2
Ang Pagbagsak ng Nineve
1 Nineve, sinasalakay na kayo!
Dumating na ang kapangyarihang wawasak sa inyo.
Bantayan ninyo ang mga pader at ang daan!
Maghanda kayo para sa labanan!
2 Sapagkat papanumbalikin na ni Yahweh ang kadakilaan ng Israel,
gaya noong panahong hindi pa sila nilulusob ng mga kaaway.
3 Naghahanda na silang sumalakay,
pula ang mga kalasag ng mga kawal,
at pula rin ang kanilang kasuotan.
Nagliliyab na parang apoy ang kanilang mga karwahe!
Rumaragasa ang kanilang mga kabayong pandigma.
4 Ang mga karwahe'y humahagibis sa mga lansangan,
paroo't parito sa mga liwasan;
parang naglalagablab na sulo ang mga ito,
at gumuguhit na parang kidlat.
5 Pagtawag sa mga pinuno'y
nagkakandarapa sila sa paglapit.
Nagmamadali nilang tinungo ang pader na tanggulan,
upang ilagay ang pananggalang laban sa mantelet.
6 Nabuksan na ang mga pintuan sa ilog,
at ang mga tao sa palasyo ay nanginginig sa takot.
7 Ang reyna ay dinalang-bihag,
kaya't dinadagukan ng mga lingkod ang kanilang dibdib.
Sila'y nag-iiyakan, gaya ng mga kalapating nananaghoy.
8 Tulad ng tubig sa isang lawa na wasak ang pampang,
ang mga tao'y mabilis na tumatakas mula sa Nineve.
“Huminto kayo!” ang sigaw nila,
ngunit kahit isa ay wala man lang lumingon.
9 Samsamin ang pilak!
Samsamin ang ginto!
Ang lunsod ay puno ng kayamanan!
10 Wasak na ang Nineve!
Iniwan na ng mga tao at ngayo'y mapanglaw na.
Ang mga tao'y nasisindak,
nanginginig ang mga tuhod;
wala nang lakas, at putlang-putla sa takot.
11 Wala na ang lunsod na parang yungib ng mga leon,
ang dakong tirahan ng mga batang leon.
Wala na rin ang dakong pinagtataguan ng inahing leon,
ang lugar kung saan ligtas ang kanyang mga anak.
12 Pinatay na ng leon ang kanyang biktima
at nilapa ito para sa kanyang asawa at mga anak;
napuno ng nilapang hayop ang kanyang tirahan.
13 “Ako ang kalaban mo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Susunugin ko ang iyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang mga kawal mo. Kukunin ko sa iyo ang lahat ng iyong sinamsam sa iba. Ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig kailanman.”