ang langit.’ Nakakabasa kayo ng palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon.]
4 Lahing masama at taksil sa Diyos! Humihingi kayo ng palatandaan, ngunit walang ibibigay sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Jonas!”
Pagkatapos nito, umalis si Jesus.
Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo
(Mc. 8:14-21)
5 Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.
6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.”
7 Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.”
8 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya!
9 Hindi pa ba ninyo nauunawaan hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo ang limang tinapay na pinaghati-hati para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis?
10 Gayundin ang pitong tinapay para sa apat na libo. Ilang kaing na tinapay ang lumabis?
11 Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?”
12 At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus
(Mc. 8:27-30; Lu. 9:18-21)
13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?”
14 At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
15 Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?”
16 Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”
17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit.
18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya.
19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.”
20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay
(Mc. 8:31–9:1; Lu. 9:22-27)
21 Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.”
22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo.”
23 Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
24 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
25 Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.
26 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay?
27 Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito.
28 Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari.”