5
Ang Sermon sa Bundok
Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at siya'y nagsimulang magturo sa kanila.
Ang mga Pinagpala
(Lu. 6:20-23)
“Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.
“Pinagpala+ ang mga nagdadalamhati,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
“Pinagpala+ ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
“Pinagpala+ ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat sila'y bibigyang kasiyahan ng Diyos.
“Pinagpala ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
“Pinagpala+ ang mga may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
“Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
10 “Pinagpala+ ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.
11 “Pinagpala+ ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan [na pawang kasinungalingan]* nang dahil sa akin. 12 Magsaya+ kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo.”
Asin at Ilaw
(Mc. 9:50; Lu. 14:34-35)
13 “Kayo+ ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?
14 “Kayo+ ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Walang+ taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin+ naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Katuruan tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan+ ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”
Ang Katuruan tungkol sa Pagkagalit
21 “Narinig+ ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.
25 “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang barya na dapat mong bayaran.”
Ang Katuruan Laban sa Pangangalunya
27 “Narinig+ ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung+ ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung+ ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”
Paghihiwalay Dahil sa Pangangalunya
(Mt. 19:9; Mc. 10:11-12; Lu. 16:18)
31 “Sinabi+ rin naman, ‘Kapag makikipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit+ sinasabi ko sa inyo, kapag nakipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid, itinutulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Katuruan tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig+ din ninyong sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ 34 Ngunit+ sinasabi ko sa inyo, huwag kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o+ kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”
Katuruan Laban sa Paghihiganti
(Lu. 6:29-30)
38 “Narinig+ ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong balabal. 41 Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya,§ pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”
Pagmamahal sa Kaaway
(Lu. 6:27-28, 32-36)
43 “Narinig+ ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang+ kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya+ maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”
+ 5:4 Isa. 61:2. + 5:5 Awit 37:11. + 5:6 Isa. 55:1-2; Ecc. 24:21. + 5:8 Awit 24:3-4. + 5:10 1 Ped. 3:14. + 5:11 1 Ped. 4:14. * 5:11 na pawang kasinungalingan: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. + 5:12 2 Cro. 36:16; Ecc. 2:8; Gw. 7:52. + 5:13 Mc. 9:50; Lu. 14:34-35. + 5:14 Jn. 8:12; 9:5. + 5:15 Mc. 4:21; Lu. 8:16; 11:33. + 5:16 1 Ped. 2:12. 5:17 KAUTUSAN AT ANG MGA PROPETA: Ang mga ito ay tumutukoy sa mga aklat ng Lumang Tipan. + 5:18 Lu. 16:17. + 5:21 Exo. 20:13; Deut. 5:17. + 5:27 Exo. 20:14; Deut. 5:18. + 5:29 Mt. 18:9; Mc. 9:47. + 5:30 Mt. 18:8; Mc. 9:43. + 5:31 Deut. 24:1-4; Mt. 19:7; Mc. 10:4. + 5:32 Mt. 19:9; Mc. 10:11-12; Lu. 16:18; 1 Cor. 7:10-11. 5:32 nakikiapid: o kaya'y hindi tapat sa kanilang sumpaan bilang mag-asawa. + 5:33 Lev. 19:12; Bil. 30:2; Deut. 23:21. + 5:34 San. 5:12; Isa. 66:1; Mt. 23:22. + 5:35 Isa. 66:1; Awit 48:2. + 5:38 Exo. 21:24; Lev. 24:20; Deut. 19:21. § 5:41 ISANG MILYA: Ang katumbas ng isang milyang Romano ay 1,478.5 metro. + 5:43 Ecc. 12:4-7. + 5:45 Ecc. 4:10. + 5:48 Lev. 19:2; Deut. 18:13.