12
Ang Listahan ng mga Pari at mga Levita
1-7 Ito ang listahan ng mga pari at mga Levitang bumalik kasama ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong paring si Josue.
Ang mga pari ay sina:
Sereias, Jeremias, Ezra,
Amarias, Maluc, Hatus,
Secanias, Rehum, Meremot,
Ido, Ginetoi, Abijas,
Mijamin, Maadias, Bilga,
Semaias, Joiarib, Jedaias,
Salu, Amok, Hilkias at Jedaias.
Sila ang mga pinuno ng mga pari at ng kanilang mga angkan nang panahon ni Josue.
8 Ang mga Levita naman ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Serebias, Juda at Matanias. Sila ang namahala sa pagkanta ng mga awit ng pasasalamat.
9 Ang bumubuo ng koro na umaawit ng mga sagutang pag-awit ay sina Bakbukuias, Uno at iba pang mga Levita na kasama nila.
Ang mga Sumunod na Salinlahi ng Paring si Josue
10 Naging anak ni Josue si Joiakim na ama ni Eliasib. Naging anak naman ni Eliasib si Joiada,
11 na ama ni Jonatan na ama ni Jadua.
12-21 Nang panahong si Joiakim ang pinakapunong pari, ito ang mga pinuno ng mga angkan ng pari:
Pari | Angkan |
Meraias | Seraias |
Hananias | Jeremias |
Mesulam | Ezra |
Jehohanan | Amarias |
Jonatan | Maluqui |
Jose | Sebanias |
Adna | Harim |
Helkai | Meraiot |
Zacarias | Ido |
Mesulam | Gineton |
Zicri | Abijas |
___ | Miniamin |
Piltai | Moadias |
Samua | Bilga |
Jehonatan | Semaias |
Matenai | Joiarib |
Uzi | Jedaias |
Kalai | Salai |
Eber | Amok |
Hashabias | Hilkias |
Nathanael | Jedaias |
Inilista ang mga Pamilya ng mga Pari at mga Levita
22 Inilista ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga Levita at ng mga pari nang panahon ng panunungkulan ng mga pinakapunong paring sina Eliasib, Joiada, Johanan at Jadua. Ang listahang ito'y natapos nang panahong si Dario ang hari ng Persia.
23 Ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita ay nailista sa Aklat ng Kasaysayan noong panahon lamang ni Johanan na apo ni Eliasib.
Mga Itinakdang Gawain sa Templo
24 Ang mga pinuno ng mga Levita ay hinati sa mga pangkat na pinamunuan nina Hashabias, Serebias, Jeshua, Binui at Kadmiel. Dalawang pangkat ang sagutang umaawit ng papuri at pasasalamat sa Diyos, ayon sa ipinag-uutos ni David na lingkod ng Diyos.
25 Ang namahala naman sa mga bantay sa mga bodega na malapit sa mga pintuan ng Templo ay ang mga sumusunod: Matanias, Bakbukuias, Obadias, Mesulam, Talmon at Akub.
26 Noo'y panahon ng pamamahala ni Joiakim, anak ni Josue at apo ni Jehozadak. Ang gobernador noon ay si Nehemias at ang pari ay si Ezra na dalubhasa sa Kautusan.
Itinalaga ni Nehemias ang Pader ng Lunsod
27 Nang italaga na ang pader ng Jerusalem, tinipon ang mga Levita sa Jerusalem upang sama-sama nilang ipagdiwang ang pagtatalaga. Ipinagdiwang ito sa saliw ng mga awit ng pasasalamat at ng tugtog ng pompiyang, alpa, at lira.
28 Ang mga mang-aawit na mula sa angkan ng mga Levita ay dumating mula pa sa paligid ng Jerusalem at mula sa kapatagan ng Netofa,
29 sa bayan ng Gilgal at sa kapatagan ng Geba at Azmavet.
30 Nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao. Nilinis din nila ang mga pintuan at mga pader ng lunsod.
31 Isinama ko sa ibabaw ng pader ng lunsod ang mga pinuno ng Juda. Pinamahala ko sila sa dalawang malaking pangkat ng mga mang-aawit na lilibot sa lunsod upang magpasalamat. Ang isang pangkat ay lumakad na papuntang kanan sa ibabaw ng pader patungo sa pintuang papunta sa tapunan ng basura.
32 Kasunod nito ang kalahati ng mga pinuno ng Juda sa pangunguna ni Hosaias.
33 Nasa likuran nila sina Azarias, Ezra, Mesulam,
34 Juda, Benjamin, Semaias at Jeremias.
35 Hinihipan ng mga paring ito ang kanilang mga trumpeta habang sumusunod sina Zacarias, anak ni Jonatan at apo ni Semaias. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Matanias, Micaias, Zacur at Asaf.
36 Sumunod din ang kanyang kamag-anak na sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanael, Juda at Hanani. Silang lahat ay may dalang mga instrumento sa musika na katulad ng tinugtog ni Haring David na lingkod ng Diyos. Ang pangkat na ito'y pinangunahan ni Ezra na dalubhasa sa Kautusan.
37 Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal nagtuloy silang paakyat sa Lunsod ni David. Lumampas sila sa palasyo ni David hanggang sa sumapit sila sa Pintuan ng Tubig sa gawing silangan ng lunsod.
38 Ang ikalawang pangkat na nagpasalamat din ay lumakad namang pakaliwa sa ibabaw ng pader. Sumunod ako sa pangkat na ito at lumakad kaming kasama ang kalahati ng mga taong bayan. Lumampas kami sa Tore ng mga Pugon papunta sa Maluwang na Pader.
39 Mula roo'y lumampas kami sa Pintuan ni Efraim, sa Pintuang Luma, tuloy sa Pintuan ng Isda, sa Tore ni Hananel, sa Tore ng Sandaan patungo sa Pinto ng mga Tupa. Huminto kami sa may pinto ng Templo.
40 Ang dalawang pangkat ng mga mang-aawit ay nagtagpo sa tapat ng templo. Bukod sa mga pinunong kasama ko,
41 kasama ko rin ang mga paring umiihip ng mga trumpeta na sina Eliakim, Maaseias, Miniamin, Micaias, Elioenai, Zacarias at Hananias.
42 Kasunod nila sina Maaseias, Semaias, Eleazar, Uzi, Johanan, Malquijas, Elam at Ezer. Ang mga ito'y mang-aawit na pinangunahan ni Jezrahias.
43 Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at masayang nagdiwang ang mga tao dahil sa kagalakang dulot sa kanila ng Diyos. Pati mga babae at mga bata ay nagdiwang din kaya't ang ingay nila'y narinig sa malalayong lugar.
Ambagan para sa Pananambahan sa Templo
44 Nang araw ring iyon, nagtalaga sila ng mga lalaking mamamahala sa mga bodegang paglalagyan ng mga kaloob sa Templo gaya ng mga unang bunga at ikasampung bahagi ayon sa Kautusan. Sila ang kukuha ng mga kaloob para sa mga pari at mga Levita mula sa mga bukirin ng mga bayan, sapagkat sila ang inihanda sa paglilingkod sa gawaing ito. Nagalak naman ang mga taga-Juda sa mga pari at mga Levita,
45 sapagkat tinupad nila ang utos ng Diyos tungkol sa pagiging malinis. Gumanap din ng kani-kanilang tungkulin ang mga mang-aawit at mga bantay ayon sa iniutos ni David, at ng anak nitong si Solomon.
46 Mula pa nang panahon ni Haring David at ng mang-aawit na si Asaf, ang mga mang-aawit na ang nangunguna sa mga awit ng pasasalamat at papuri sa Diyos.
47 Sa panahon naman ni Zerubabel at ni Nehemias, ibinibigay ng buong Israel ang kanilang mga kaloob araw-araw para sa pangangailangan ng mga mang-aawit at ng mga bantay sa Templo. Ibinibigay nila ang handog para sa mga Levita at ibinibigay naman ng mga Levita sa mga pari ang bahagi ng mga ito.