10
Ang Trumpetang Pilak
1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel.
3 Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan.
4 Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo.
5 Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan.
6 Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog.
7 Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta.
8 Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon.
9 Kapag nilulusob kayo ng inyong kaaway, hipan ninyo ang trumpeta bilang hudyat upang tulungan at iligtas kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.
10 Sa inyong mga pagdiriwang, tulad ng Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, hihipan din ninyo ang trumpeta habang inihahain ang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Sa gayon, aalalahanin ko kayo at tutulungan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
Ang Unang Yugto ng Paglalakbay ng mga Israelita
11 Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo.
12 Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran.
13 Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito.
14 Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab.
15 Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar
16 at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun.
17 Kapag nakalas na at naihanda na sa pag-alis ang tabernakulo, susunod ang mga anak ni Gershon at ni Merari, na siyang nagpapasan ng binaklas na tabernakulo.
18 Kasunod ang pangkat nina Ruben ayon sa kanya-kanyang angkan, at pinangungunahan ni Elizur na anak ni Sedeur.
19 Ang lipi naman ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurisadai
20 at ni Eliasaf na anak ni Deuel naman sa lipi ni Gad.
21 Kasunod ng pangkat nina Ruben ang mga Levita mula sa angkan ni Kohat, dala ang mga sagradong bagay. Pagdating nila sa susunod na pagkakampuhan, muli nilang itatayo ang tabernakulo.
22 Kasunod naman ang pangkat ni Efraim ayon sa kani-kanilang angkan sa ilalim ng pamumuno ni Elisama na anak ni Amiud.
23 Ang lipi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Pedazur,
24 at ang lipi ni Benjamin ay pinangungunahan naman ni Abidan na anak ni Gideoni.
25 Ang pangkat nina Dan ang kahuli-hulihan at siyang nagsisilbing tanod na nasa huling hanay. Sila'y pangkat-pangkat din ayon sa angkan at pinangungunahan ni Ahiezer na anak ni Amisadai.
26 Ang pinuno ng lipi ni Asher ay si Pagiel na anak ni Ocran
27 at ang pinuno naman ng lipi ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan.
28 Ganito nga ang ayos ng buong Israel tuwing sila'y magpapatuloy sa paglalakbay.
29 Kinausap ni Moises si Hobab na anak ni Ruel na Midianita, isang kamag-anak ng asawa ni Moises. Ang sabi niya, “Sumama ka sa amin patungo sa dakong ibinibigay sa amin ni Yahweh at bibigyan ka namin ng kasaganaang ipinangako niya sa amin.”
30 “Hindi na ako sasama sa inyo sapagkat nais kong bumalik sa aking mga kamag-anak,” sagot niya.
31 “Sumama ka na sa amin sapagkat kabisado mo ang pasikut-sikot sa ilang. Maituturo mo sa amin kung saan kami maaaring magkampo.
32 Pagdating natin doon, babahaginan ka namin ng anumang pagpapalang ibibigay sa amin ni Yahweh,” sabi ni Moises.
33 At mula sa Bundok ni Yahweh, naglakbay sila nang tatlong araw. Ang Kaban ng Tipan ay iniuna sa kanila nang tatlong araw para ihanap sila ng lugar na pagkakampuhan.
34 Kung araw, nilililiman sila ng ulap ni Yahweh habang naglalakbay.
35 Tuwing ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises:
“Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin.
Itaboy mo ang iyong mga kaaway
at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.”
36 At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya:
“Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.”