MGA BILANG
Panimula
Ang aklat ng Mga Bilang ay kasaysayan ng mga Israelita sa panahon ng halos apatnapung taon. Ito ay mula nang lisanin nila ang Bundok ng Sinai hanggang sa marating ang silangang hangganan ng lupaing ipinangako ng Diyos. Ang pangalan ng aklat ay tumutukoy sa mahalagang bahagi ng kasaysayan—ang sensus bago sila umalis sa Bundok ng Sinai, na inulit sa Moab, sa silangan ng Jordan, sampung taon halos ang nakalipas. Sa pagitan ng dalawang sensus, ang mga Israelita ay nakarating sa Kades-barnea sa gawing timog ng Canaan subalit hindi sila nakapasok sa lupang pangako. Pagkaraan ng maraming taon nagpunta sila sa silangan ng Ilog Jordan. Dito nanirahan ang isang bahagi ng mga Israelita at ang natira naman ay naghanda sa pagtawid ng ilog patungong Canaan.
Ang aklat ng Mga Bilang ay ulat tungkol sa bayang madalas abutin ng panghihina ng loob at takot sa gitna ng kahirapan. Naghimagsik sila sa Diyos at kay Moises. Gayunpaman, ang aklat na ito ay nagsasalaysay tungkol sa matapat at di nagmamaliw na pangangalaga ng Diyos sa kanyang bayan sa kabila ng kanilang kahinaan at pagsuway. Isinasalaysay rin dito ang katapatan ni Moises sa Diyos, bagaman kung minsan ay inaabot ng pagkainip sa tugon ng Diyos at pagkayamot sa kanyang mga kababayan.
Nilalaman
Ang paglisan sa Bundok ng Sinai 1:1–9:23
a. Ang unang sensus 1:1–4:49
b. Iba't ibang kautusan at tuntunin 5:1–8:26
k. Ang ikalawang Paskwa 9:1-23
Mula sa Bundok ng Sinai hanggang Moab 10:1–21:35
Mga pangyayari sa Moab 22:1–32:42
Paglalagom ng lakbayin mula sa Egipto hanggang Moab 33:1-49
Mga tagubilin bago tumawid sa Jordan 33:50–36:13
1
Ang Unang Sensus sa Israel
Noong+ unang araw ng ikalawang buwan matapos umalis sa Egipto ang sambayanang Israel, si Yahweh ay nangusap kay Moises habang siya'y nasa loob ng Toldang Tipanan na noo'y nasa ilang ng Sinai. Ang sabi ni Yahweh, “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng buong sambayanan ng Israel ayon sa kani-kanilang angkan at lipi. Ilista ninyo ang lahat ng lalaki mula sa gulang na dalawampu pataas, lahat ng maaari nang lumaban sa digmaan. Magpatulong ka kay Aaron at sa pinuno ng bawat angkan.” 5-16 Ito ang mga pinuno ng bawat lipi na tutulong sa iyo:
Lipi Pinuno
Ruben Elizur na anak ni Sedeur
Simeon Selumiel na anak ni Zurisadai
Juda Naason na anak ni Aminadab
Isacar Nathanael na anak ni Zuar
Zebulun Eliab na anak ni Helon
Efraim Elisama na anak ni Amiud
Manases Gamaliel na anak ni Pedazur
Benjamin Abidan na anak ni Gideoni
Dan Ahiezer na anak ni Amisadai
Asher Pagiel na anak ni Ocran
Gad Eliasaf na anak ni Deuel
Neftali Ahira na anak ni Enan
17 Ang mga taong nabanggit ay isinama nina Moises at Aaron, 18 at noong unang araw ng ikalawang buwan, tinipon nila ang lahat ng Israelita. Itinala nila ang lahat ng lalaki mula sa gulang na dalawampu pataas, ayon sa kani-kanilang lipi. 19 Ginawa nila ito sa ilang ng Sinai, ayon sa utos ni Yahweh.
20-43 Ito ang kanilang naitala:
Lipi Bilang
Ruben 46,500
Simeon 59,300
Gad 5,650
Juda 74,600
Isacar 54,400
Zebulun 57,400
Efraim 40,500
Manases 32,200
Benjamin 35,400
Dan 62,700
Asher 41,500
Neftali 53,400
44-45 Lahat ng lalaki sa Israel mula sa dalawampung taon pataas at maaaring isama sa hukbo upang makidigma ay itinala nga nina Moises at Aaron. Sila ay tinulungan ng labindalawang pinuno na mula sa bawat lipi ng Israel. 46 Ang kabuuang bilang ay 603,550.
Ang Paghirang sa mga Levita
47 Ang mga Levita ay hindi kabilang sa sensus na ito 48 sapagkat ganito ang bilin ni Yahweh kay Moises: 49 “Huwag mong isasama sa sensus ng Israel ang mga Levita. 50 Sa kanila mo ibibigay ang tungkulin ng paglilingkod sa Toldang Tipanan. Itatayo nila ang kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan at sila ang bubuhat nito pati ang mga kasangkapan nito. 51 Kung kailangang tanggalin ang tabernakulo, sila ang magtatanggal at kung kailangang itayong muli, sila rin ang magtatayo. At sinumang lumapit sa tabernakulo liban sa kanila ay dapat patayin. 52 Ang mga lipi ng Israel ay magtatayo ng kanya-kanyang tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat. 53 Ang mga Levita naman ay magtatayo ng kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan para walang ibang makalapit dito, sapagkat kapag may ibang lumapit dito, tiyak na paparusahan ko ang buong Israel. Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan.” 54 Ang lahat ng mga utos na ito ni Yahweh ay sinunod ng mga Israelita.
+ 1:1 Bil. 26:1-51.