18
Sino ang Pinakadakila?
(Mc. 9:33-37; Lu. 9:46-48)
Nang+ mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila at+ sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”
Mga Sanhi ng Pagkakasala
(Mc. 9:42-48; Lu. 17:1-2)
“Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.
“Kung+ ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. Kung+ ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”
Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa
(Lu. 15:3-7)
10 “Pakaingatan+ ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [ 11 Sapagkat+ naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.]*
12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung+ magkasala [sa iyo] ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo na ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid. 16 Ngunit+ kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.”
Kapangyarihang Magbawal o Magpahintulot
18 “Tandaan+ ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot ninyo dito sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
19 “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad
21 Lumapit+ si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”
22 Sinagot+ siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.§ 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.* 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.
28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso. Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.
31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”
+ 18:1 Lu. 22:24. + 18:3 Mc. 10:15; Lu. 18:17. + 18:8 Mt. 5:30. + 18:9 Mt. 5:29. + 18:10 Tob. 12:15. + 18:11 Lu. 19:10. * 18:11 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 11. 18:14 inyong Ama: Sa ibang manuskrito'y aking Ama. + 18:15 Lu. 17:3. 18:15 sa iyo: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. + 18:16 Deut. 19:15. + 18:18 Mt. 16:19; Jn. 20:23. + 18:21 Lu. 17:3-4. + 18:22 Gen. 4:24. § 18:22 pitumpung ulit na pito: o kaya'y pitumpu't pito. * 18:24 milyun-milyong piso: Sa Griego ay 10,000 talento. 18:28 ilang daang piso: Sa Griego ay isang daang denaryo.