23
Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magdala ka rito ng pitong toro at pitong tupa.” Ganoon nga ang ginawa ni Balac. At silang dalawa ay naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. Sinabi ni Balaam kay Balac, “Bantayan mo ang mga handog na ito. Aalis muna ako at baka sakaling makipagkita na sa akin si Yahweh. Anumang sabihin niya sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” At nagpunta siyang mag-isa sa tuktok ng isang burol.
Pinagpala ni Balaam ang Israel
Nakipagkita nga kay Balaam ang Diyos. Sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar at bawat isa'y pinaghandugan ko ng isang toro at isang lalaking tupa.” May sinabi kay Balaam si Yahweh. Pagkatapos, pinabalik ito kay Balac. Nadatnan niya si Balac at ang mga pinuno sa paligid ng handog na sinusunog. Sinabi ni Balaam,
 
“Mula sa Aram, sa bulubundukin sa silangan,
ipinatawag ako ni Balac na hari ng Moab.
Ang sabi niya sa akin, ‘Halika't ang bansa ni Jacob ay iyong sumpain.
Halika't itakwil mo ang bansang Israel!’
Ang pinagpala ng Diyos ay paano ko susumpain?
Ang binasbasan ni Yahweh, paano ko nga itatakwil?
Mula sa tuktok ng mga bundok sila'y aking natatanaw,
nakikita ko silang lahat mula sa kaburulan.
Sila'y isang bansang namumuhay na mag-isa,
alam nilang sila'y mapalad kaysa mga iba!
10 Ang lahi ni Jacob, alabok ang kagaya;
kung ang Israel ay bilangin, ito ba'y makakaya?
Mamatay nawa akong gaya ng anak ng Diyos;
sa kapayapaan ng matuwid, buhay ko nawa'y matapos!”
 
11 Itinanong ni Balac kay Balaam, “Bakit ganyan ang ginagawa mo? Di ba't tinawag kita para sumpain ang aking mga kaaway? Ngunit sa halip ay binabasbasan mo pa sila!”
12 Sumagot siya, “Hindi maaaring di ko sabihin ang ipinapasabi ni Yahweh.”
13 Sinabi sa kanya ni Balac, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa lugar na hindi mo makikita ang lahat ng mga Israelita. Doon mo sila sumpain.” 14 At nagpunta sila sa bukirin ni Zofim, sa taluktok ng Pisga. Nagpagawa sila roon ng pitong altar at bawat isa'y hinandugan ng tig-iisang toro at tig-iisang tupa.
15 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Dito ka lang sa may mga handog na sinusunog at pupunta ako sa dako roon para makipagkita kay Yahweh.”
16 Pagkalayo niya nang kaunti, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabi kung ano ang dapat niyang sabihin kay Balac. 17 Pagbalik niya, nakita niya si Balac at ang mga pinunong kasama nito na nakatayo sa paligid ng handog. Tinanong siya ni Balac, “Ano ang sabi ni Yahweh?”
18 Sinabi ni Balaam,
 
“Makinig ka, Balac, dinggin mo ako,
anak ni Zippor, may sasabihin ako sa iyo:
19 Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao.
Anumang sabihin niya'y kanyang gagawin,
kung mangako man siya, ito'y kanyang tutuparin.
20 Ang utos sa akin, sila'y pagpalain;
ang pagpapala ng Diyos, di ko kayang bawiin.
21 Sa Israel ay wala akong makitang kasawian,
sa kanila ay wala ring kapahamakan.
Ang Diyos nilang si Yahweh ang kanilang kasama,
ipinapahayag nilang siya ang hari nila.
22 Ang Diyos ang naglabas sa kanila sa Egipto,
sila'y ipinaglaban niya nang tulad sa mailap na toro.
23 Si Jacob ay hindi makakayang kulamin,
ang Israel ay hindi maaaring sumpain.
Tungkol sa Israel, ito ang sasabihin ng mga tao:
‘Ito ang gawa ng Diyos at pagmasdan ninyo!’
24 Ang Israel ay kasinlakas ng isang leon,
hindi tumitigil hanggang kaaway ay di nalalamon
at hanggang ang dugo nito ay di niya naiinom.”
 
25 Sinabi ni Balac kay Balaam, “Kung ayaw mo silang sumpain, huwag mo naman sanang pagpalain.”
26 Ngunit ang sagot ni Balaam, “Hindi ba't sinabi ko na sa iyong gagawin ko lamang ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh?”
27 Sinabi ni Balac, “Halika. Lumipat tayo ng lugar at baka ipahintulot na ng Diyos na sumpain mo roon ang mga Israelita.” 28 At magkasama silang nagpunta sa tuktok ng Peor, kung saan natatanaw nila ang ilang.
29 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magpakuha ng pitong toro at pitong tupa.” 30 Gayon nga ang ginawa ni Balac. Bawat altar ay hinandugan niya ng tig-iisang toro at tig-iisang lalaking tupa.