3
Katuruan para sa mga Mag-asawa
1 Kayo namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. Sa gayon, kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal. Kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila,
2 sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay.
3 Ang inyong ganda ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit.
4 Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos.
5 Iyan ang pagpapagandang ginawa noong unang panahon ng mga babaing banal na umasa sa Diyos. At sila'y nagpasakop sa kanilang mga asawa.
6 Tulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan.
7 Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina. At sila'y kasama ninyong tatanggap ng buhay na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito upang walang maging sagabal sa inyong mga panalangin.
Paghihirap Dahil sa Paggawa ng Matuwid
8 Sa madaling salita, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba.
9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos.
10 Ayon sa nasusulat,
“Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay,
dila nila'y pigilan sa pagsasabi ng kasamaan.
Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita
sa kanyang mga labi ay di dapat mamutawi.
11 Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama;
at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa.
12 Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,
ang kanilang panalangin ay kanyang pinakikinggan,
ngunit ang masasama ay kanyang sinasalungat.”
13 At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti?
14 At sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag.
15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo.
16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo.
17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama.
18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu.
19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo.
20 Sila ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig.
21 Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi nito nililinis ang dumi ng katawan; ito'y pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo,
22 na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.