8
Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan
1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.”
3 Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises.
4 Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.
Ang Pagtatalaga sa mga Levita
5 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
6 “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan.
7 Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan.
8 Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
9 Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel.
10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita.
11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin.
12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.
13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya.
14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin.
15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.
16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel.
17 Ang mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop.
18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel,
19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”
20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh.
21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan.
22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.
Ang Itatagal ng Panunungkulan ng mga Levita
23 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
24 “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan.
25 Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain.
26 Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.”