20
Ang Bukal Mula sa Malaking Bato
(Exo. 17:1-7)
1 Nang unang buwan, nakarating ang buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Zin at nagkampo sila sa Kades. Doon namatay at inilibing si Miriam.
2 Wala silang makuhang tubig doon, kaya nagpulong sila laban kina Moises at Aaron.
3 Sinabi nila, “Mabuti pa'y namatay na kami sa harap ng Tolda ni Yahweh kasama ng iba naming mga kapatid.
4 Bakit pa ninyo kami dinala rito? Upang patayin ba kasama ng aming mga alagang hayop?
5 Bakit ninyo kami inilabas sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain, igos, ubas o bunga ng punong granada! Wala man lang tubig na mainom!”
6 Nagpunta sina Moises at Aaron sa may pintuan ng Toldang Tipanan at nagpatirapa roon. Nagningning sa kanila ang kaluwalhatian ni Yahweh.
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
8 “Dalhin mo ang tungkod na nasa harap ng Kaban ng Tipan at isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa taong-bayan at sa kanilang mga alagang hayop.”
9 Kinuha nga ni Moises ang tungkod mula sa Kaban ng Tipan.
10 Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Gusto ba ninyong magpabukal pa kami ng tubig mula sa batong ito?”
11 Pagkasabi noon, dalawang ulit na pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Biglang bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang mga tao pati ang kanilang mga alagang hayop.
12 Ngunit pinagsabihan ni Yahweh sina Moises at Aaron. Sabi niya, “Dahil kulang ang inyong pananalig sa akin na maipapakita ko sa mga Israelita na ako'y banal, hindi kayo ang magdadala sa bayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”
13 Nangyari ito sa bukal ng Meriba, kung saan nagreklamo ang Israel laban kay Yahweh at ipinakita niya na siya ay banal.
Hindi Pinaraan sa Edom ang Israel
14 Mula sa Kades, nagpasabi si Moises sa hari ng Edom, “Ito ang ipinapasabi ng bayang Israel na iyong kamag-anak: Hindi kaila sa iyo ang mga kahirapang dinanas namin.
15 Alam mong ang mga ninuno namin ay nagpunta sa Egipto at nanirahan doon nang mahabang panahon, ngunit kami at ang aming mga ninuno ay inapi ng mga Egipcio.
16 Dahil dito, dumaing kami kay Yahweh. Dininig niya kami at isinugo sa amin ang isang anghel na siyang naglabas sa amin mula sa Egipto. At ngayo'y narito kami sa Kades, sa may hangganan ng iyong nasasakupan.
17 Ipinapakiusap kong paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni kukuha ng isang patak na tubig sa inyong mga balon. Sa Lansangan ng Hari kami magdaraan at hindi kami lilihis sa kanan o sa kaliwa hanggang hindi kami nakakalampas sa iyong nasasakupan.”
18 Ngunit ganito ang sagot ng mga taga-Edom: “Huwag kayong makadaan-daan sa aming nasasakupan! Kapag kayo'y nangahas, sasalakayin namin kayo.”
19 Sinabi ng mga Israelita, “Hindi kami lilihis ng daan. Sakaling makainom kami o ang aming mga alagang hayop ng inyong tubig, babayaran namin, paraanin lamang ninyo kami.”
20 “Hindi maaari!” sagot ng mga taga-Edom. At tinipon nila ang kanilang buong hukbo upang salakayin ang mga Israelita.
21 Hindi nga pinaraan ng mga taga-Edom sa kanilang nasasakupang lugar ang mga Israelita kaya humanap na lang sila ng ibang daan.
Namatay si Aaron sa Bundok ng Hor
22 Naglakbay ang mga Israelita mula sa Kades at nakarating sa Bundok ng Hor,
23 sa may hanggahan ng lupain ng Edom. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
24 “Mamamatay si Aaron at hindi siya makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa Israel sapagkat sinuway ninyo ang utos ko sa inyo sa Meriba.
25 Isama mo siya at ang anak niyang si Eleazar sa itaas ng Bundok ng Hor.
26 Pagdating doon, hubarin mo ang kasuotan niya at isuot mo iyon kay Eleazar. At doon na mamamatay si Aaron.”
27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Umakyat sila sa bundok habang nakatingin ang buong bayan.
28 Pagdating sa itaas ng bundok, hinubad ni Moises ang kasuotan ni Aaron at isinuot kay Eleazar. Doon ay namatay si Aaron, subalit sina Moises at Eleazar ay bumalik sa kapatagan.
29 Nang malaman ng sambayanan na patay na si Aaron, tatlumpung araw silang nagluksa.