5
Pang-aapi sa Mahihirap
Dumating ang panahon na ang mga mamamayan, lalaki man o babae, ay nagreklamo laban sa kanilang kapwa Judio. Sinabi ng ilan, “Malaki ang aming pamilya at kailangan namin ng trigong makakain upang mabuhay.” Sinabi naman ng iba na nakapagsangla sila ng kanilang mga bukirin, ubasan at mga bahay, huwag lamang silang magutom. May nagsasabi namang, “Nakapangutang kami makapagbuwis lamang sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. Kami'y mga Judio rin at ang mga anak namin ay tulad din ng kanilang mga anak! Ngunit ipinapaalila namin ang aming mga anak. Sa katunayan, ang ilan sa mga anak naming babae ay naipagbili na namin para maging alipin. Wala kaming magawâ sapagkat ang aming mga bukirin at ubasan ay kinamkam na sa amin.”
Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga reklamong ito. Nagpasya+ akong harapin ang mga pinuno at mga hukom. Pinaratangan ko sila ng ganito: “Ano't nagawa ninyong magpautang nang may tubo sa inyong mga kababayan?”
Kaya't tinipon ko ang mga tao sa isang pangkalahatang pulong. Sinabi ko, “Sinikap nating mapalaya ang ating kapwa-Judio na naipagbili sa ibang bansa. Ngayon nama'y kayo ang nanggigipit sa kanila upang ipagbili ang kanilang sarili sa inyo na mga kapwa nila Judio!” Hindi makapagsalita ang mga pinuno. “Mali ang inyong ginagawa,” patuloy ko. “Dapat kayong matakot sa Diyos at gumawa nang mabuti upang hindi tayo hamakin ng mga pagano. 10 Ang mga kababayan nating nagigipit ay pinahiram ko na ng salapi at pagkain. Ganoon din ang ginawa ng aking mga kamag-anak at mga tauhan. Huwag na natin silang pagbayarin ng interes ng kanilang pagkakautang. 11 Ngayon di'y ibalik ninyo ang mga bukirin at ubasan sa mga may utang sa inyo, pati ang kanilang mga taniman ng olibo, at tahanan. Ibalik din ninyo ang naging interes ng perang ipinahiram ninyo, gayundin ang mga trigo, alak at langis na ipinahiram ninyo sa kanila.”
12 “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila,” sagot nila. “Hindi na namin sila sisingilin. Tutuparin namin ang hinihingi mo.” Ipinatawag ko ang mga pari at pinanumpa sa harap nila ang mga pinuno upang tuparin ng mga ito ang kanilang pangako. 13 Ipinagpag ko ang aking kasuotan at sinabi ko, “Ganyan nawa ang gawin ng Diyos sa mga ari-arian ng mga taong hindi tumupad sa kanyang pangako. Ipagpag din sana silang tulad nito at maghirap.”
Lahat ng naroo'y sumang-ayon at sinabi, “Mangyari nawa ang sinabi ninyo.” Pinuri nila si Yahweh at tinupad ng mga tao ang kanilang pangako.
Si Nehemias ay Hindi Makasarili
14 Sa loob ng labindalawang taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes hanggang ika-32 taon, ako, ni ang aking mga kamag-anak ay hindi kumain ng pagkaing nauukol sa gobernador. 15 Ang mga naunang gobernador sa Juda ay naging pabigat sa mga tao na hinihingan nila ng pagkain at ng alak bukod pa sa apatnapung pirasong pilak. Maging ang mga katulong nila'y katulong din sa pagpapahirap. Ngunit hindi ko ginawa iyon, sapagkat ako'y may takot sa Diyos. 16 Ginawa ko ang lahat upang muling maitayo ang pader sa tulong ng aking mga tauhan. Hindi ako naghangad ng anumang ari-arian. 17 Ako'y laging nagpapakain ng 150 panauhing Judio, gayundin ng aming mga pinuno bukod sa mga taong dumarating mula sa mga malalapit na bansa. 18 Araw-araw ay nagpapakatay ako ng isang toro, anim na matatabang tupa, at maraming manok at tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng maraming alak. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ko pa rin kinuha ang pagkaing nauukol sa gobernador, sapagkat alam kong ang mga tao'y naghihirap. 19 Alalahanin mo ako, O Diyos, sa lahat ng aking ginawa alang-alang sa sambayanang ito.
+ 5:7 Exo. 22:25; Lev. 25:35-37; Deut. 23:19-20.